Inday TrendingInday Trending
Namigay na nga ng Tig-500 ang Gahamang Mayor Pero Talo Pa Rin Siya sa Eleksyon, Pahiya Siya nang Kausapin ang Mabait na Barangay Captain

Namigay na nga ng Tig-500 ang Gahamang Mayor Pero Talo Pa Rin Siya sa Eleksyon, Pahiya Siya nang Kausapin ang Mabait na Barangay Captain

Nakangiting ibinaba ni Gelo ang tawag, katatapos niya lamang kausapin ang isa sa mga kapitan sa kanilang bayan. Maaasahan raw niya ang solid na suporta mula sa barangay nito.

Eksakto naman na huminto ang van na kanyang sinasakyan, tapos ay bumaba ang kanyang driver at pinagbuksan siya ng pinto. Nagpaskil siya ng pekeng ngiti sa kanyang mukha.

Pero ang totoo ay halos masuka na siya sa amoy. Nakakadiri. Narito sila ngayon sa isang iskwater, kailangan niyang mag-ikot at makipagplastikan sa mga tao para makuha ang boto ng mga ito.

“Gelo Sandingan po, ang nananatiling sandigan nyo. Wag nyo pong kalimutan bukas, para mayor,” sabi niya kasabay ng isa- isang pagkamay sa mga ito.

“Mayor, tulungan nyo naman ho kami dito sa lugar namin. Barado ho ang mga kanal. Dikit-dikit na nga ang bahay ay mabaho pa ang amoy.. napaka-miserable po ng kalagayan namin.” sabi ng isa.

“Wag ho kayong mag-alala, bigyan ninyo lang ako ng pangalawang pagkakataon para ituloy ang mga nasimulan natin. Paiigtingin ko ang paglilinis sa lugar po ninyo,” nakangiting sagot niya.

Siya kasi ang nakaupong mayor ngayon, ang totoo ay pumasok siya sa politika hindi dahil nais niyang maglingkod. Kundi para sa magandang reputasyon at syempre, pera.

Lalo pa ngayon na nagsisimula nang ma-diskubre ng mayayamang negosyante ang bayan nila, maraming magtatayo ng matataas na building at establishment. Malaking pera ang papasok. Kaya hindi niya hahayaang mapunta sa kalaban ang kanyang pwesto.

Sa wakas ay natapos rin ang pag-iikot nila. Pagbalik na pagbalik sa van ay iritableng humingi siya sa assistant ng alcohol at pinahiran ang dalawang kamay.

“Tang *nang lugar yan, parang impyerno sa init. Ang baho pa, dugyot ang mga tao nakakadiri. Penge ngang candy, nasusuka ako,” sabi niya sa assistant.

Agad naman siyang inabutan nito, tapos ay nagsalita, “Sabi ko naman po sa inyo eh, marami na kaming ikinabit na tarpaulin nyo roon. Pwede naman hong wag nang ikutin.”

Napangisi siya, “Hindi mo ba alam, kahit na amoy araw ang mga yan. Nasa kanila ang pag-asa ko, mga bobo yan at walang pinag-aralan. Kaunting pang uuto at pangako lang, iboboto ako nyan. Kumusta pala ang barangay Baligan?” tanong niya sa assistant.

Ang tinutukoy niya ay ang pinakamalaking barangay sa kanilang bayan, naroon ang lagpas kalahati ng mga botante. Lahat na ng barangay ay kakampi niya dahil nagpamudmod sila ng tig-500 sa mga tao, tanging ang barangay Baligan lang ang hindi. Dahil ang kapitan nito ay kaalyado ng kanyang kalaban, si Martin Aronas.

“Tinanggap naman po ng kapitan ang iniabot kong pera, sabi ko ay ipamudmod sa mga tao para sure na tayo. Hindi ako masyadong maka-porma sir, ang daming kaharap eh. Baka minsang ma-tyempuhan tayo na may magpicture ay yari na,” sabi nito.

Napaismid siya, bwisit kasi ang kapitang iyon. Masyadong matuwid. Dati niya pa nililigaw-ligawan pero matigas talaga. Pareho ni Martin Aronas na kanyang kalaban, malinis ang budhi.

Ang totoo ay mas mayaman siya kaysa sa katunggali, mas may pinag-aralan rin pero ang pinagkaiba nila, wala itong pakialam sa pera. Mahal talaga nito ang mga tao at nais na maglingkod kaya nga ito lang ang naglakas loob na labanan siya.

“Siguro naman nahasap na sa pera, hindi naman siya makakatikim ng ganoon kay Aronas,” komento niya.

Kinabukasan ay maagang bumoto si Gelo, tapos ay taas noo siyang naghintay ng resulta. Alas diyes na ng gabi nang makatanggap siya ng tawag mula sa kanyang assistant na pinagmanman niya sa mga presinto upang makibalita ng resulta ng eleksyon.

