Nagustuhan na ng Dalaga ang Kaniyang Gwapong Suki; Nalungkot Siya nang Malamang May Nagugustuhan pala Itong Iba

Nagustuhan na ng Dalaga ang Kaniyang Gwapong Suki; Nalungkot Siya nang Malamang May Nagugustuhan pala Itong Iba

FunLoveStories

Isang magandang ngiti ang nakapaskil sa labi ni Jessa nang marinig niya ang pagbukas ng pintuan ng kaniyang bakeshop.

“Good morning po, Ma’am Marie!” maligayang bati niya sa matandang babae na pumasok.

Matagal niya nang suki ang babae. Gustong-gusto raw kasi ng dalawang anak nito ang mga cake niya kaya naman halos linggo-linggo ito kung bumili.

Inestima niya ang babae, na tuwang-tuwa dahil may mga bagong cake na naman siyang ibinebenta. 

Halos isang taon na rin simula noong mag-resign siya sa trabaho para gawin ang kaniyang hilig – ang pagbe-bake.

Sa awa naman ng Diyos ay sapat ang kaniyang kinikita para matustusan ang mga bayarin niya.

Marami na rin kasi siyang naging suki dahil sinisiguro niya na talaga namang magaganda at masasarap ang niluluto niyang tinapay, cake, at kung ano-ano pa.

Nang lumaon ay sinubukan niya na ring gumawa ng iba’t ibang inumin kagaya ng kape at milktea na pumatok naman sa mga tao. 

Hindi man hitik sa tao ang kaniyang bakeshop ay hindi pa naman nangyari na wala siyang customer, kaya masasabi niya na maayos ang takbo ng negosyo niya. 

“Salamat, Ma’am Marie! Balik po kayo!” paalam niya sa matanda. 

Matapos niyang pagbilinan ang assistant niya na si Blessie ay inabala niya ang kaniyang sarili sa pagbe-bake ng mga recipe na gusto niyang subukan.

Subalit ilang minuto pa lamang siya sa kusina ay humahangos na pumasok doon si Blessie.

“Ma’am, may customer po na nagagalit. Hinahanap ka, ang may-ari. Hindi raw po masarap ang cake na in-order niya!” tarantang bulalas nito.

Nagtataka man ay nagmamadali niyang nilapitan ang lalaki.

Halos matameme siya nang makaharap ang lalaki. Aba’y napakagwapo kasi nito!

“S-sir, may p-problema po b-ba?” nauutal na usisa niya.

Kunot noo siya nitong tiningala.

“Ang sabi ng kakilala ko masarap daw ang mga tinda dito. Unang subo ko pa lang sa cake, hindi ko na nagustuhan!” supladong reklamo nito.

Nagtatakang tinikman niya ang cake na inirereklamo nito.

Hiyang-hiya siya nang malasahan na matabang nga iyon. Nalimutan niya sigurong lagyan ng asukal!

Abot-abot ang paghingi niya ng pasensiya sa gwapong customer.

“Sir, madami pa po kaming cake rito. Pili na po kayo, at ‘wag niyo na pong bayaran, pasensiya na po sa abala. Makakaasa po kayo na hindi na ito mauulit.” 

Tumango naman ang lalaki na bahagya pa ring nakasimangot. Isang strawberry cake ang pinili nito.

“Ayos na po ba?” alanganing usisa niya nang tikman nito ang cake.

Isang tipid na tango lang ang isinagot nito bago muling inabala ang sarili sa pagbabasa ng dyaryo.

“Grabe, Ma’am, ang pogi sana, kaso suplado!” narinig niyang bulong ni Blessie.

Napahagikhik siya. “Lukaret ka, baka marinig ka!”

Simula noong araw na iyon ay naging suki na nila ang gwapong lalaki.

Subalit hindi kagaya ng iba niyang suki, hindi niya magawang makipagbiruan sa lalaki dahil nakakatakot ang kaseryosohan nito. Ni hindi niya nga alam ang pangalan nito.

Mabuti na nga lang at hindi na ito muli pang nagreklamo. Madalas lamang itong tumatambay upang magkape at kumain ng cake habang nagbabasa ng dyaryo, at ng kung ano-ano pang libro.

“Ma’am, baka naman ikaw ang gusto ni Sir Pogi? Inaaraw-araw ang pagdalaw eh,” isang araw ay pambubuska ni Blessie.

Bahagya man siyang kinilig ay hindi niya ipinahalata.

Sa totoo lang, interesado rin siya sa lalaki. Bukod kasi sa gwapo ito ay halata niya na matalino ito. Masyado nga lang itong tahimik at seryoso.

“Ikaw talaga, kung ano-anong naiisip mo. Sa sobrang gwapo niyan, malamang may girlfriend na ‘yan,” tugon niya sa makulit na assistant.

“Ay, Ma’am Jessa, ayaw mo maniwala? Madalas ‘yan nakatitig sa’yo ‘pag hindi ka nakatingin!”

Ayaw niya man ay may parte sa kaniyang puso na nais umasa na sana ay totoo nga ang sinasabi ni Blessie.

Kaya naman dismayado siya nang sumunod na araw ay dumating ito na may kasamang isang magandang babae.

Sa unang pagkakataon ay nakita nila itong nakangiti at nagbibiro.

