Inday TrendingInday Trending
Napansin ng Bata na Palaging Nakatambay sa Gilid ng Kalsada ang Magtataho, Malaki Pala ang Kinalaman Nito sa Kanyang Pagkatao

Napansin ng Bata na Palaging Nakatambay sa Gilid ng Kalsada ang Magtataho, Malaki Pala ang Kinalaman Nito sa Kanyang Pagkatao

Araw-araw ay masayang naglalaro sa kalye ang batang si Katya. Anak siya ni Aling Gloria na nagtitinda ng mga isda sa palengke. Dalawa silang magkapatid ng ate niyang si Lorinda.

Magkapatid sa ina sina Katya at Lorinda ngunit buong kapatid ang turing nila sa isa’t isa. Iniwan ng ama ni Lorinda si Aling Gloria noon at hindi na nagpakita pa at ang kuwento naman ng ina kay Katya ay matagal ng namayapa ang ama nito.

Isang araw, habang naglalaro ang magkapatid kasama ang kanilang mga kaibigan ay ‘di sinasadyang gumulong sa may tawiran ang bolang nilalaro nila. Hinabol ito ni Katya at doon niya napansin na may lalaking magtataho pala sa gilid ng kalsada.

Tinanong ni Katya ang ate niya tungkol sa magtataho. Noong una, mukhang nagulat lang ito ngunit sinabi na lang sa kanya na huwag ng pansinin iyon.

“Magtataho? Ahh… ‘Di ko alam kung sino iyon. Hayaan mo na, pasa mo na yung bola! Nag-aantay ang mga kalaro natin, ” sabi ni Lorinda sa bunsong kapatid.

“Pero ate, palagi ko kasing nakikita ang magtatahong iyon na nakatingin sa akin kapag bumibili ako ng kendi sa tindahan ni Aling Tinay,” wika ng bata.

“Baka naman nagagandahan lang sa iyo. Aminin mo guwapo iyong mamang magtataho,” ani Lorinda sabay ngisi.

“Ate naman, e!” aniya na pinamulahan ng pisngi. Bata pa kung tatantiyahin ang magtataho. Naglalaro lang sa trenta anyos hanggang trenta’ y tres ang edad ng lalaki.

Nagpatuloy na sila sa paglalaro ngunit hindi maikakaila na talagang may kakaibang nararamdaman si Katya. Gusto niya talagang malaman kung sino iyong magtataho sa gilid ng kalsada dahil sa palagay niya ay hindi ito tiga-roon.

“Ano kayang mayroon sa magtatahong iyon?” tanong ni Katya sa sarili.

Nang sumapit ang dilim ay ipinapasok na ni Aling Gloria sa bahay nila ang magkapatid. Bago tuluyang pumasok sa loob ay nilingon pa ni Katya ang magtataho. Nahuli niya itong nakatingin na naman sa kanila.

Kinaumagahan, sumama si Katya sa palengke dahil may pasok ang Ate Lorinda niya. Sumakay sila ng nanay niya sa tricycle at dumaan ito sa gilid ng kalsada kung saan naroon na naman ang magtataho at tila hindi lumilipat ng puwesto.

Hindi umimik ang bata ngunit napansin niya na naiwan ang tingin ng nanay niya sa magtataho.

“Bakit po, inay? Kilala niyo po ba siya,” tanong ng bata sa ina.

Hindi agad nakasagot si Aling Gloria. Tiningnan niya muna ang anak bago nasambit ang mga salitang, “hindi ko siya kilala, anak.”

Pagdating nila sa palengke, wala pang isang oras ay ubos na agad ang paninda ni Aling Gloria kaya nagpasya na silang umalis roon.

Sinundo nila si Lorinda sa eskwelahan bago umuwi. Pagdating nila sa bahay ay pumasok na sila agad sa loob. Ibinilin ng nanay nila na huwag na silang maglalaro sa labas. Pagkapasok ng dalawang bata ay bumalik ulit sa labas si Aling Gloria.

Napansin ito ni Katya at lumabas rin siya upang tingnan kung saan pumunta ang ina. Sinundan niya ito ng patago. Hindi niya inasahan na papunta pala si Aling Gloria sa kinaroroonan ng magtataho na palaging nagtitinda sa gilid ng kalsada. Nakita niyang lumapit ang ina sa magtataho.

