
Pinilit ng Ginang na Ito na Magtrabaho ang Kaniyang Anak bilang Kasambahay, Bakit kaya Bigla na lang Nitong nais Magbitiw?
“O, bakit nandito ka, anak? Hindi ba’t sa Linggo pa ang uwi mo? Biyernes pa lang ngayon, ha? Nagsasayang ka na naman ng pamasahe!” sigaw ni Aling Alanis sa kaniyang anak, isang umaga nang salubungin siya nito ng mahigpit na yakap.
“Ah, eh, tumakas lang po ako, nanay, sa amo ko. Nahihirapan na po kasi ako sa mga pinapagawa niyang trabaho sa akin sa bahay niya, eh. Alam ko pong dito lang ako sa bahay makakapagpahinga kaya po nagpunta ako rito,” paliwanag nito saka agad na humiga sa kanilang papag.
“Diyos ko naman, Nina! Imbis na ipunin mo na lang ang pera mo, ginagastos mo pa pang pamasahe mo! Natural lang na mahirapan ka kasi nagtatrabaho ka!” sambit niya rito habang inuusisa niya kung mayroon siyang makakain sa dala nitong bag.
“Nanay, paano kung sabihin ko pong gusto ko na pong mag-resign?” walang anu-anong tanong nito na ikainis niya.
“Paano kung sabihin ko rin sa’yong hindi kita tatanggapin sa bahay na ito kung aalis ka sa trabaho mong iyon? Baka akala mo, Nina, mayaman tayo, ha? Kung hindi ka magtitiis doon, magugutom tayong lahat! Sige na, bumalik ka na roon! Huwag ka na rin munang umuwi sa Linggo para mabawi mo ang araw na sinayang mo ngayon!” sunod-sunod niyang sermon saka agad na hinila palabas ang anak na mangiyakngiyak.
Ang nag-iisang anak na dalaga na lang ang tanging pag-asa ng ginang na si Alanis upang makausad sa buhay. Sa katunayan, simula nang makapagtapos ito ng hayskul, agad niya itong pinasok na kasambahay sa isang pamilyang hindi naman niya kakilala.
Nakita niya lang na naghahanap ng kasambahay ang isang ginoo na taga-Maynila dahilan para agad niya itong padalhan ng mensahe at nang malaman niya pang malaki-laki ang pasahod nito, agad niyang ibinida ang anak niyang dalaga.
“Naku, sir, masipag ang anak kong ‘yon! Maganda pa, kaya hindi ka mapapahiya kapag may bumisita sa bahay niyo, aakaling anak niyo ‘yon dahil sa itsura!” sambit niya rito dahilan para agad na tanggapin ang kaniyang anak.
Lingid man ito sa kagustuhan ng kaniyang anak dahil nais nitong makapag-aral sa kolehiyo, pinilit niya ito hanggang sa sumang-ayon na lamang ang kaniyang anak. Sabi niya pa noon sa anak, “Gusto mo bang habang-buhay tayong maghirap? Hindi ka ba naaawa sa akin? Buong buhay ko sinakripisyo ko sa’yo,” dahilan para ganoon na lang ito pumayag sa nais niya.
At wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang patuloy nang guminhawa ang buhay niya dahil sa kinikitang pera ng kaniyang anak. Bili rito, bili roon ang kaniyang ginagawa na malayong-malayo sa buhay niya noon na isang kahid, isang tuka.
Kaya naman, ganoon na lang siya nagalit sa kaniyang anak nang tanungin siya nito tungkol sa pagre-resign. Nang araw na ‘yon, matapos niyang pabalikin ang anak sa trabaho, agad siyang nagtungo sa mall kasama ang kaniyang mga amiga upang kumain at mamili roon ng kung anu-ano.
Gabi na nang siya’y makauwi at doon niya pa lamang naisipang tawagan ang kaniyang anak upang kumustahin kung ligtas itong nakabalik sa Maynila.
Kaya lang, pagkabukas niya ng selpon, sandamakmak na mensahe ang padala ng kaniyang anak na talaga nga namang nagbigay ng kaba sa kaniya.
“Mama, gusto ko na po talagang mag-resign. Kung sino-sino na pong nananamantala sa akin dito.”
“Una si sir lang, eh, ngayon, pati mga kaibigan na niya.”
“Hindi lang nila ako basta katulong dito, mama, napapagod na po ako.”
“Mama, pinagtulungan na naman nila ako dahil tumakas ako. Tumawag ka na po ng pulis bago ako malagutan ng hininga sa ginagawa nila. Nagtatago lang po ako kaya nakakapagtext ako sa’yo.”
Ilan sa mga mensahe ng kaniyang anak na talagang nagpatigil ng mundo niya. Agad siyang tumawag ng pulis at nagpasama nga sa bahay ng pinagtatrababuhan ng kaniyang anak.
Pagkarating nila roon, kitang-kita niya mula sa bintana ng naturang bahay ang pangbababoy sa kaniyang anak ng humihit kumulang limang lalaki na labis niyang ikinadurog.
Agad naman umaksyon ang mga kasama niyang pulis at agad na dinampot ang mga lalaking iyon habang siya, agad niyang niyakap ang humahagulgol at lambot na lambot niyang anak.
Labis siyang humingi ng tawad dito habang sila’y patungong presinto.
“Kung nagbanat na lang sana ako ng buto para sa anak ko, edi sana, hindi siya nagkaganito,” pagsisisi niya saka niya muling niyakap ang wala sa sariling anak.
Hindi niya sinukuan ang kasong iyon at desidido siyang makuha ang hustiya ng kaniyang anak. Habang pinagpapahinga niya ang anak, muli siyang nagbanat ng buto upang matugunan ang mga pangangailangan nito.
Hanggang sa lumipas ang ilang buwan at kanilang naipanalo ang kaso. Tuluyang nakulong ang mga lalaking iyon habang patuloy namang bumabangon ang kaniyang anak sa bangungot na naranasan.