“Ano, kumusta? Anong oras raw ang proclamation?” excited na tanong niya. Kahit nga barong niya ay handa na, tiyak naman kasing panalo siya.

Hindi ito sumagot sa kabilang linya.

“Hoy, kumusta kako?” ulit niya.

“S-Sir..talo po.” mahinang sabi nito pero sapat na para marinig niya.

“Ano?!”

Magdamag na hindi nakatulog si Gelo, hindi siya makapaniwala. Napakalaking pera ang pinakawalan niya kaya hindi niya maintindihan kung bakit talo pa rin. Hanggang maibalita na nai-proklama na si Martin Aronas bilang bagong mayor ay nagngitngit pa rin siya.

“Sir, ayon po sa nakuha kong impormasyon ay marami hong bumoto sa inyo sa mga inikutan nating barangay. Kung mayroon mang hindi sa inyo pumabor ay mga tatlo o apat lang.” sabi ng kanyang assistant.

“O eh bakit talo pa rin?! Bakit?!” gigil na gigil na tanong niya.

“Kasi ho, kapag idinagdag ang mga iyon sa barangay Baligan na lahat ay si Martin Aronas ang pinaboran, lamang po kaysa sa mga bumoto sa inyo..” natatakot na paliwanag nito.

“Anak ng p*ta. Akala ko ba tinanggap ng kapitan yung suhol mo?! Baka naman kulang ang ibinigay mong pera?!”

“Hindi ho Sir. Bukod po sa ipapamudmod sa mga tao ay may 25000 pa para sa kanya,”

“Ipatawag mo nga ang lintik na kapitan Meding na iyan, mag-usap kamo kami sandali sa munisipyo habang nagliligpit ako ng gamit ko roon.” mabangis na sabi niya.

Ang plano niya, pagkatapos nilang mag-usap ay ipapatumba niya na sa mga tauhan ang salot na kapitan. Ang kapal ng mukha na tumanggap ng pera tapos ay hindi naman pala tutupad sa usapan.

Mabilis na lumipas ang oras at tiim bagang na siyang naghihintay sa munisipyo. Ilang sandali lang ay dumating na rin si Kapitan Meding, bitbit nito ang isang brown envelope.

“Matanda ka na ay hindi ka pa marunong tumupad,” bungad niya. Hindi naman sumasagot ang may edad na ngang kapitan.

“Akala ko ba, malinaw na? Tinanggap mo ang pera, ang usapan ay iboboto ako.Bakit talo ako sa barangay mo?!” halos pasigaw na tanong niya.

“Sir, tinanggap ko ang pera dahil sabi ho ng assistant ninyo ay tulong iyon sa barangay ko. Sino ba naman ang tatanggi sa grasya para sa mga kababayan ko? Tapos sabi ng assistant nyo, alam ko na raw ang gagawin. Bago pa ako makasagot ay umalis na ho siya,pero kung iyon ang kinagagalit ninyo, ito na. Hindi ko ho ginalaw.” matatag na sabi ng kapitan.

“Binibirahan mo pa ako ng pagka-makabayan mo ha. Tingnan nalang natin kung madala mo ‘yang katapatan mo sa langit,” nakangising sabi niya.

Sumitsit siya bilang senyas na pumasok na ang kanyang mga tauhan pero naka-tatlong sitsit na ay wala pa rin ang mga ito.

Sisigaw na sana siya nang bumukas ang pinto at iniluwa noon si Martin Aronas, nasa likod nito ang tatlong guwardiya.

“Kung hinahanap mo ang mga tauhan mo, nauna nang umalis sa iyo. Wala ka nang matatakot dito,” matapang na sabi nito sa kanya.

“Ah talaga? Bakit, ano’ng gagawin nyo? Bubugbugin ako? Sige, gawin nyo para ipakalat ko na tinalo nyo na nga ako, kinawawa nyo pa. Kakasimula palang ng termino mo sira ka kaagad,” nakangising banta niya.

Hindi sumagot ang kanyang kaharap kaya muli siyang nang-asar, “Bukod doon, alam mo naman siguro na mas marami akong pera kaysa sa inyo. Isang pitik ko lang, magkakandarapa ang sino mang utusan ko na itumba ang mga pamilya nyo.”

“Mayaman ka nga siguro, pero hindi ka mautak.” sabi ni Martin.

Medyo napakunot ang noo niya sa sinabi nito pero nasundan iyon ng panlalaki ng mga mata nang iangat ni Kapitan Meding ang cellphone nito at ipakita na kanina pa ito naka-live sa Facebook.

Maraming kababayan nila ang nanonood at nalantad ang lahat ng baho niya.

Talo na nga siya, nakasuhan pa ng pandaraya at pagbabanta sa buhay ng iba. Nangangatog na napatungo na lamang si Gelo, ipinamukha sa kanya ng tadhana na maaring manaig sandali ang kasamaan. Pero kailanman ay hinding-hindi nito matatalo ang kabutihan.

Advertisement