“Bakit ka nandito? Hindi ka niya kilala at wala akong balak na ipakilala ka sa kanya. Ang kapal rin ng mukha mo para pumunta pa rito!” sigaw ni Aling Gloria sa magtataho na dinig na dinig ni Katya.

“Nais ko lamang siyang makita. Gusto ko sana siyang makilala pero alam kong ayaw mo kaya dito lang ako sa malayo. Patawad sa lahat, lubos kong pinagsisihan ang mga nagawa ko sa inyo,” sagot ng magtataho sa matandang babae.

Pag-uwi ni Aling Gloria sa bahay nila ay lumapit sa kanya si Katya at mahigpit siyang niyakap.

“Siya po ba ang tatay ko inay? Iyong mamang magtataho sa may gilid ng kalsada?” tanong ng bata sa ina.

“Ha? Bakit mo natanong? Hindi,” sagot niya sa anak.

Ipinagtapat ni Katya sa ina na nalaman niya ang pinag-usapan ng mga ito.

“Inay, alam ko po ang nangyari, huwag niyo na pong ilihim. Sinundan ko po kayo kanina at nakita ko pong kausap niyo siya at narinig ko pong lahat ang pinag-usapan ninyo,” bunyag ni Katya.

Nagulat si Aling Gloria at kahit nauutal, ipinaliwanag niya sa anak ang buong katotohanan.

“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko sinasadyang itago sa iyo na iniwan tayo ng tatay mo habang ipinagbubuntis kita. Hindi ko alam na may pananagutan na pala siya at ikakasal na sa kanyang nobya. Hindi niya iyon sinabi sa akin, ang sabi lang niya ay mahal niya ako kahit pa mas matanda ako ng anim na taon sa kanya. Beinte kuwatro anyos lang siya noon at ako naman ay trenta anyos ng magkaibigan kami ngunit nalaman ko na may iba pala siyang balak na pakasalan,” bunyag ni Aling Gloria habang umiiyak.

Ipinaliwanag ni Aling Gloria sa anak na ayaw niyang malaman nito na isa siyang disgrasyada kaya sinabi na lamang niya na matagal ng namayapa ang ama nito. Ipinagtapat rin niya na galit na galit pa rin siya sa tatay ni Katya.

“Kaya pala lumaki akong walang tatay dahil iniwan niya pala tayo. Pero siya pa rin po ang tatay ko inay at nais ko siyang makilala,” wika ng bata sa ina.

Patuloy pa rin sa pag-iyak si Aling Gloria at niyakap nang mahigpit ang anak.

“Patawad anak kung nagsinungaling din ako sa iyo. Hindi ko iyon sinasadya,” pagtangis ng matanda.

“Huwag na po kayong umiyak inay, naiintindihan ko po ang lahat. Wala po kayong dapat ihingi ng tawad,” sabi ni Katya.

“Salamat, anak!”

Sinabihan ni Aling Gloria si Katya na bukas ay ipapakilala niya ito sa ama.

Kumain na sila at natulog ngunit bago pa man tuluyang nakatulog ang ina ng dalawang bata ay muli itong napaiyak habang iniisip kung gaano kalaki ang puso ng anak sa ginawa nitong pag-unawa sa mga nangyari. Bakas sa mga mata ng bata na hindi ito nagalit sa ama nito.

Kinaumagahan ay dinala ni Aling Gloria sa amang magtataho ang bunsong anak at ipinakilala na niya ito sa amang si Gilbert. Niyakap ng lalaki ang anak niya habang umiiyak at humihingi ng kapatawaran. Patuloy rin siya sa paghingi ng patawad sa ina ng bata.

Mula noon ay araw-araw nang nakakadalaw ang magtataho sa bahay nina Katya. Sa labas lang sila hinahayaang mag-usap noong una, ngunit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti na ring lumambot ang puso ni Aling Gloria at naging handa na sa pagpapatawad.

“Pasok ka rito at managhalian ka na muna, gutom na rin iyang si Katya sa kakalaro diyan sa labas,” yaya niya sa magtataho.

Nagpatuloy ang magandang relasyon sa pagitan nina Katya at ng kanyang ama. Ni minsan ay ‘di sinumbatan ni Katya si Gilbert sa ginawa nitong pag-iwan sa kanilang mag-ina. At kahit may iba ng pamilya ay nagpaka-ama pa rin ang lalaki sa anak. Sa isip nila ay iyon na ang tamang pagkakataon upang mas makilala pa nila ang isa’t isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement