Mga bata pa lang ay matalik ng magkaibigan sina Jeff at Justin. Pareho silang lumaki sa maliit na barangay kung saan simple lang ang pamumuhay ng mga tao. Magkasundo sila sa lahat ng bagay kaya kahit kailan ay hindi sila nagkaroon ng hindi pagkakasunduan. Kasalukuyan din silang nasa ikatlong baitang na high school.
Sa kabila ng hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang, nanatili pa ring matatag ang samahan sa pagitan ng dalawang bata. Para na silang magkapatid.
Ang ama ni Jeff at ang ama ni Justin ay palaging magkalaban sa ano mang posisyon sa Barangay nila. Noong nakaraang taon, natalo ng ama ni Jeff na si Mang Luis ang ama ni Justin sa pagiging kapitan. Hindi iyon matanggap ng ama ni Justin na si Mang Pietro kaya mas lalong naging mahigpit ang iringan ng kanilang pamilya.
Isang araw, nagpaalam si Justin sa tatay niya na lalabas sila ng kaibigang si Jeff at maglalaro ng basketball ngunit nainis ito at naglitanya.
“Aalis ka na naman kasama ang anak ng mandaraya? Dinaya nila ako sa eleksyon tapos ay ayos lang sa iyo? Umalis ka kung gusto mo!” singhal ng ama ni Justin.
“Pa, naman. Wala po siyang kasalanan. At saka hindi naman po napatunayan na nandaya ang kanyang ama kaya wala po tayong karapatan na manghusga,” aniya.
“Aba at natututo ka nang sumagot? Iyan ba ang natutunan mo sa kaibigan mong iyon?” anito sa galit na tono.
“Hindi naman po ako sumasagot, Pa. Ang akin lang ay huwag natin silang husgahan ng wala naman tayong sapat na ebidensiya,” paliwanag niya sa ama.
“Haynaku, wala akong panahon sa mga sasabihin mo. Umalis ka kung gusto mo. Wala akong anak na traydor,” sabi ni Mang Pietro sabay pasok sa kuwarto nito.
Wala silang kaalam-alam nasa pintuan na ng kanilang bahay si Jeff at hinihintay nitong lumabas si Justin. Dinig na dinig niya ang mga sinabi ni Mang Pietro.
Nagpaalam si Justin sa nanay niya na makikipaglaro siya kasama ang kaibigan at pinayagan naman siya nito kung kaya’t natuloy ang kanilang pag-alis. Hindi sinabi ni Jeff sa kaibigan na narinig niya ang panghuhusga ng ama nito, nanatili lang siyang tahimik. Mayamaya ay nagsimula na ang kanilang laro at nabilang sa magkalaban na koponan ang dalawa. Sa kalagitnaan ng laro, hindi sinasadyang natulak ni Jeff si Justin.
“Pasensya na tol hindi ko sinasadya,” agad na paghingi ni Jeff ng paumanhin sa kaibigan.
Tumayo si Justin pero halatang napikon ito sa nangyari. Makaka-iskor na sana ang koponan nila ngunit dahil sa pagtulak na iyon ay nakalamang ang kalaban at ang resulta ay natalo sila sa koponan nina Jeff.
“Kung ‘di ka sana itinulak ni Jeff tol panalo sana tayo. Iuuwi sana natin ang limanlibong piso na panalo,” wika ng isa sa mga kasama ni Justin sa koponan niya.
Nang sumunod na araw ay muli silang naglaro at nanalo na naman sina Jeff. Nang pauwi na sila ay napansin niya na sa iba sumabay si Justin.
“O, tol hindi ka sasabay sa akin?” tanong ni Jeff.
“Mauna ka na at may pupuntahan pa kami nina David,” sabi ng binatilyo na parang umiiwas ng tingin sa kaibigan niya.
Umuwi si Jeff na mag-isa at habang siya ay naglalakad sa madilim na parte ng eskinita ay may biglang humatak sa binatilyo at tinakpan ang kanyang mga mata. Walang awang pinagbubugbog si Jeff ng mga ‘di nakilalang salarin. Nang magsawa ang mga ito ay pinabayaan siyang nakahandusay sa kalsada. Mayamaya ay may grupo ng mga kalalakihan na nakakita sa kanya at tinulungan siya na makauwi sa kanila.
Kinaumagahan, nagulat si Jeff sa maaagang pagpunta ni Justin sa bahay nila at nagdala ng pagkain para sa kanya. Hindi pa siya gaano makakilos dahil sa tinamong bugbog sa nagdaang gabi. Ipinagtaka iyon ng binata dahil paano nito nalaman ang nangyari sa kanya, e wala namang nakakita sa pangyayari.
Habang kumakain ang magkaibigan ay napansin niya ang sugat sa kanang kamay ni Justin. Katulad ito ng sugat sa kamay ng taong humatak sa kanya bago takpan ang mga mata niya kaya inusisa niya ang kaibigan.
“Napaano iyang kamay mo?” tanong niya rito.
