Inday TrendingInday Trending
Napakabait ng Binata sa Babae; Akala Tuloy Niya ay May Gusto Ito sa Kaniya!

Napakabait ng Binata sa Babae; Akala Tuloy Niya ay May Gusto Ito sa Kaniya!

“Mikaela, gusto mo?”

Napalingon si Mikaela sa baritonong tinig na tumawag sa kaniyang pangalan. Si Harold pala, inaabutan siya ng paborito niyang juice drink at isang sandwich.

“S-salamat,” nahihiyang sabi naman ni Mikaela sa binata. Hindi niya napigilang pamulahan ng pisngi dahil sa kilig. Simula nang maging magkagrupo sila ng binata sa isang proyekto nila sa eskuwela ay naging napakabait na nito sa kaniya. Todo ang pag-aalaga nito sa kaniya na animo ba siya ang pinakamahalagang babae sa buhay nito.

“Napansin ko kasi na sobrang busy mo sa ginagawa mo at hindi mo yata narinig na nag-ring na ang bell. Recess time na,” sabi pa ng binata na umupo sa katabi niyang upuan.

“Naks, ang thoughtful, ha?” pakunwari na lamang na biro ni Mikaela sa binata upang hindi nito mahalata ang nadarama niyang kilig nang mga sandaling iyon.

“Siyempre, ikaw pa ba?” Sinundan pa ni Harold ng isang kindat ang sinabi nito. Natulala ang dalaga. Ngayon ay nakukumpirma na talaga niya na tama ang kaniyang hinala na may gusto nga ito sa kaniya.

Dahil doon ay mas lalong naging malapit sa isa’t isa sina Mikaela at Harold. Bukod kasi sa halos lagi na silang magkasama dahil magkagrupo nga sila sa isang proyekto ay lagi na rin silang nagkakausap sa social media. Madalas silang magkulitan doon kaya naman lalong lumakas ang paniniwala ni Mikaela na may gusto nga sa kaniya si Harold. Dahil doon ay sinasagot na niya ang pagpapakita nito ng inaakalang ‘pagmamahal’ sa kaniya.

Naging animo girlfriend na kung umasta si Mikaela sa binata. Wala namang naging malisya iyon kay Harold kaya naman lagi nitong sinasakyan ang pagiging astang girlfriend nito sa kaniya.

Isang umaga ay maagang pumasok si Mikaela sa eskuwela upang makita si Harold. Gusto niya kasing itanong sa binata kung ano na ba ang kanilang “status.” Wala naman kasi itong binabanggit sa kaniya tungkol doon pero alam niyang talagang malapit na sila sa isa’t isa… ngunit nang siya ay papasok na sa kanilang classroom ay nakita ni Mikaela si Harold na may kasamang ibang babae. Malawak ang pagkakangiti ni Harold habang kausap ito at hindi iyon nagustuhan ni Mikaela kaya naman agad siyang umangkla sa braso ng binata.

“Oy, Mika, ang aga mo,” bati nito sa kaniya. Hindi sinagot ni Mikaela ang bating iyon ni Harold.

“Sino siya?” May himig ng galit ang sinabi niya.

“A, si Bev. Kaklase ko siya noong highschool. Bev, si Mika, kaibigan ko.” Ipinakilala sila ni Harold sa isa’t isa. Ngunit tila nagpantig ang tainga ni Mikaela sa paraan ng pagpapakilala sa kaniya ng binata.

“Kaibigan?” naitanong niya sa sarili.

Iniwan niya ang dalawa nang walang sabi-sabi at buong araw niyang hindi pinansin si Harold noon hanggang sa siya ay makauwi na galing eskuwela. Pagkauwing-pagkauwi niya ay agad niyang binuksan ang kaniyang cellphone upang tingnan kung nag-chat ba sa kaniya ang binata at hindi nga siya nagkamali.

“Galit ka ba?” tanong nito. Agad na nag-reply si Mikaela sa binata.

“Hindi. Bakit naman ako magagalit, e, kaibigan mo lang naman ako?”

“Magkaibigan naman talaga tayo, hindi ba?” Lalo siyang nainis sa reply na itong muli ni Harold.

Hindi na nag-reply pa ulit si Mikaela sa binata. Nasasaktan siya dahil sa kabila ng mga kabutihang ipinakita nito sa kaniya ay kaibigan lang pala talaga ang tingin nito sa kaniya! Ilang beses siyang tinangkang kausapin ni Harold ngunit ayaw na niyang kausapin pa ang binata. Galit siya rito dahil pinaasa siya nito sa wala!

Isang gabi ay nakatanggap ulit si Mikaela ng isang mensahe mula kay Harold. “Mika, pasensya ka na. Hindi ko inaasahang magiging ganito ang kahihinatnan ng pakikipagkaibigan ko sa ’yo. Ang totoo ay naaalala ko sa ’yo ang kapatid kong matagal nang pumanaw kaya naman mabilis na napalagay ang loob ko nang makilala kita. Hindi ko akalaing mahuhulog ka at aasang higit pa roon ang relasyon natin. Hindi ko sinasadya. Gustuhin ko mang suklian ang nararamdaman mo, hindi ko p’wedeng gawin ’yon… dahil balak kong mag-pari.”

Nagulat si Mikaela sa kaniyang nabasa. Tila bigla siyang nakonsensya. Ang totoo ay alam naman niya na kasalanan niya talaga ang lahat. Siya naman ang nag-assume na may gusto ito sa kaniya kahit wala naman itong sinasabi. Dahil doon, nasasaktan man ay kinausap muli ni Mikaela si Harold. Naisip niya kasing sayang naman ang pinagsamahan nila kung nang dahil lang sa pagiging assumera niya ay magkakasira sila.

Isa pa, highschool pa lang naman sila. Marami pang p’wedeng mangyari sa hinaharap. Ang sigurado lang ngayon ay mananatili silang magkaibigan ni Harold.

Advertisement