Malditang Anak, Sampal ang Katapat
Palaging sinisisi ni Ruth ang kanyang nanay sa kanyang mga pinagdaanan sa buhay. Paano’y 14 anyos lamang kasi siya nang mabuntis na walang ama, dahilan niya’y wala kasi ang kanyang mga magulang dito sa bansa kaya walang gumagabay sa kanya.
“Anak, malaki naman na si Urh, pwede ka na mag-aral ng kolehiyo,” saad ni Aling Sherine, ang nanay ng dalaga. Nagtatrabaho ito bilang nurse sa Canada kaya lumaki si Ruth na hindi kasama ang ale.
“Yes balak ko nga iyon, pero matanda na si lola kaya kung pwede magpadala kayo ng budget para sa katulong para may magbabantay sa apo niyo,” wika ng dalaga sa telepono.
“Sige anak, pero sana sa public school ka lang mag-enroll ha. Sa PUP ay 12 pesos lang per unit, mas mura ay mas maganda. Alam mo naman na marami tayong bayarin ngayon tapos si Urh ay malapit na rin pumasok sa eskwela,” saad ng ale sa kanya.
“PUP? Yuck, ayaw ko doon. Puro rally! sa CEU ako mag-aaral kasi maganda ang uniform. Saka isa pa kasalanan niyo naman kung bakit ako hindi makapagtrabaho diba? Kasi wala akong tinapos, kasi wala kayo dito kaya nabuntis ako, kaya sira ang buhay ko ngayon. At pinapaalala ko lang na responsibilidad niyo na pag-aralin ako,” baling ni Ruth.
“Sige na anak, huwag mo nang balikan pa ang nakaraan. Hayaan mo, igagapang ko iyang pagkokolehiyo mo,” sagot ni Aling Sherine sa kanya.
Hindi na siya nagpaalam pa at basta na lang tinapos ang kanilang tawag.
Pumasok nga ang dalaga sa gusto niyang eskwelahan at kahit napakamahal ng matrikula ay sinagot pa rin ito ng kaniyang ina.
“Ma, ibili mo nga ako ng bag diyan sa Canada. Yung mga classmate ko kasi ang gagara ng bag, ang hirap naman na lagi na lang akong napag-iiwanan diba,” wika ni Ruth sa kaniyang ina.
“Anak, kakabayad lang kasi natin ng tuition fee mo. Saka may bag ka pa naman, baka pwede na iyon,” sagot naman ni Aling Sherine.
“Kapag hindi mo ako binili ng bag ay hindi ako makaka-focus, kasi maiinggit ako sa mga kaklase ko. Malulungkot ako tapos hindi na ako makakapag-aral, isa pa wala na nga kayo dito at bag na lang ang hinihiling ko hindi niyo pa maibigay,” baling ni Ruth sa kanyang ina.
“Anak kapag ganyan lagi ang ugali mo ay wala kang mararating sa buhay mo. Malaki ka na dapat nga hindi ka na sa amin umaasa,” saad ng ale.
“Alam niyo ma kung wala man akong mararating sa buhay ko ay hindi iyon dahil sa ugali ko ngayon. Kung hindi sa inyo, dahil yun sa inyo. Mas pinipili niyo pa nga na manggamot ng ibang tao kaysa alagaan ako, oo malaki ang sahod diyan pero yung nandito kayo sa tabi ko ay baka wala pa akong anak ngayon,” wika ng dalaga.
Magsasalita pa sana siya kaya nga lang ay biglang lumapit ang kanyang lola at sinampal siya ng malakas. Namula ang kaniyang pisngi at bumakat ang kamay ng matanda, biglang kumulo ang dugo ni Ruth at tumayo ito.
“Sige subukan mo!”sigaw ni lola Nena, ang nanay ni Aling Sherine.
“Ang kapal ng mukha mong isisi ang lahat sa nanay mo, hindi mo ba nakikita na kung hindi siya nagtatrabaho ngayon ay wala tayong kakainin. Wala kang damit na susuotin at higit sa lahat wala kang titirhan, ni wala kang alam kung anong sakripisyo ng nanay mo para sayo!” sigaw ng matanda.
“Anong klaseng sakripisyo yun lola? E kaya nga iniwan kami ng tatay ko kasi mas pinili niyang magtrabaho sa ibang bansa, dapat nga yata iwan ko na lang din siya. Iwan ko na lang kayo!” bulyaw din ni Ruth sa matanda.
