Matapos Magpaanak ay Ibinebenta ng Komadrona ang mga Sanggol, Nanginig Siya sa Konsensya Dahil Pati Apo ay Nailako Niya
Nakangiting nilapitan ni Mercy ang nagri-ring na telepono. Tiyak niya kasing si Jim iyon, ang nag-iisa niyang anak. Nasa Saudi ang binata at uuwi na bukas. Dalawang taon ring hindi niya ito nakasama.
“Hello?”
“Ma, kumusta ka?” sabi ng binata sa kabilang linya.
“Aba okay naman, wala namang masyadong ginagawa. Hay anak, ang tagal ng bukas! Hindi na ako makapaghintay, basta ha? Susunduin kita,” excited na sabi niya.
Napatawa sa kabilang linya ang lalaki, “Sige po. Ikaw naman kasi ma, ang dami namang lilipatan sa Manila, hindi kita maintindihan kung bakit dyan pa sa liblib na probinsya ka pumunta. Wala naman tayong kamag-anak dyan diba? Ni wala ka nga yatang kakilala,” sabi nito.
Hindi naman nakasagot si Mercy, iniba niya na lamang ang usapan.
“Maganda kaya rito. Malinis na nga ang kwarto mo eh, dapat umuwi kana eh,”
“Hindi ako pinayagan mag-leave agad. Wag kang mag-alala, worth it ang paghihintay mo ma. May sorpresa ako sayo,” bakas ang kaligayahan sa tinig nito.
Ilang minuto pa ay tinapos na rin nila ang tawag.
Kung anong bait ang ipinakikita niya sa anak, kabaligtaran iyon sa ibang tao.
Isa siyang midwife, trabaho na niya ang magpaanak. May lisensya siya at kumpleto sa mga seminar pero sa likod noon ay nagtatago ang isang madilim na sikreto.
Katulong ng kanyang assistant na si Senyang, tinuturukan nila ng pampatulog ang mga buntis kapag nakikita nilang nakalabas na ang ulo ng anak nito. Tapos noon ay maglalagay sila ng mga laman loob na nabili sa palengke sa isang kahon at paggising ng ina ay sasabihin nilang nadurog ang bata. Maaaring inaswang, o kinulang sa bitamina. O ipinaglihi sa kung anu-ano at ang pinaka-effective na dahilan, na-matanda.
Tapos ay luluwas si Senyang sa bayan upang kitain ang mga mag-asawang hindi magkaanak na nakausap niya para ibenta ang sanggol.
Kaya nga narito siya sa probinsya ay dahil mas maraming madaling maniwala sa mga liblib na lugar gaya nito. Markado na rin kasi siya sa Maynila kaya palipat-lipat siya ng tahanan.
Ang sabi niya nalang kay Jim ay dahil gusto niyang magpaanak ng libre at makatulong sa kapwa, kaya hangang-hanga ang binata sa kanya.
“Ate! Ate may customer,” sabi ni Senyang.
Nabigla naman siya nang kaunti, wala naman kasi siyang natatanaw na buntis sa lugar. Pero magrereklamo pa ba siya, ito na ang grasya. Tamang-tama dahil may nakausap na siyang mag-asawa, inabisuhan niya ang mga ito na maghintay lang dahil wala pa siyang buntis na napapaanak.
“Pasok ho kayo, dahan-dahan hija,” inalalayan niya ang isang dalaga.
Dalawang matandang kapitbahay niya ang umaakay rito, “pamangkin nyo?” tanong niya sa mga ito. Halata kasing hindi taga-rito ang babae. Bago ang mukha nito, tsaka hindi pang-probinsya ang porma. Maganda ang suot nitong bestida.
“Hindi namin siya kilala. Parang bagong dating eh, may maleta pa nga iyan. Hindi na namin nausisa dahil biglang humilab ang tyan niya, ikaw na ang bahala ha Mercy,” sagot ng mga kapitbahay.
Siniguro ni Mercy sa mga ito na iingatan niya ang dalaga, halos mapangisi siya dahil mas madaling nakawan. Hindi taga-rito.
Nang maihiga sa kama ang dalaga ay pasimpleng tinurukan niya ito ng pampatulog.
“Ayos lang yan hija, pampahilab lalo ito. Para mabilis na bumaba ang bata,” sabi niya. Ilang sandali pa ay napansin niyang nahihilo na ito sa antok.
