
Natuklasan Niya ang Maitim na Balak ng Kapatid, Magawa Niya Pa Kaya Itong Pigilan?
“Ate, nagdadalantao ka ba?” tanong ni Marie sa kaniyang kapatid, isang umaga nang maabutan niya itong nagsusuklay sa kanilang sala.
“Anong ibig mo sabihin? Eh, alam mo namang wala akong nobyo dahil sa magaling mong pinsan!” sigaw nito sa kaniya habang pilit na hinihila ang suklay sa buhol-buhol at basang buhok nito.
“O, eh, bakit may ganito ka sa damitan mo? Hindi ba’t gamot ito pangpalaglag ng sanggol? Huwag mong sabihing…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad nang inagaw nito ang gamot na hawak niya.
“Oo, ipapainom ko ‘yan sa pinsan mo,” diretsahang sagot nito dahilan upang labis siyang mabigla.
“Ano? Akala ko ba tanggap mo na ang relasyon nila ng dati mong nobyo? Dumalo ka pa nga sa pamamanhikan noong lalaki sa bahay nila. Bakit mo ito gagawin? Nahihibang ka na? Buhay ng walang muwang na sanggol ang tatapusin mo!” galit niyang sambit dito habang pilit na binabawi ang naturang gamot.
“Pwede ba huwag kang maraming satsat? Baka marinig ka pa nila mama! Kung ipapaalam mo ‘yan sa iba, hindi ka na makakatanggap ng pera sa akin at hindi na kita pag-aaralin! Akin na nga ‘yan!” bulyaw nito sa kaniya saka siya bahagyang tinulak sa kanilang sofa dahilan upang mapahiga siya roon at pagmasdan na lang ang nakatatandang kapatid na muling bumalik sa kanilang silid upang itago ang naturang gamot.
Napakalapit ng dalagang si Marie sa nakatatanda niyang kapatid. Lahat ng hinaing niya sa buhay, sinasabi niya rito at ganoon din naman ang ginagawa ng kaniyang kapatid. Maituturing nga silang kambal-tuko kahit pa sampung taon ang agwat nito sa kaniya dahil lagi silang magkasama at hindi mapaghiwalay at dahil nga ito ang nagpapaaral sa kaniya, lalo pa siyang napalapit dito.
Kaya naman, nang makaranas ng pagkasawi sa pag-ibig ang kapatid niyang ito, pakiwari niya, siya rin ang nasa kalagayan nito.
Hiniwalayan kasi ito ng limang taong nobyo nito para sa kanilang pinsan at hindi kalaunan, nagbunga kaagad ang pagmamahalan ng dalawang iyon dahilan upang ganoon na lang malugmok sa kalungkutan ang kaniyang kapatid.
Gabi-gabi itong umuuwing lasing at makakatulog na lang sa pag-iyak sa kaniyang dibdib. Palaging sinisigaw nito, “Kakarmahin din kayo sa ginawa niyo sa akin! Lalo ka nang babae ka! Ako pa nagpakilala sa’yo sa nobyo ko kasi nga pinsan kita, tapos aahasin mo? Lintik lang ang walang ganti!” dahilan upang lubusan niya itong pakalmahin dahil baka ito’y marinig ng kanilang ina.
Sa katunayan, labis siyang nagulat sa inarte ng kapatid niyang ito nang mamanhikan sa bahay ng kanilang tiyahin ang pamilya ng naturang binata. Bigla na lang kasi itong naging kalmado at parang tanggap na niyang naagawan siya ng nobyo.
Kaya naman, nang makita niyang may gamot pangpalaglag sa damitan nito, agad na siyang kinabahan sa maaaring gawin ng kaniyang kapatid. Noong araw na ‘yon, kahit na takot na takot siyang baka magalit ang kaniyang kapatid sa kaniya at hindi na siya pag-aralin, ginawa niya pa rin ang tama.
Pagkaalis ng kaniyang kapatid papuntang trabaho, agad na niyang kinalkal ang damitan nito. Ngunit, wala na roon ang naturang gamot dahilan upang halughugin niya ang buo nilang silid kahit pa siya’y may klase.
“Bahala na kung hindi ako makapasok, ang mahalaga, mailigtas ko ang sanggol na iyon at ang buhay ng ate ko! Sana lang, hindi niya dinala ‘yon!” sambit niya habang patuloy na hinahanap ang gamot.
Tila nabunutan naman siya ng tinik nang makita niyang nasa lagayan ng make-up nito ang naturang gamot. Nakabalot pa ito sa gamit na bulak kaya laking pasasamalat niya nang mapansin niya ito.
Wala na siyang sinayang na oras at agad na niyang binalik sa dati ang ayos ng kanilang silid at itinapon ang naturang gamot.
“Para sa iyo rin ito, ate, alam kong mabuti kang tao, hindi mo kailangang gawin ito,” wika niya saka tuluyang tinapon ang naturang gamot.
Pagkauwing-pagkauwi ng kaniyang kapatid, agad siyang nanginig sa kaba. Napansin niyang agad itong nagtungo sa lagayan ng makeup dahilan upang lalo siyang kabahan.
“Tinapon mo, ano? Akala mo ba hindi ko kayang bumili ng panibago? Simula ngayon, magtrabaho ka na para makapag-aral ka, bahala ka na sa buhay mo,” wika nito dahilan upang siya’y mapaluha.
“Ate, hindi ka naman ganyan, eh. Huwag mo namang sirain ang buhay at reputasyon mo para sa walang kwentang mga tao,” ‘ika niya sa pagitan ng kaniyang mga hikbi dahilan upang ito’y mapatigil at mapaluhod habang umiiyak.
Agad niya itong nilapitan at niyakap.
“Nandito lang ako, kung hindi ka nila mahalin o kahit pahalagahan man lang, andito ako, ate,” dagdag niya dahilan upang yakapin siya nito at labis na magpasalamat.
Matagumpay mang nagbigay buhay ang pinsan nilang iyon, matagumpay din niyang naisalba ang buhay ng kaniyang kapatid mula sa madilim na gawain.