Inday TrendingInday Trending
Gumuho ang Mundo ng Lalaki sa ‘Pagkawala’ ng Kinakasama, Natulala na Lang Siya sa Pasabog Nito

Gumuho ang Mundo ng Lalaki sa ‘Pagkawala’ ng Kinakasama, Natulala na Lang Siya sa Pasabog Nito

“Wala na po siya!” bungad agad ng nurse na nasa information counter ng Buenavidez Hospital nang tanungin ni Dexter kung nasaan ang pasyenteng si Regine na naka-confine sa Room 409.

“A-ano paanong nangyari?” mangiyak-ngiyak na sabi ng lalaki.

Si Regine ay ang ka-liveiin ni Dexter sa loob ng limang taon at napagkasunduan na nga nilang dalawa na magpakasal na sa susunod na taon. Ang dalawa ay punung-puno ng matatayog na pangarap at maigi nilang pinagplanuhan ang pagpapamilya. Sa katunayan ay nagtiis at nagpigil sila na hindi mabuntis si Regine sa takot na mapurnada ang magaganda nilang plano.

Ngunit ngayon ngang wala na ang kinakasama, paano na ang kanyang mga bukas na darating? Paano na siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kanyang pagbangon? Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit? Paano ba siya bubuo ng tahanan kung ang ilaw na magliliwanag dito’y binawi ng tadhana?

“Diyos ko, bakit Niyo po kay agang binawi ang pinakamamahal ko?” tanong niya sa sarili.

Sapo-sapo ni Dexter ang kanyang noo na tila ba mahuhulog ito kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak. Napasandal siya sa pader at walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan.

Agad niyang tinawagan sa pay phone ang mga magulang at sinabi ang malungkot na balita.

“Ma, wala na siya, wala na po si Regine,” hagulgol niya sa kabilang linya.

“Ano, sigurado ka ba sa sinasabi mo, anak?” nag-aalalang sabi ng ina.

“Sinabi na po ng nurse, wala na siya, Ma… hindi ko alam kung kakayanin kong wala siya,” aniya.

“Anak, tibayan mo ang loob mo. Hintayin mo kami ng tatay mo at pupunta kami riyan,” sabi ng kausap.

Kung bakit naman kasi sa dinami-dami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang baterya ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kanya ang mga magulang ni Regine nang mga sandaling nag-aagaw buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Marahil ay galit sa kanya ang mga ito dahil sa pag-aakalang pinabayaan niyang bawian ito ng hininga habang pangalan niya ang hinahanap at tinatawag.

“Bakit kinakailangang ilabas agad nila sa ospital si Regine ng hindi ipinaalam sa akin?” tanong niya sa sarili.

Magulo pa rin ang isip niya. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso. Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.

“Sana pala ay hindi na ako pumasok sa opisina. Kaya pala nagdadalawang-isip ako kanina, kaya pala tila may bumubulong sa aking isip na dumiretso sa ospital,” panghihinayang ng lalaki.

Kung alam lang niya na labis na kalungkutan ang katumbas ng lahat ng kanyang pagsisikap, hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito ay ginastos at ginamit na lang niya sana upang mapaligaya ang kinakasama. Para saan pa ang kanyang mga naipon? Sino na ang paglalaanan niya nito?

“Magiging kalbaryo na ang aking bawat araw. Magiging madilim na ang aking mga gabi at pati na ang umagang darating ngayong wala ka na, Regine,” patuloy niyang sabi.

Nang nakaraang gabi sa ospital ay masaya pa silang nag-uusap ng babae at halos hindi naging paksa ang karamdaman nito dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng babae, sensyales na pawala na ang dengueng apat na araw nang nagpapahirap sa kinakasama. Pinag-usapan nila ang detalye ng kanilang kasal sa susunod na taon at planong pagbubuntis ng taon ding iyon, ang napipintong promotion ni Regine sa trabaho bilang Head Accountant sa kumpanyang pinapasukan nito at ang planong pangingibang bansa niya sakaling may dumating na magandang oportunidad.

“Mahal, kay dami nating plano, sana lang ay lahat ng iyon ay matupad,” hiling ni Regine.

“Matutupad iyon, mahal. Basta kakayanin natin ito. Basta palagi lang tayong magkasama at walang iwanan,” wika ng lalaki.

Nasa puntong nagmumuni-muni si Dexter sa isang sulok ng ospital nang may tumawag sa kanya.

“Sir, sir…” tinatapik-tapik siya ng nurse habang siya ay nakatungo ang ulo, nakasalampak sa sahig at nakasandal sa pader. Mugto ang nga mata, sumisinok-sinok na halatang galing sa pag-iyak.

Narinig niya ang sinabi ng nurse ngunit wala siyang pakialam sa iba pang sasabihin nito, bahagyang iniangat niya ang kanyang ulo.

“Bakit po kayo umiiyak? Dahil po ba sa sinabi kong “wala na siya’? Sir, ang ibig ko pong sabihin ng ‘wala na siya’ ay na-discharge na po siya, si Ma’am Regine. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong i-celebrate ang anniversary ninyo. Heto nga po ‘yung waiver na pinirmahan niya kanina,” pagbubunyag ng nurse na medyo natatawa.

“Ano, ibig sabihin ay…”

Biglang natulala si Dexter sa ipinagtapat na iyon ng nurse. Sa una ay hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon hanggang sa natawa na lamang siya sa kanyang narinig. Akala niya ay tuluyan nang nawala sa kanyang buhay si Regine, iyon naman pala ay nakalabas na ito ng ospital at nakauwi na sa kanilang bahay. Naalala na lang ni Dexter na iseselebra dapat nila ang ikalimang taong anibersaryo ng kanilang pagsasama sa araw na iyon.

“Salamat po at walang ibang nangyari sa aking asawa,” aniya habang taimtim na nagdasal.

Agad niyang tinawagan ang mga magulang na huwag nang pumunta sa ospital dahil wala naman palang nangyaring masama kay Regine. Tinawanan at sinermunan lang siya ng mga ito. Sinabi na sa susunod ay huwag siyang magpapadalus-dalos at alamin muna ang totoo.

Pag-uwi niya ay naabutan niya roon si Regine na naghahanda ng pagkain para sa kanila. Mahigpit na niyakap ni Dexter ang misis at pinaghahalikan ito sa labi na tanda ng labis nilang pagkasabik sa isa’t isa.

“Ikaw talaga, happy anniversary, mahal! I love you!” wika ni Dexter sabay kurot sa pisngi ng babae.

“Same to you, mahal ko, I love you too!”

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement