Hirap sa Buhay ang Padre de Pamilyang Ito, Naibunton Niya ang Galit sa Amang Mahina na

Hirap sa Buhay ang Padre de Pamilyang Ito, Naibunton Niya ang Galit sa Amang Mahina na

FamilyHeartbreakingStories

“Jeneca, pahingi nga akong pitong piso, bibili lang ako ng itlog pang-ulam ko. Anong oras na, wala pa rin tayong ulam! Ano ka ba naman?” inis na bulyaw ni Roger sa kaniyang asawa, isang tanghali bago siya pumasok sa trabaho. 

“Pasensya na, mahal, wala na rin kasi ‘yong perang binigay mo, eh,” kamot-ulong sagot nito na labis niyang ikinagulat. 

“Anong pinagsasasabi mo riyan? Kakabigay ko lang sa’yo ng tatlong daang piso noong makalawa!” bulyaw niya rito dahilan para magising na ang kanilang dalawang anak, bigla namang napatungo ang ama niyang nakikitira lang sa kanila dahil sa lakas ng boses niya. 

“Binayaran ko ang utang natin sa tindahan, eh. Siningil na kasi ako ni Aling Terya kanina. Pinahiya na ako sa mga tao sa eskinita kaya binayaran ko na agad,” paliwanag nito na labis niyang ikinagalit. 

“Diyos ko naman! Paano tayo kakain ngayon niyan?” tanong niya rito. 

“Ito, o, may sampung piso pang natira. Bumili ka na lang ng itlog saka tigpipisong chichirya,” sambit nito saka iniabot sa kaniya ang sampung pisong pera. 

“Nakakainis namang buhay ‘to!” sigaw niya, “Hoy, tatay! Ikaw na nga ang bumili ng itlog! Maliligo na ako para makaalis na sa bahay na ‘to!” utos niya sa kaniyang ama nang makita itong palabas ng kanilang bahay saka siya agad na nagtungo sa kanilang palikuran upang mabilisang maligo. 

Ang padre de pamilyang si Roger ang tanging tumataguyod sa kaniyang buong pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang construction worker. Sa kaniyang barung-barong din nakikitira ang kaniyang ama na wala nang mapuntahan dahil sa mga kapatid niyang nasa malayong lugar na rin. 

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na mabigatan sa buhay na mayroon siya ngayon. Bukod sa gastusin niya para sa pagkain nilang lahat, iniisip niya rin kung paano matutugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak katulad ng gatas at ng mga gamot ng kaniyang ama para sa sakit nitong dayabetes.

Sa katunayan, hindi sapat ang kinikita niya sa trabaho niyang ito dahilan para kahit lingid sa kagustuhan niyang magkautang sila, napapautang na lang talaga ang kaniyang asawa sa katapat nilang tindahan upang matugunan lamang ang kalam ng kanilang sikmura. 

Kahit tagpipisong chichirya lamang o kung hindi nama’y asin o mantika ay pupwede na sa kanila basta’t mayroon lamang silang makain sa kanilang hapag-kainan. 

Kahit na wala naman siyang naririnig na reklamo sa kaniyang asawa at ama sa ganitong pamumuhay na mayroon sila, hindi niya pa rin maiwasang hindi mapagod at mainis sa buhay na mayroon siya na nagdadahilan ng halos araw-araw niyang pagbubunganga sa kanilang bahay. 

At dahil nga mahuhuli na siya sa trabaho, inutusan niya na lang ang kaniyang ama na bumili ng itlog saka siya mabilis na naligo. Kaya lang, pagkalabas niya, tumambad sa kaniya ang ama niyang hindi mapakali. 

“Bakit ba palakad-lakad ka? Nasaan na ang itlog na pinabibili ko?” tanong niya rito. 

“Ah, eh, ano kasi, anak, may bumanggang bata sa akin, nabitawan ko tuloy ‘yong itlog. Pero huwag kang mag-alala, iyo na lang ‘yong ulam kong chichirya, hindi na ako kakain,” alok nito saka iniabot sa kaniya ang biniling chichirya na puro putik pa na labis niyang ikinagalit. 

“Tingin mo, matutuwa ako riyan?” tanong niya pa saka agad niyang dinampot ang dos por dos na malapit sa kaniya. 

“Pa-pasensya na, anak!” sigaw nito bago niya ito pinaghahahampas ng naturang kahoy. 

Nang gumaan na ang pakiramdam niya, tinigilan na niya itong bugb*gin. Kaya lang, nang pinapatayo na niya ito, hindi na ito gumagalaw. 

“Hoy, tatay, huwag kang magloko ng ganyan! Mahina lang naman ang palo ko sa’yo, hoy!” sigaw niya sa matandang punong-puno ng pasa at latay sa katawan. 

Nang maramdaman niyang tila wala na itong pulso, agad na siyang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay upang madala ito sa ospital. 

Doon niya nakumpirmang wala na nga itong buhay na labis niyang ikinapanghina. Nang tanungin siya ng mga doktor kung anong dahilan ng pagkawala ng matanda, wala siyang maisagot. 

Dahil sa kaniyang kilos, naghinala ang mga doktor at nars na naroon dahilan para sila’y tumawag ng pulis at siya’y paimbestigahan. 

Dito na nalaman ng mga pulis kung anong dahilan nang pagkawala ng kaniyang ama. Agad na siyang dinampot na mga ito at ikinulong. 

Alam niya sa sarili niyang siya ang may kasalanan kaya bukal sa loob niyang sumama sa mga pulis na ito habang patuloy siyang nagsisisi sa kaniyang ginawa. 

Nais man niyang ibalik ang buhay ng amang nagtiis sa kaniya, wala siyang magawa kung hindi ang magsisi at magdasal na sana, siya’y patawarin pa nito. 

More Stories