Maagang nagbihis si Delia upang mag-grocery, kakabigay lang rin kasi ng sahod ni Ricky sa kaniya.
“Bakit kulang ito?” isip-isip ni Delia habang binibilang ang perang bigay sa kaniya ng asawa.
“Mahal, alis na ako. Na-budget mo na ba yung binigay kong pera? ” tanong ni Ricky sa kaniyang misis.
“Hindi pa mahal, mamaya na lang kita bibigyan ng budget mo pang isang buwan, mag-grocery muna ako ngayon,” sagot naman ni Delia sa kanyang mister.
“Ay ganun ba? Tara ihahatid na rin kita para hindi ka na mamasahe papunta at alam kong nagtitipid tayo,” nakangiting pahayag ng lalaki.
Itatanong pa sana ni Delia kung bakit kulang ang binigay na sahod ng kanyang asawa ngunit pinabayaan na lamang niya ito. Isip-isip niya’y baka malaki ang naging ambagan nito at ng mga kasamahan sa trabaho sa inuman kagabi. Maaga pa rin kasi para mag-usisa na naman siya sa pera.
Simula noong magkasintahan pa lang ang dalawa ay si Delia na talaga ang humahawak ng pera ni Ricky. Maging ang payslip, ATM card at lahat ng kung anong utang meron sila ay ang babae na ang nagba-budget. Ito rin kasi ang patakaran ni Delia at dahil mahal na mahal siya ng asawa ay maski pang yosi nito’y hinihingi pa sa kanya.
Pinalipas na lang niya ito ini-adjust ang kaniyang budget.
“Mahal, sahod nga pala bukas. Baka mag-inom kami ulit ng mga ka-trabaho ko ha,” paalam ni Ricky sa kaniyang asawa habang naglalaba ito ng uniporme niya.
“Sige mahal, basta huwag kang uuwi ng lasing at sana kaunti lang ang ambag mo. Alam mo naman na bawat kusing ay mahalaga sa atin,” saad naman ni Delia sa asawa.
“Grabe ka talaga mahal, kabisadong kabisado mo ba ang sahod ko?” natatawang tanong ni Ricky.
“Aba syempre naman, asawa mo kaya ako at magli-limang taon na tayong magkasama kaya bawat labas at pasok ng pera sa bahay natin ay kabisadong kabisado ko,” baling naman ni Delia sa mister.
“Hindi naman sa pinagbabawalan kita, ang akin lang ay nag-iipon tayo para sa bahay diba. Kaya talagang tiis muna sana sa mga gastusin na hindi kailangan,” bawi naman agad ng babae.
Hindi naman sumagot si Ricky sa kaniyang misis at tinapos na lang ng babae ang kaniyang nilalabhan. Bukod sa sobrang sipag ni Delia sa bahay at sa kanilang anak ay napakatipid din nito pagdating sa pera. Kaya minsan ay aminado siyang hirap siyang magpuslit kahit na maliit na halaga dahil parati na lang siyang pinipigilan ng babae.
Kinaumagahan ay kulang na naman ang dinilihensya ng kanyang mister, halos isang libo ang nawala at malaking bagay iyon para sa budget nila.
“Last na ito Delia, sa susunod hindi mo na siya pwedeng payagan na ganito kalaki ang nawawala sa pera niyo,” isip-isip ng babae. Kakausapin sana niya ang mister para sabihin na hindi na dapat ito maulit ngunit nakita niyang paalis na ito at nililinis ang kanilang motor.
“Mahal wala kang pasok ngayon diba?” tanong ni Delia sa mister.
“May birthday lang akong pupuntahan mahal, saglit lang ako. Ninong kasi ako doon sa bata kaya hindi ko matanggihan,” sagot naman ni Ricky.
“Hindi ka man lang ba magtatanghalian? Saka bakit parang lagi ka na lang umaalis, kung hindi may inom ay may birthday o di kaya kung anu-anong sinasabi mo. Baka naman mamaya ay naba-barkada ka na naman Ricky ha, sinasabi ko sayo hindi na kita bibigyan ng pera pang ambag, ” baling ni Delia sa kanyang mister.
“Huwag kang mag-alala hindi ako bumalik sa dati kong bisyo kaya tiwala ka lang diyan,” sabi naman ni Ricky saka siya umalis.
Bago ikasal ang dalawa ay lulong sa alak ang lalaki at barkada ngunit simula nang magkaanak sila ay nagbago naman ito. Kaya nga lang ay parang bumabalik ngayon at lumalaki na naman ang gastos nila.
