Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Misis ang OFW Matapos Siyang Maghirap, Nakakaiyak ang Gagawin ng Anak Niya na Nagbigay sa Kanya ng Pag-Asa

Iniwan ng Misis ang OFW Matapos Siyang Maghirap, Nakakaiyak ang Gagawin ng Anak Niya na Nagbigay sa Kanya ng Pag-Asa

Kahit hirap ay nakangiting naghain si Omar ng banana cue at juice, ilang minuto nalang kasi ay darating na ang anak niyang si Dylan galing sa eskwela. Grade 5 na ang bata at sa isang mamahaling school nag-aaral.

“Daddy, I’m home!” masiglang sabi ng bata nasa pintuan palang ito.

“Tamang tama, ready na ang meryenda. Bilisan mo nang magbihis at snacks na tayo,” utos rito ni Omar.

Habang nagbibihis ang bata ay inilapag niya ang tungkod sa gilid at naupo. Bumuntong hininga siya, si Dylan na lamang ang kanyang lakas sa mga ganitong panahon.

Isang buwan na ang nakalipas, walang mag-aakalang mauuwi silang mag-ama sa ganitong sitwasyon. Isang kahig isang tuka. Nasa Saudi kasi siya, maganda ang trabaho at malaki ang sahod. Kayang-kaya nga nilang pag aralin si Dylan sa pribadong eskwelahan. Ang mag-ina niya ay narito sa Pilipinas.

Nagbago ang lahat nang maaksidente siya at mapauwi rito sa bansa. Nang wala na siyang pera ay iniwan na sila ng misis niya. Ang masakit pa ay nakasangla pala pati ang malaking bahay na naipundar niya at hindi siya masagot ng babae kung saan na napunta ang kanilang mga ipon.

“Daddy, ina-ask po pala ni teacher kung kailan raw po ako makakabayad ng tuition for this grading. Sabi mo po kasi last week diba nagkaproblem po kayo sa bank,” sabi ng bata na nagpagising kay Omar mula sa pagkakatulala.

“H-ha? Sige ako na ang kakausap kay teacher mo ha.” alanganing sagot ng lalaki. Hindi kasi siya sigurado kung saan kukuha ng 22,000 na tuition. Kung ito ngang banana cue na kinakain nila ngayon ay inutang niya lang, iyon pa kaya?

“Oo nga po pala daddy pwede mo pong makausap si teacher kasi po bukas may program po sa school. Partner po tayong dalawa, parents and students. May games po,”

“Naku, baka naman matalo tayo dyan Dylan. Kita mong pilay ang daddy diba? Paano ako makakatakbo sa games,” sinundan iyon ng malungkot na tawa ni Omar.

“Daddy please? Kahit manood nalang tayo, basta punta tayo please?” pakiusap ni Dylan. Napatango na lamang si Omar.

Kinabukasan ay maagang nagbihis ang mag-ama. Medyo pinagtinginan pa sila sa labas ng school ni Dylan dahil bumaba sila sa tricycle, samantalang ang ibang kaklase ng bata ay inihatid ng kotse.

Sa gate palang, nanliliit na si Omar pero nilakasan niya ang loob dahil nakahawak sa kanyang kamay ang anak.

Lalong nakaramdam ng pagkahiya ang ama nang makarating sila sa paggaganapan ng program. Lahat kasi ng magulang at mga estudyante ay naka-costume. May mga kapa ang mga ito na para bang sa mga superhero.

“Nak, bakit hindi mo naman nabanggit sa daddy na magko-costume pala?” bulong niya kay Dylan.

May nakalagay pa nga sa unahan na ‘Superhero Day’.

“Siya yung nag-Saudi diba? My God, look at him now. Can’t even buy his son a cheap costume,” sabi ng isang nanay. Ka-bulungan nito ang isa pang magulang na humagikgik sa narinig.

Napatungo si Omar, pero agad rin siyang nag-alala dahil napansin niyang wala na sa tabi niya si Dylan.

“Dylan?” tawag niya sa bata sa pagitan ng mga tao. Pero wala ito, pinagtinginan siya. Kitang-kita ang pandidiri ng ibang magulang sa ayos niya, idagdag pang mukha siyang katawa-tawa dahil iika-ika kung maglakad gamit ang kahoy na ginawa niyang tungkod.

“Goodmorning everyone! The students of Grade 5-Emerald have prepared a dance number for us, to be led by Dylan Sta. Ana!” sabi ng guro.

Napalingon ang mga magulang sa unahan, napangiti naman si Omar nang makita sa pinakagitna ang anak at proud na nakangiti rin sa kanya. Tumugtog na ang musika at umindak ang mga bata, nang matapos ay nagpalakpakan ang mga magulang.

Pinipigil naman ni Omar ang luha niya habang pumapalakpak rin. Nakakaawa ang anak niya, ni hindi niya naibili ng bagong T-shirt pang-sayaw.

“Dylan, your choreography is impressive! Can you tell me who are you portraying today? Most of your classmates are avengers. What’s with the plain white T-shirt? Are you ‘The Hulk’?” tanong ng guro na ang tinutukoy ay ang nauusong palabas ngayon.

“No ma’am, I’m just.. Dylan. And my dad’s over there,” turo nito sa kanya.

Nanliit si Omar nang maging ang guro ay napatingin, pareho silang mag-ama na hindi nakabihis.

“What’s your costume then? You and your daddy?”

Saglit na hindi sumagot ang bata, kaya napuno ng bulung-bulungan ang paligid.

“Wala na kasing pera,”

“Kung ako dyan, hindi ko na papapuntahin ang anak ko. Mapapahiya lang ang bata,”

“Hindi na naawa sa anak niya,”

Ilan lamang iyan sa narinig ni Omar. Akmang lalapit siya sa unahan upang yayain na ang anak na umuwi nang magsalita si Dylan.

“Today is Superhero Day, kaya dinala ko ang superhero ko. Si daddy, siya po ang hero ko. Kahit wala siyang costume, daig niya pa si superman sa lakas para buhayin ako everyday. Wala man siyang kapa at pilay man siya, matatag ang daddy ko at mahal niya ako. Hindi siya sumusuko kahit hirap na kami, at dahil doon..siya ang superhero ko.”

Tameme ang mga magulang, ilang sandali ay napuno ng palakpakan ang paligid. Naiiyak na tumango naman si Omar, para bang panibagong lakas ng loob ang ibinigay ng kanyang anak ngayong araw.

Ipinaalala lang nitong naniniwala pa rin ito sa kanya, tinitingala pa rin siya kaya hindi siya dapat na sumuko.

Kahit hirap ay patakbo siyang pumunta sa unahan, tapos ay niyakap si Dylan.

Makalipas ang ilang buwan ay umayos kaunti ang kondisyon ni Omar, nakiusap siya sa magulang na bantayan muna ang anak dahil nakapag-apply siyang muli sa Saudi. Isa at kalahating taon lamang siyang nanatili sa ibang bansa, nang makaipon ay nag-negosyo na lamang siya rito sa Pilipinas para kapiling niya si Dylan.

Laging tandaan na palaging may pag-asa sa buhay, hindi tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kaya. Kapag dumating ang oras na tayo ay nanghihina na, tingnan lamang natin ang ating mga mahal sa buhay at siguradong kakaibang lakas at determinasyon ang ating makukuha.

Advertisement