
Dahil sa Sobrang Gutom ay Napilitang Manguha ng Hindi Kaniya ang Matanda; Grabe ang Kaniyang Sasapitin
Hawak ng matandang si Mang Ponyong ang kaniyang sikmurang kanina pang umaga kalam nang kalam. Panay na ang pangangalkal niya ng tirang pagkain sa basurahan ngunit kataka-takang wala talaga siyang masimot nang mga sandaling iyon.
Maraming tao ang namomroblema ngayon nang dahil sa pandemya. Bata, matanda, may kaya o wala, maging ang mga kawani ng gobyerno ay abala at nababahala dahil sa nangyayari ngayong sakuna. Isang virus na nagpapahina ng katawan ang kumakalat ngayon sa buong mundo. Marami na ang nagsipanaw dahil sa naturang sakit kaya naman karamihan sa mga tao ngayon ay pinapayuhang manatili na lamang muna sa kani-kaniya nilang mga tahanan.
Lingid sa kaalaman ng mga tao, hindi lamang sila ang apektado sa nangyayari ngayon sa mundo, kundi pati na rin ang mga pulubing halos wala nang makain at sa daan lamang nakatira dahil wala sila ni masisilungan man lang. Isa si Mang Ponyong sa mga ’yon. Pangatlong araw pa lamang ng lockdown ngayon ngunit halos malagutan na ng ulirat si Mang Ponyong dahil sa gutom. Wala na kasing mga pagkaing makikita sa basurahan dahil halos mga sarado na ang karamihan ng mga establisyimento, kabilang na ang mga fastfood chains na madalas na pagkunan ng pagkain ng mga katulad niyang hikahos. Ni hindi rin naman sila kasali sa bigayan ng ayuda, dahil wala naman silang pangalan sa barangay na kanilang ginagalaan sapagkat wala naman silang bahay na pagmamay-ari doon.
Namataan ni Mang Ponyo ang isang fishball vendor sa gilid ng kalsada na nag-aayos na ng kaniyang mga paninda dahil handa na itong umalis sa kaniyang pwesto. Mukhang balak na lamang nitong umuwi dahil nakita nitong wala namang mga taong nagdaraan dahil nga sa ordinansang bawal na paglabas.
Tila nakakita ng pagkakataon si Mang Ponyo. Ayaw man niya sa kaniyang iniisip ay talagang wala na siyang iba pang pagpipilian kundi ang manguha ng pagkain. Nakita niya kasing nakasuot ng facemask at faceshield ang tindero at tila nahihirapan ito roon dahil malamang ay hindi pa ito sanay sa ganoong sistema.
Nagtagumpay si Mang Ponyo sa pangunguha ng paninda nito. Ni hindi niya na alam kung papaano niya iyon nagawa. Basta ang alam niya, sa wakas ay malalamanan na ang kaniyang sikmura.
Halos mabulunan na si Mang Ponyo habang siya ay kumakain, kaya naman nagulat siya nang bigla na lamang may nag-alok ng inumin sa kaniya.
“Manong, tubig ho, oh,” anang isang lalaking mag-aabot sa kaniya ng isang silyado pang mineral water. Napanganga si Mang Ponyo nang makilala ang naturang lalaki! Ito ang tinderong kaniyang kinuhanan ng pagkain!
“P-pasensya ka na, anak. Hindi ko na talaga matiis ang gutom. Pakiramdam ko’t mahahati na sa gitna ang sikmura ko dahil sa sobrang pagkalam,” halos maiyak si Mang Ponyo habang humihingi ng patawad sa vendor.
“Masama ho ang ginawa n’yo, manong… pero naiintindihan ko ho kayo. Kaya kumain lang ho kayo nang kumain hanggang sa kayo ay mabusog. Halina ho’t pagsaluhan natin itong baon kong kanin at ulam,” imbes na magalit ay alok naman nito sa kaniya.
Lalong naantig ang kaniyang puso dahil sa inakto ng tindero. Grabe ang ipinalit nito sa kaniyang masamang ginawa! Imbes kasi na galit ang ipakita nito sa kaniya ay sinuklian pa siya nito ng kabutihan.
Nagkuwentuhan sila habang sila ay kumakain. Nalaman niyang “Gerald” pala ang pangalan ng binata at katulad niya ay lubos na rin itong ulila. Ngunit hindi iyon hadlang upang pagsikapan nitong makatapos pa rin ng pag-aaral. Nagtatrabaho ito habang pumapasok bilang isang kolehiyo. Nalaman niya rin na isa pala itong iskolar!
Naghiwalay ang dalawang bagong magkaibigan na parehong may ngiti sa kanilang mga labi. Naging inspirasyon kay Mang Ponyo ang binatilyong tindero kaya naman sinikap niya rin ang lahat upang makapagpundar ng pagkakakitaan kahit papaano. Hindi nagtagal ay nakaipon si Mang Ponyo mula sa kaniyang pangangalakal ng maliit na puhunan upang makapagtinda siya ng meryenda katulad ng turon, lumpia, at kung anu-ano pa. Mas naging maayos kumpara noon ang kaniyang buhay. Hindi naman na sila ulit nagkita pa ni Gerald sa loob ng mahabang panahon, ngunit hinding-hindi ito nakalimutan ni Mang Ponyo.
Sa paglipas pa ng mga taon, hindi akalain ng matanda na muli pa silang magkikita ng dating tindero ng fishball na siyang tumulong sa kaniya noon… iyon ay nang magbotohan at tumakbo ito bilang isang kawani ng gobyerno sa kanilang lugar.
Hindi na kailangang magdalawang salita pa si Gerald kay Mang Ponyo. Dahil sa namalas niyang kabutihan nito noon, sigurado na ang boto niya’y para sa binata.