
Nangunguha ng Asignatura ng Iba ang Dalaga, Hindi Siya Natakot sa Aral na Maidudulot Nito
“Juday, wala ka bang balak na matulog? Alas tres na nang madaling araw, todo tutok ka pa rin d’yan sa laptop mo! May paiyak-iyak ka pa! Nababaliw ka na ba?” inis na sambit ni Kiri sa kaniyang kaibigan, isang madaling araw nang maalimpungatan siya sa hagulgol nito habang nagamit ng kompyuter.
“Pasahan na kasi nitong business plan na asignatura natin bukas, hindi ba? Naiiyak ako kasi hindi ko na alam ang gagawin ko, sasabog na ang utak ko!” hikbi pa nito habang hinihiklat ang sariling buhok. “Pati ba naman ‘yan, iiyakan mo?” tanong niya pa rito saka ito inirapan.
“Ang yabang mo! Ikaw ba may ganito na, ha?” tanong nito sa kaniya. “Wala pa,” tipid niyang sagot saka bumalik sa pagkakahiga.
“O, bakit hindi ka pa nagawa? Akala mo ba basta-basta lang gumawa nito,” sagot nito na ikinatawa niya.
“Nand’yan naman ang matalino nating kaklaseng si Joana,” patawa-tawa niyang wika. “Huwag mong sabihing kukuhanin mo na naman ang gawa niya?” tanong pa nito.
“Ganoon na nga, kaysa naman magpakahirap ako gumawa ng basurang ‘yan,” tugon niya saka kumindat.
“Hindi ka talaga natatakot sa karma, ano? Mali ‘yang ginagawa mo!” babala nito sa kaniya saka siya binato ng unan sa mukha.
“Ang gulo-gulo na ng buhay ko, Juday, tingin mo, matatakot pa ako sa karma?” taas kilay niyang tanong dito saka malakas na binato ang naturang unan at agad nang bumalik sa pagkakatulog.
Wala nang ganang mag-aral ang dating masipag at nangungunang mag-aaral na si Kiri. Nagsimula siyang tamarin sa pag-aaral nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang at pareho itong walang pakialam sa kaniya.
Sa katunayan, siya lamang ang natira sa malaki nilang bahay. Habang ang kaniyang mga magulang, kasama na kani-kanilang bagong pamilya. Padadalhan lang siya ng pera ng mga ito upang mapagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral at bilang suporta sa kaniyang mga pangangailangan. Pero, ni anino ng kaniyang ina o ama, walang nagpapakita sa kaniya.
Kahit simpleng kumusta sa social media, wala siyang natanggap. Magugulat na lang siyang may matatanggap siyang pera sa kaniyang bank account.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya tamarin hindi lang sa kaniyang pag-aaral kung hindi pati na rin kaniyang buhay. Kung hindi nga lang siya siguro sinamahan ng kaibigan niya sa malaking bahay na iyon, siguro ngayo’y nalagutan na siya ng hininga.
Kaya lang, sa kagustuhan niyang makapagtapos ng pag-aaral nang wala siyang hirap na ginagawa, nagagawa niyang manguha ng asignatura at gawa ng matalino niyang kaklase na labis na ikinagagalit ng kaniyang kaibigan. Pero dahil nga gusto niyang makapasa, patuloy niya itong ginagawa.
Kinaumagahan, maaga siyang pumasok sa paaralan kasama ang kaniyang kaibigan. Katulad ng balak niya, agad niyang hinablot sa kamay ng matalino nilang kaklase ang hawak nitong mga dokumento.
“Salamat sa paggawa ng asignatura ko, ha?” sambit niya sa walang kalaban-labang dalaga.
Mayamaya pa, dumating na nga ang kanilang guro at agad na pinapasa sa harapan ang kanilang mga asignatura.
“Limitado lamang ang oras natin ngayon dahil may pagpupulong akong dadaluhan. Sino ang nais magbahagi nang nagawa niyang business plan?” tanong ng kanilang guro, “Wala? O, sige, bubunot na lang ako sa mga papel na narito,” sambit nito nang walang sumagot na estudyante, “Kiri, halika rito, ibahagi mo sa amin ang nagawa mo,” sambit nito habang niyaya siyang tumayo sa harapan.
“Ayoko ma’am,” diretsahan niyang tugon.
“Anong ayaw mo? Halika rito, ipaliwanag mo ito,” wika pa nito.
“Bakit ba ang kulit mo?” inis niyang tanong na ikinagulat ng kaniyang mga kaklase.
“Ayusin mo ang ugali mo, ha? Guro mo ako rito!” sigaw nito.
“Guro ka naman na, eh, hindi ba? Edi alam mo na ‘yan! Bakit kailangan pang ipaliwanag sa’yo? Pinahirapan mo na nga kami dahil d’yan, eh,” sambit niya dahilan para siya’y kurutin na ng kaniyang kaibigan at sila’y layasan ng kanilang guro dahil sa sobrang pagkainis.
Wala pang isang oras ang nakalipas, siya’y pinatawag na sa tanggapan ng kanilang punongguro at lalo siyang nainis nang makitang naroon ang kaniyang ina at ama.
“Bakit kayo narito?” tanong niya sa mga ito.
“Bakit gan’yan na ang ugali mo?” pang-uusisa ng kaniyang ina habang nakatungo ang kaniyang ama.
“Bakit ako ang tinatanong niyo?” inis niyang sagot saka agad na niyang hiniling na umpisahan na ang kanilang pag-uusap.
Sa pag-uusap ng kaniyang mga magulang at punongguro, ganoon natuklasan ang ginagawa niyang pagkuha ng asignatura ng iba na labis na ikinadismaya ng mga ito.
Doon na bumuhos ang luha niya. Ayaw man niyang ipakitang nasasaktan siya sa nangyari sa kanilang pamilya na nagdulot nang katamaran niya sa pag-aaral, hindi niya napigil ang bigat na kaniyang nararamdaman lalo pa nang sabihin ng punongguro na siya’y aalisin na sa naturang paaralan.
Laking gulat niya nang magmakaawa ang kaniyang mga magulang at nangakong itutuwid ang kaniyang mga maling ginawa dahilan upang siya’y muling pagbigyan ng naturang punongguro.
Muli nga siyang ginabayan ng kaniyang mga magulang. Mahirap mang magpatawad, unti-unti niya itong napag-aralan lalo na nang muling siyang pakitaan ng pagmamahal ng mga ito.
Ilang buwan lang ang lumipas, muling bumalik ang sigla niya sa pag-aaral at muling itinuwid ang baluktot niyang landas.