“A, e wala. Sa paglalaro natin ito basketball kahapon. Ang haba kasi ng kuko ni Jerry, e,” pagdadahilan ni Justin na parang nauutal.
Pinalampas iyon ni Jeff at hindi muling tinanong pa ang kaibigan. Minsan, habang naglalakad pauwi si Jeff ay may natanaw siyang grupo ng kabataan. Nakilala niya ang nasabing grupo at iyon ay walang iba kundi ang grupo nina Larry, ang kilalang mga basagulero at pasaway sa kanilang lugar. Nakita niya na may binubugbog na binatilyo ang mga kabataan at laking-gulat niya nang makita na ang kaibigang si Justin pala ang sinasaktan ng mga kapwa binatilyo. Sumigaw siya habang papalapit sa grupo ng mga ito.
“Hoy, anong ginagawa niyo sa kaibigan ko?” singhal niya sa grupo.
“Huwag ka mangingialam dito, Jeff. Sa amin may atraso ang g*gong ito!” wika ni Larry.
“Hayaan niyo na siya, Larry. Ano bang kasalanan niya sa inyo?”
“Masyado kasing mapapel itong g*gong kaibigan mo, e. Nangako siya na babayaran ang mga kasama ko matapos niyang upahan sa ginawa niya,” anito.
“A-anong ginawa niya?” nagtataka niyang tanong.
“Bakit hindi mo itanong dito sa kaibigan mo kuno?” natatawang sabi ni Larry.
“Anong ibig niyang sabihin, Justin?” sabi niya sa kaibigan nang lingunin niya ito.
Hindi ito kumibo, sa halip ay nakayuko lang at halatang umiiwas ng tingin sa kanya.
“Mukhang ayaw kumanta ng kaibigan mo, pare. Kung ayaw niyang magsalita ay ako na ang magsasabi sa iyo. Siya lang naman ang may pakana ng panggugulpi sa iyo. Inupahan niya ang mga kasama ko para pagtulungan kang bugbugin pero ang g*gong ito ay hindi tumupad sa usapan na babayaran kami,” bunyag ng binatilyo.
Napasinghap si Jeff. Saglit na tumahimik bago muling nagsalita.
“Basta tigilan niyo na siya. Kung gusto niyo ako ang magbabayad sa utang niya,” aniya.
Ikinagulat nina Larry at Justin ang sinabi niya ngunit balewala iyon kay Larry, ang mahalaga sa kanila ay mabayaran sila.
“Isa ka rin palang g*go. Tinraydor ka na ng kaibigan mo tapos ikaw pa ang magbabayad sa utang niya? Isa kang hangal, pero kung iyan ang gusot mo, e di mas mabuti,” natatawang sabi ni Larry.
“Pero wala akong dalang pera. Sandali at i-text ko lang ang kasambahay namin para dalhin dito ang pambayad,” aniya.
Walang kaalam-alam ang mga ito na ang kanyang tinext ay ang kanyang ama. Sinabi niya sa text kung nasaan sila at kung ano ang nangyayari. Di nagtagal ay dumating ang mga barangay tanod kung saan sila naroon. Nagtangka pang tumakas ang grupo ni Larry ngunit nahuli rin ang mga ito. Agad naman na dinala sa malapit na pagamutan si Justin para magamot. Matapos na malapatan ng paunang lunas ay nilapitan nito ang kaibigan.
“Patawarin mo ako tol sa ginawa ko. Kahit nalaman mo ang ginawa namin sa iyo ay hindi ka pa rin nagdalawang-isip na tulungan ako. Salamat kanina ha, kung hindi ka dumating ay baka tinuluyan na ako nina Larry. Utang ko sa iyo ang buhay ko,” seryosong wika ni Justin.
“Kalimutan mo na iyon tol. Halos kapatid na ang turing ko sa iyo at hindi ko makakayang pabayaan ka lalong-lalo na sa mga oras na kailangan mo ang tulong ko,” sagot ni Jeff.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Justin. Labis ang pagsisisi niya na nagpadala siya sa mga masamang payo ng mga kasamahan niya sa koponan na nag-udyok sa kanya na gantihan ang kaibigan. Mayamaya ay dumating ang ama nitong si Mang Pietro, hindi sinasadyang magkita ang ama ni Justin at ang ama ni Jeff na si Kapitan Luis. Nang malaman ni Mang Pietro ang ginawa ng mag-ama sa kanyang anak ay nagpasalamat ito at humingi ng tawad sa lahat ng masama nitong sinabi sa mag-ama. Bago matapos ang araw ay nagkasundo na ang dalawang pamilya.
Matapos ang mga nangyari ay napagtanto ni Justin na palagi man silang magkalaban ni Jeff sa laro, sa totoong buhay naman ay lagi niya itong kakampi na maaasahan sa anumang oras. Si Jeff talaga ang maituturing niya na tunay niyang kaibigan. Mula noon ay palagi na ulit silang magkasama at hindi na kailanman nagkasamaan ng loob sa isa’t isa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!