“O baka naman may babae si Ricky?” isip-isip ni Delia. Bigla siyang kinabahan at nag-isip na nang kung anu-anong bagay.
Kaya naman naisipan niyang mamalengke na lang at magluluto siya ng paboritong pagkain ng lalaki upang makapaglambing para maalis na rin sa isipan niya na may babae ito.
Malayo pa siya sa bahay at bigat na bigat na siya sa kanyang pinamili kaya saglit siyang tumigil. Bibili sana siya ng soft drink sa tindahan nang biglang nanginig ang kaniyang buong katawan. Nakita kasi niya si Ricky na nagbigay ng milk tea sa isang dalaga na nakatira sa bagong bukas na dormitoryo sa kanilang lugar. Susugurin sana niya ito kaya lamang mabilis na nakaalis si Ricky at natanaw niyang sa bahay nila ang diretso ng lalaki.
“Kaya ba laging malaki ang kulang sa sahod mo dahil sa babaeng iyon ha Ricky? Limang taon, limang taon na tayo pero sasayangin mo lang lahat para saan? Saan ako nagkulang sayo, lahat binigay ko pero bakit ganito ang ginagawa mo sa akin?” umiiyak na pahayag ni Delia nang makauwi ito sa kanila at naabutan niyang umiinom ng tubig si mister.
“Ano iyang pinagsasasabi mo mahal?” tanong ni Ricky na halos masamid sa tubig.
“Huwag mo akong ma-mahal mahal! Kitang-kita ng dalawang malaking mata ko Ricky, nagbigay ka ng milktea doon sa dalaga sa may bagong dorm. Hayop ka! Sana nag-inom ka na lang hindi ka na lang nambabae,” bulyaw ni Delia at mabilis niyang pinaghahampas ng kangkong ang asawa.
“Tumigil ka nga Delia!” sigaw ni Ricky.
“Tapos ngayon sisigawan mo na lang ako?” baling ng babae.
“Tumigil ka kasi mali lahat ng akala mo. Hindi ko babae iyon, totoo na nagbigay ako ng milk tea sa kanya pero hindi dahil sa kabit ko siya o type ko pero dahil order niya kasi iyon,” nakayukong sagot ni Ricky.
“Anong order? Anong dahilan iyan, anong kwento ang gusto mong ipalusot sa akin,” banat na naman ni Delia.
“Order, as in grab food. Ibig sabihin, may-oorder online tapos ako ang bibili noon at ide-deliver sa kanila. Sumasideline ako kaya laging kulang ang binibigay ko sayong sahod nitong mga nakaraan ay para sa puhunan ko iyon. Hindi naman talaga ako nag-iinom, nagtratrabaho pa rin ako, Delia. Kasi gusto ko sanang sorpresahin ka, gusto kong bumili ng regalo sayo na hindi mo alam, gusto kong manood ulit ng sine,” sagot ng lalaki.
“Hindi naman ako makabawas sa pera na binibigay ko sayo kasi bawat kusing kabisado mo at lagi rin lang naman sakto ang binibigay mo sa aking pera kaya hirap ako mag-ipon para ma-sorpresa ka. Kailan ba ang huling nood natin ng sine, hindi ko na maalala kasi lagi mong sasabihin na magtipid. Naiitindihan ko naman yun pero sana maintindihan mo rin ako kung bakit ako nakapagsinungaling sayo,” dagdag pa ng lalaki.
Hindi na nagsalita pa si Delia at niyakap niya ang mister. Ngayon lang niya napagtanto na sobrang higpit pala niya sa pera na mismong asawa niya ang naghirap. Tsaka lang din niya napansin na sira na pala ang sapatos ng kaniyang mister at hindi niya mabili sa sobrang pagtitipid. Halos baong pagkain lang ang binibigay niya sa asawa kapag papasok ito sa trabaho at kaunting pera para sa yosi at inumin.
“Sorry mahal, sa sobrang pagtitipid ko ay nakalimutan ko na yung tayo bilang mag-asawa. Mali din pala iyon ano?” saad ni Delia habang nakapila sila sa ticket ng sinehan.
“Hayaan mo, kapag lumakas ang sideline ko ay hindi ka na mahihirapang mag-budget. Basta ngayon ay mag-enjoy lang tayo, happy wedding anniversary!” bati naman ni Ricky sabay halik sa kaniyang asawa.
Mahalaga man ang pera sa ating pang araw-araw ay huwag sana nating kalimutan na minsan ay kailangan din nating pasayahin ang mga sarili natin.