“Ma, tama na. Ruth tama na,” pahayag naman ni Aling Sherine sa skype ngunit hindi na siya napapansin ng dalawa.
“E di lumayas ka nang malaman mo ang totoo. Masyado mong sinisisi ang anak ko sa mga sarili mong desisyon at ngayon ay hindi mo pa makita ang sakripisyon niya? Pwes para malaman mo, ito!” sabay sampal ng matanda sa dalaga.
“Masakit ba? Kasi mas masakit para sa anak ko na palakihin ka kahit anak ka ng tatay mo sa ibang babae! Hindi ka anak ni Sherine, hindi ka iniluwal ng anak ko at hindi kita kadugo pero lahat ng sakripisyo ginawa niya mabuhay ka lang dahil yung walang kwenta mong tatay ay iniwan ka sa amin kesyr hindi ka daw matanggap ng bago niyang pamilya.
Dahil mahirap lang kami ay mas pinili ni Sherine na magtrabaho sa Canada. Mas pinili ka niya kaysa sa akin na nanay niya!” pahayag pa muli ng ale at saka sinampla muli si Ruth nang ubod ng lakas na halos matanggal na ang mukha ng dalaga.
Halos hindi makapagsalita si Ruth sa kanyang narinig at agad itong umalis. Pinuntahan niya ang kaniyang ama upang tanungin kung totoo ang sinabi ng kaniyang lola.
“Oo anak, totoo lahat ng iyon. Bakit hindi mo pa rin ba alam? Akala ko alam mo na kaya lagi kang galit sa nanay mo kasi hindi naman kayo magkadugo,” wika ni Mang Toby, ang ama ng dalaga.
“Galit ako kasi pinabayaan niya akong lumaki mag-isa, pero dapat pala mas magalit ako sa inyo na mismong tatay ko! Wala kang kwenta,” sigaw ni Ruth saka siya umuwi sa kanila.
Nagkulong siya sa kwarto kung saan natutulog na ang kaniyang anak, “Napakaswerte pala natin anak,” bulong nito sa bata habang tuloy tuloy lang ang agos ng kaniyang luha.
Buong akala niya’y pinabayaan lamang siya ng kanyang ina at mas pinili na magtrabaho sa ibang bansa dahil iniwan na siya ni Mang Toby ngunit sobra sobrang sakripisyo pala ang ginagawa nito para sa kaniya. Hindi niya alam ngayon kung saan huhugot ng lakas ng loob o kapal ng mukha dahil sa sama ng kaniyang ugali.
Natigil saglit ang kanyang pag-iyak nang tumunog ang kanyang telepono at pumasok ang mensahe mula kay Aling Sherine. “Kung ano man yung nalaman mo anak hindi ko sinasadyang ilihim sayo ang katotohanan. Gusto lang kitang protektahan dahil para sa akin, anak kita. Ako ang nanay mo kaya gagawin ko ang lahat para sayo.”
Napapikit na lang si Ruth at nagpasalamat sa Diyos na nabigyan siya ng mabuting ina. Hindi na siya naghintay pa na mag-umaga at agad niyang pinuntahan si Lola Nene na noon ay natutulog na.
“Patawarin mo ako lola kung wala si mama dito dahil sa akin. Patawarin mo rin ako dahil sa naging ugali ko, pero sana tulungan mo akong magbago. Mahal na mahal ko po kayo,” bulong niya sa matanda.Ngumiti lamang si Lola Nene at hindi nagpahalatang gising.
Kinaumagahan ay agad na nagtransfer si Ruth sa PUP upang doon na mag-aral. Humanap rin siya ng trabaho na pinagsasabay niya sa kanyang pagpasok. Hindi nagtagal ay nagtapos na siya ng kolehiyo.
“Ma, uwi ka na. Ako naman ngayon, ako naman ang babawi sa inyo ni lola,” pahayag niya sa kaniyang ina at doon na nagsimula ang bagong kabanata ng kaniyang buhay.
Mula sa pagiging malditang anak, ngayon ay maaasahan, masipag at mapagmahal na siya sa kanyang nanay. Pinangako na rin niya sa sarili na magiging isa siyang mabuting ina sa anak, katulad nang kaniyang nanay Sherine.