
Mahilig Magpayabangan ang Magkapitbahay na Ito; Tutularan Tuloy Sila ng Kanilang mga Anak!
Bago pa lang yata sumisikat ang araw nang mga sandaling iyon ngunit parehas nang gising ang magkapitbahay na Mina at Perla. Nasa kani-kaniya silang mga bakuran at parehong mga nagwawalis.
Kung titingnan ang dalawa ay animo sila mga normal lamang na inang maaga pa lang ay kumikilos na upang asikasuhin ang kanilang gawain, ngunit kung susuriing maigi ay may nangyayari palang kakaiba…
“Hay naku! Ke gaganda na talaga ng aking mga halaman. Palibahasa’y maganda akong mag-alaga kaya maganda kung tumubo ang mga ito. Kay ganda tuloy tingnan sa aking bakuran. Maaliwalas na’y mabango pa!” malakas na pahayag ni Perla habang patuloy na nagwawalis ng mga tuyong dahon sa kaniyang bakuran habang pinapansin ang mga alaga niyang bulaklak na tunay naman talagang napakagaganda.
“Lino, anak? Ikaw ba’y uminom na ng gamot mo sa allergy? Ugaliin mo kasing mag-mask sa tuwing ikaw ay lalabas dito’t alam mo namang walang pakisama itong mga kapitbahay natin at kahit alam na may allergy ka’y patuloy pa rin sa pagtatanim ng bulaklak. Palibhasa’y hindi kayang magpatayo ng sariling bakod ay ginawan na lang ng paraan na ang mga halaman na lamang ang ilagay sa tapat ng kaniyang bahay para kunwari’y pampaganda lang,” bigla ay hiyaw rin ni Mina sa kaniyang bakuran na noon ay dinadakot na ang mga kalat sa tapat ng kaniyang bahay.
Samantala, kanina pa pinakikinggan ng kanilang iba pang kapitbahay ang dalawa. Dahil sa halos araw-araw na lamang nilang naririnig ang pagpapayabangan ng dalawang babaeng ito ay hindi na iyon bago sa kanila. Lahat na lang ng bagay ay halos ipangalandakan na ng mga ito para lang magpataasan ng ihi. Hindi nila alam kung ano ang pinagmulan ngunit matagal na ang alitan ng mga ito. Naiiling na lamang ang kanilang mga kapitbahay at hindi na sila pinakikialaman pa dahil ayaw nilang makisali sa kanilang sigalot.
Katatapos lamang ng pasko nang mga panahong iyon nang minsan ay magkalaro ang parehong anak nina Mina at Perla. Pawang dala ng mga ito ang kani-kaniya nilang mga natanggap na laruan at dahil nga mga bata ay ginaya nila ang madalas na ginagawa ng kanilang mga ina…
“Iyan ba ’yong natanggap mo galing kay Santa Klaws? Ang pangit naman. Mas maganda itong kotse-kotsehan ko, e,” bigla ay pagyayabang ng anak ni Perla na si Wendel sa mga kalaro, lalo na sa anak ni Mina na si Lino.
“Maganda ba ’yan? E, wala namang espesyal diyan sa laruan mo, e! Itong robot na laruan ko, p’wedeng mag-transform at maging truck!” ganting yabang naman ni Lino sa kalaro.
Nagpatuloy ang ganoong pag-uusap ng dalawang bata hanggang sa umabot sa puntong sila ay nagpambuno nang dalawa. Nagsilayuan na ang iba pa nilang mga kalaro dahil natakot na baka sila ay madamay rin sa pagsusuntukan ng dati ay magkaibigang sina Wendel at Lino.
Nang dahil sa madalas na pagyayabangan at pag-aaway ng kanilang mga ina, maging sila ay hindi na rin nakaligtas sa hindi pagkakaunawaan ng kanilang pamilya. Ang buong akala ng dalawa ay tunay na magkatunggali ang kani-kaniya nilang mga pamilya kaya hindi sila pwedeng magkasundo at maging magkaibigan.
Patuloy pa rin sa pakikipagbuno sa isa’t isa ang dalawang bata nang dumating ang kanilang mga ina. Ngunit imbes na awatin ang kanilang mga anak ay inuna pa ng dalawa na magbangayan muna. Hindi nila namalayan na palayo na nang palayo ang kanilang dalawang anak at napalapit na ang mga ito sa kalsada. Namalayan na lamang nila na isinusugod na sa ospital ang dalawang bata dahil nahagip sila ng isang rumaragasang sasakyan!
Sising-sisi ang dalawang ina habang nanlulumong minamasdan ang sugatan nilang mga anak. Ni hindi sila makapagsalita. Pareho nilang hindi mapapatawad ang kanilang mga sarili kapag may nangyaring masama sa kanilang mga anak. Dahil doon ay silang dalawa rin ang nagdamayan sa isa’t isa at hindi nila akalaing dahil doon ay matatapos ang kanilang alitan.
Natanto ng dalawa ang kanilang maling mga gawain at pinagsisihan nila iyon kaagad. Sa kabutihang palad ay naging maayos naman ang gamutan ng kanilang mga anak at wala namang tinamong malalang pinsala ang mga ito na dulot ng aksidente.
Samantala, nahuli na ang drayber ng sasakyang nakadali sa mga ito na nang suriin ng pulisya ay napag-alamang nasa impluwensya pala ng alak.
Simula noon ay itinigil na ng dalawang babae ang kanilang pagpapayabangan. Upang maging mabuting ina sa kanilang mga anak, kailangan nilang simulan sa simpleng pakikipag-ayos sa isa’t isa upang ‘di na sila tularan ng mga bata.