“Ay Ma’am, tama ka. May nakabingwit na nga!” tila nanghihinayang na komento ni Blessie habang nakatitig sa dalawa.

Nakadama siya ng hindi maipaliwanag na lungkot dahil hindi man niya aminin ay nagustuhan niya na rin ang lalaki.

Mas lalo pa siyang nadismaya nang kinabukasan ay lumapit sa kaniya ang lalaki.

“Miss, pwede bang magpasadya ng cake?” tanong nito.

“Oo naman po, Sir. Ano po bang klase ng cake?” magiliw na usisa niya.

Nagkamot ito ng batok, tila nahihiya.

“Ah, ibibigay ko sana sa babaeng gusto ko, eh…” pulang-pula ang mukhang wika nito.

Nasasaktan man ay ngumiti siya sa lalaki.

“Ako na po ang bahala, Sir. Sure po ako na magugustuhan ng pagbibigyan niyo ang cake,” pangako niya.

“Sige, salamat. Kunin ko bukas, Miss…” alanganing wika ng lalaki, tila hinihintay ang pangalan niya. 

“Jessa. Jessa po.” 

“Ako si Cyrus,” nakangiting wika ng lalaki, nakalahad ang kamay, na maagap niyang tinanggap.

Nang umalis ang lalaki ay agad na nagtitili si Blessie. Nasaksihan kasi nito ang pag-uusap nila ni Cyrus.

“Ma’am Jessa! Confirmed! Bet ka ni Sir Pogi! May pa-shake hands!” 

Pabirong inirapan niya ang babae. Ang kulit talaga nito.

“Gaga! Nagpapagawa nga ng cake para sa liligawan niya!” 

Dumiretso na siya sa kusina para sa cake na pinapagawa ni Cyrus, kaya naman hindi niya na nakita ang misteryosong ngiti sa labi ni Blessie.

Ibinuhos niya ang lahat ng nalalaman sa paggawa ng cake. Nais niya na masungkit ni Cyrus ang puso ng sinumang iniibig nito.

Isang hugis puso na strawberry cake ang ginawa niya, na alam niyang paborito ng lalaki. Inilagay niya iyon sa magandang kahon, na pinalibutan niya pa ng pulang laso.

Kinabukasan, si Cyrus ang unang-unang customer na dumating.

Hindi maiwasan ni Jessa na manghinayang habang nakatitig sa gwapong mukha ng lalaki. Sayang at may minamahal na ito. 

“Jessa, nagawa mo?” nakangiting tanong ng lalaki.

Tumango siya bago iniabot dito ang nakakahon na cake.

“Magkano ito?” 

“Libre na po, Sir. Suki naman kita. Good luck sa panliligaw mo,” sinserong wika niya sa lalaki.

Matagal na hindi nagsalita ang lalaki, at nanatili lang itong nakatitig sa kaniya.

“May pag-asa ba ako?” wika nito habang nakatitig sa kaniyang mga mata. 

Iniabot nito sa kaniya ang cake.

“Ha?”

“Ikaw. Ikaw ang liligawan ko,” walang gatol na pahayag nito.

Hindi makapagsalita si Jessa. Hindi niya inaasahan ang sinabi ng lalaki.

“Sa tingin ko gusto na kita, noong unang beses ko pa lang na matikman ang cake na ginawa mo,” pag-amin ng lalaki.

“Ha? Paano mo nagustuhan? Hindi ba’t ibinalik mo nga ‘yun cake kasi matabang? Sinungitan mo pa ako?” naguguluhang tanong niya.

“Hindi ‘yun ang unang beses. Si Mama, laging bumibili dito ng cake. Mahilig talaga ako sa matatamis, kaya na-curious ako kung sino ang nagbe-bake ng mga paborito kong cake. Hanggang sa alam mo na, nahulog ako sa’yo,” pagtatapat nito.

Nanlaki ang mata niya. Inalala ang isa sa kaniyang mga suki. 

“Si Ma’am Marie? Ikaw ang anak ni Ma’am Marie?” 

Tumango ang lalaki.

“Eh sino ‘yung babaeng kasama mo nung isang araw?” taas kilay na usisa niya sa lalaki.

“Kapatid ko ‘yun. Gusto ka raw niyang makita, eh. Paborito rin nun mga cake na inuuwi ni Mama. Siya ang nagtulak sa akin na umamin. Ang tagal ko ring natorpe sa’yo,” natatawang paliwanag nito.

Napangiti siya nang malapad. Hindi niya inaasahan ba siya pala ang babaeng gusto ni Cyrus!

Bago pa siya makapagsalita ay narinig niya na ang matinis na tili ni Blessie.

“Sa wakas! Nagkaaminan na rin!” 

“Hoy! Wala pa akong sinasabi!” nandidilat ang matang saway niya sa babae.

“Sus, Ma’am Jessa, papakipot ka pa, eh gustong gusto mo rin naman si Sir Pogi!” walang prenong panlalaglag nito.

Si Jessa na hiyang-hiya ay wala ring nagawa kundi umamin ng kaniyang tunay na nararamdaman.

Matapos ang dalawang buwan ay tuluyan na niyang naging kasintahan si Cyrus.

Sino nga ba ang mag-aakala na dahil sa simpleng cake ay magugustuhan din siya ng lalaking bumihag sa puso niya? 

More Stories