Inday TrendingInday Trending
Inutusan ng Dalagang Ito ang Katrabaho sa Bahay Nila, Nakonsensya Siya sa Kinahinatnan Nito

Inutusan ng Dalagang Ito ang Katrabaho sa Bahay Nila, Nakonsensya Siya sa Kinahinatnan Nito

“Nadala mo ba ‘yong damit na hiniram mo sa akin, Ariella?” tanong ni Flor sa kaniyang katrabaho, isang umaga pagdating nito sa lugar kung saan idadaos ang kanilang buwanang salu-salo.

“Ay! Diyos ko! Nakalimutan ko! Nilagay ko na ‘yon sa lamesa namin para hindi ko na makalimutan, eh! Sobrang makakalimutin ko talaga, pasensya ka na!” natatarantang sagot ni Ariella habang binabatukan ang sarili sa pagiging makakalimutin.

“Naku, eh, kailangan ko ‘yon ngayon. Hindi ba’t pinapakanta ako ni boss sa party? Wala akong ibang masusuot kung hindi ‘yon lang. Baka pupwedeng umuwi ka muna saglit,” pakiusap nito.

“Hindi ako pupuwedeng umuwi, Flor, ako ang mag-aayos ng mga gamit dito,” tugon niya habang natataranta.

Sakto namang daan ng katrabaho niyang may gusto sa kapatid niya dahilan upang makaisip siya ng paraan.

“Teka, alam ko na, d’yan ka lang,” sambit niya sa katrabahong nag-aalala na, “James! Hindi ba’t gusto mong malaman kung saan kami nakatira ng ate ko?” tanong niya sa lalaking ito.

“Oo, bakit? Ibibigay mo na ba ang address niyo sa akin ngayon?” nakangising tanong nito na para bang sabik na sabik.

“Sa isang kondisyon,” tugon niya.

“Ano ‘yon?” agad na sagot nito.

“Kunin mo ‘yong damit na nasa lamesa namin. Ito ang address at ang susi. Wala namang tao roon at tulog pa ang ate ko. Dalian mo na, bumalik ka agad, ha?” wika niya saka agad na binigay ang susi ng kanilang bahay.

“Iyon naman!” sigaw nito saka agad-agad na tumakbo sa motorsiklo nito dahilan upang bahagya siyang makahinga ng maluwag.

Sobrang makakalimutin ng dalagang si Ariella. Pati nga mga personal niyang gamit gaya ng selpon, sapatos o kahit kaniyang pitaka, nagagawa niya pang maiwan sa kanilang bahay bago pumasok ng trabaho o kung hindi naman sa opisina ng kaniyang boss dahilan upang palagi na lang siyang mainis sa sarili.

Sa katunayan, kung hindi lang sa pagiging makakalimutin niya, sana’y personal na siyang sekretarya ng kanilang boss ngayon dahil sa kagalingan niya sa pakikipag-usap sa mga kliyente at sipag sa trabaho.

Ngunit dahil nga rito, kahit na magtatatlong taon na siya sa kumpanyang ito, siya pa rin ay isang normal na empleyado.

Ganoon na lang ang pagkainis niya sa sarili nang makalimutan niya ang damit na hiniram niya sa kaniyang katrabaho. Inilagay na niya pa ito sa kanilang lamesa, malapit sa kanilang pintuan upang huwag niya makalimutan pagkaalis. Ngunit dahil nga likas na sa kaniya ang pagiging makakalimutin, naiwan niya pa rin ito.

Mabuti na lang at nakahanap siya ng paraan sa pamamagitan ng katrabaho niyang gustong-gusto malaman ang kanilang bahay dahil sa kaniyang kapatid.

Noong araw na ‘yon, habang hinihintay niya ang pagbalik ng katrabahong kaniyang inutusan, nag-ayos muna siya ng mga telang kailangang ilagay sa lamesa at mga upuang kailangang iayos.

Ngunit, natapos na niya lahat ng kaniyang kailangang gawin, wala pa rin ang katrabaho niyang iyon dahilan upang siya’y mag-alala na.

“Hindi kaya naligaw ‘yon?” tanong niya sa sarili saka siya nagpasiyang tawagan ito.

Pero nakailang tawag na siya, hindi pa rin ito sumasagot. Ginawa niya na ring tawagan ang kaniyang kapatid ngunit hindi rin ito sumasagot.

“Baka tulog pa si ate, ako na nga lang ang uuwi, nakakahiya na kay Flor, eh!” sambit niya saka agad na sumakay ng taxi.

Ngunit pagkauwi niya, nakita niyang bukas ang kanilang bahay dahilan upang agad siyang magtungo sa silid nila ng kaniyang kapatid at labis siyang nagtaka dahil bukod sa wala ro’n ang kaniyang kapatid, gulo-gulo pa ang mga gamit nila rito.

Agad siyang tumakbo palabas nang makita niyang nasa sahig ang suot na damit ng katrabahong inutusan niya.

Doon niya napagtantong baka may masama itong ginawa sa kapatid niya dahilan upang agad siyang magpunta sa kanilang barangay upang humingi ng tulong.

Pagdating niya roon, tumambad sa kaniya ang kapatid niyang nakaupo roon habang nahagulgol. Agad siyang niyakap nito saka isinumbong ang katrabaho niyang tila nais itong pagsamantalahan.

“Mabuti na lang at agad akong nakatakas, Ariella, sabi naman sa’yo, huwag mong ibibigay ang address natin doon,” hikbi nito dahilan upang labis siyang makonsensya sa kaniyang ginawa.

Niyakap niya lang ito at labis na humingi ng pasensiya. Isinumbong na rin nila sa pulis ang lalaking ito dahilan upang ito’y mawalan ng trabaho at makulong para sa kaligtasan ng kaniyang kapatid.

Advertisement