Lumba-lumba na raw ang Dalagang Ito ayon sa Isang Ginang, Siya ay Nilamon ng Insekyuridad

Lumba-lumba na raw ang Dalagang Ito ayon sa Isang Ginang, Siya ay Nilamon ng Insekyuridad

HeartbreakingInspiringStories

“Iyan na ba ‘yong anak ni Gina na si Amely, mare? Grabe ang itinaba, ha? Naiwan niyo ba ‘yan sa kusina niyo? Bakit niyo naman pinabayaan, ang sagwa tuloy ng itsura!” pamumuna ni Aling Pasing sa apo ng kaniyang kumare, isang umaga nang dumalaw siya sa bahay nito at makita niya ang apo nitong biglang lumusog. 

“Ah, oo, dalaga na, ano?” sagot ni Aling Karen saka tiningnan nakangiti ang apo niyang kumakain ng almusal. 

“Dalaga na talaga! Kaso, parang losyang na agad dahil sa laki ng katawan! Daig pa ang anak kong may dalawang anak na,” sambit pa niya saka pinakita ang litrato ng kaniyang anak na may hubog pa rin ang katawan kahit na nanganak na. 

“Ayos lang naman ‘yang katawan niya, mare. Mabuti nga at malusog siya. Bihira lang kaya ‘yan magkasakit,” tugon ng matanda. 

“Syempre naman, ano, sino bang magkakasakit kapag ganyan kataba ang katawan?” patawa-tawang niyang sambit. 

“Sobra ka naman sa apo ko, mare!” sagot nito saka siya bahagyang hinampas sa balikat. 

“Nagsasabi lang ako ng totoo! Mahirap na at baka walang mapangasawa ‘yan dahil sa katabaan niya!” wika niya pa na ikinasimangot na ng matanda. “Hindi naman siguro, maganda naman ang apo ko,” sabi nito. 

“Maganda nga, lumba-lumba naman! Hikayatin mo mag-diet, sayang naman ang lahi niyo,” nguso niya na ikinatahimik na lang ng matanda. 

Rinig na rinig ng dalagang si Amely ang pag-uusap na ito ng kaniyang lola pati na ng kumare nitong matagal nang hindi nakadalaw sa kanilang bahay na labis na dumurog sa kaniyang puso. 

Tila nilamon siya ng insekyuridad noong pagkakataong iyon habang siya’y tahimik na kumakain ng kaniyang almusal. Pilit niyang pinigil na huwag pumatak ang luhang kanina pa nais lumabas mula sa kaniyang mga dahil sa mga masasakit ng salitang kaniyang naririnig mula sa mapanghusgang aleng iyon. 

Pagkatapos na pagkatapos niyang kumain, agad na siyang bumalik sa kaniyang silid at doon humagulgol. Tiningnan niya ang sarili sa salamin at sinabing, “Ano nga bang ginawa ko sa sarili ko? Bakit hinayaan kong maging ganito ako kataba?” saka siya naglupasay sa sahig ng kaniyang kwarto habang pinapalo-palo ang tiyan niya. 

Simula noong araw na ‘yon, nangako siya sa kaniyang sarili na magsisimula na siyang mag-diet. Pinursigi niya ang sarili na limitahan ang kaniyang pagkain kahit na siya’y gutom pa at upang mapunan ang kumakalam niyang tiyan, sandamakmak na tubig ang kaniyang iniinom. 

Napansin ng kaniyang lola ang pagda-diet na ginagawa niya dahilan para siya’y pakainin nito nang marami. Sinasabayan pa siya nitong kumain upang masiguradong marami ang kaniyang kakaining pagkain. 

Ngunit dahil nga desidido na siyang bumalik sa dating timbang, sa tuwing may pagkakataon siyang magpunta sa kanilang banyo, sinusundot niya ng daliri ang kaniyang lalamunan upang mailabas niya lahat ng pinakain sa kaniya ng matanda. 

“Alam kong nagsasayang lang ako ng pagkain, pero ayoko na kasing makaramdam ng ganitong klaseng insekyuridad kaya ko ito ginagawa,” iyak niya sa sarili habang patuloy na sumusuka sa banyo. 

Halos walong buwan niya lang ginawa ang ganitong klaseng pagbabawas ng timbang, tila biglang bumagsak ang kaniyang katawan. Nawala ang malaki niyang tiyan, braso at mukha na labis niyang ikinatuwa. 

Kaya lang, iba na ang pakiramdam niya ngayon. Palagi na siyang nahihilo, sumasakit ang tiyan at kung minsan pa, bigla na lang siyang nawawalan ng malay na labis na pinag-alala ng kaniyang lola na tanging kasama niya sa bahay. 

“Apo, bakit ka ba nagpapayat nang ganyan? Kita mo, ang hina-hina na ng katawan mo. Halos kada buwan, may sakit kang iniinda,” sambit ng kaniyang lola. 

“Ayoko na po kasing mapuna ng mga tao rito dahil sa katabaan ko. Pakiramdam ko po sa tuwing hinuhusgahan nila ako, bumababa ang pagkatao ko kaya naisip ko na lang pong magpapayat,” nakatungong sagot niya. 

“Hindi mo naman sila kailangang pakinggan, apo, eh. Kasi kahit anong gawin mo, mayroon silang masasabi sa’yo. Kung patuloy kang makikinig sa kanila, kawawa ang katawan mo,” pangaral pa nito sa kaniya na labis niyang pinag-isipan. 

Kinabukasan, muli na namang dumalaw ang aleng mapanghusga at katulad ng unang kita nito sa kaniya, muli na naman siya nitong pinuna. 

“Bakit ang payat-payat naman ng apo mo ngayon, mare? Wala na ba kayong makain? May sakit ba ‘yan na nakakahawa?” pang-uusisa nito na ikinainis ng kaniyang lola. 

“Alam mo, pupwede ka nang umalis kung wala kang magandang masasabi sa apo ko,” pambabara ng kaniyang lola na ikinatawa niya, “Ano, apo, sabi sa’yo, eh, kahit anong gawin mo, may masasabi’t masasabi talaga ang mga tsismosang inggitera,” wika pa nito dahilan para agad na umalis ang naturang ale at sila’y magtawanang dalawa. 

Simula noon, muli niyang ibinalik ang gana sa pagkain na talaga nga namang nagbigay ng positibong resulta sa kaniyang katawan. Sinabayan niya pa ito nang pag-eehersisyo dahilan para humubog na ang kaniyang katawan, lumakas pa ang kaniyang resistensya.

More Stories