Pagsulyap niya sa orasan ay alas onse na ng gabi, kailangan niyang magmadali dahil alas kwatro ng madaling araw darating ang kanyang anak. Dapat ay magkamalay na ang babae kaagad.
Matagumpay nilang naibenta ni Senyang ang sanggol, ang bilis umandar ng oras. Alas kwatro na ay wala pa ring malay ang babae kaya sinabihan niya si Senyang na ito na ang bahala sa dalaga dahil susunduin niya na si Jim.
Mahigpit na niyakap niya ang anak, ang laki-laki ng ngiti ng lalaki nang salubungin niya ito sa airport. Magkaakbay silang bumyahe pabalik sa tinutuluyan niya.
Sinalubong sila ni Senyang na problemado, sinenyasan niya naman ito kung ano na ang nangyari sa customer nila kanina.
“Ate, kagigising lang. Iyak nang iyak. Hindi ko mapauwi dahil tulala. Baka maghinala kapag nakahalatang minamadali ko siya,” bulong nito. Napabuntong hininga siya na hindi naman nakaligtas sa paningin ni Jim, kanina pa ito palinga-linga sa bahay. Para bang may hinahanap.
“Ma, may pinaanak ka ba? I mean may dumating ka bang customer?” usisa ng binata.
“Naku anak, oo. Pasensya kana ha, akala ko kasi ay magkakamalay agad. Di bale na, doon ka nalang muna sa kwarto mo para hindi ka maabala,” sabi niya rito.
“Bakit po ang tahimik yata? Usually may umiiyak na baby diba?” tanong nito ulit.
Saglit siyang nag-isip bago nagsalita, “Ano kasi, parang bagong salta itong babae. Hindi siya kilala rito.. kaya lang ay may problema. Patay ang baby nang isilang niya. Ano, durog sa sinapupunan. May komplikasyon ata,” nakatungong paliwanag niya rito.
“Ho?!”
Nagulat rin si Mercy sa reaksyon ng binata,”R-relax ka lang anak. Nangyayari naman talaga ang ganoon, ang buhay ay mapaglaro,” sabi niya na hinihimas pa ang balikat nito.
Pero hindi nagpatinag ang kanyang anak, dire-diretso ito sa kanyang delivery room. Litong-litong sumunod naman si Mercy.
“M-ma..oh my God ma, no!” sigaw ni Jim. Hindi pa rin niya maintindihan ang mga pangyayari, lalo nang lapitan nito ang dalagang tulala at yakapin.
“Jim?” naguguluhang tanong niya.
“Ma, siya si Sheryl. Magpapakasal na kami, ito ang sorpresang sinasabi ko sa iyo. Nagkataon na hindi kami pinayagan ng mga boss namin ng sabay na leave kaya magkaiba ang flight namin, kabuwanan na ni Sheryl nang bumyahe siya. Diyos ko, wala lang kaming choice kaya nauna siya.. ibinigay ko ang address mo dahil alam kong aalagaan mo siya.
Diyos ko, She.. patawarin mo ako. Pinabayaan ko kayo ng anak natin..” humahagulgol na sabi ni Jim.
Hindi naman makagalaw sa kinatatayuan niya si Mercy, nangangatog siya.
Ang sanggol na ibinenta niya, ay ang sarili niyang apo!
Nagmamadali siyang tumakbo palabas, nagpasama siya kay Senyang na habulin ang mag-asawa.
Buti nalang ay hindi pa nakakaluwas ng Maynila ang mga ito at nagcheck-in muna sa malapit na hotel. Ibinalik niya ang pera at halos magmakaawa siya sa paghingi ng tawad sa buhat na sanggol.
Inamin niya kay Jim ang lahat ng kanyang kasalanan, nagdamdam ito ng sobra sa kanya pero pinatawad rin siya. Sa kondisyon na aaminin niya sa lahat ng biktima ang kanyang kasalanan at tutulungan ang mga ito na mabawi ang mga sanggol na ibinenta niya.
Buong puso naman siyang pumayag. Ngayon ay nasa kalahati na ang mga baby na naibabalik niya sa magulang ng mga ito, marami ang nagsampa ng kaso sa kanya at buong pagsisisi niyang hinarap ang mga iyon.
Ngayon lang na-realize ni Mercy ang kanyang kasamaan, ngayon niya lang rin naisip na tama ang sinabi niya- ang buhay ay mapaglaro. Sariling dugo at laman niya pala ang ipinagkanulo niya sa iba, sa ngalan ng pera.