
Pinagtawanan ng Binata ang Pinsang Nagpapautang, Sa Huli’y Umikot ang Mundong Kanilang Ginagalawan
“Hoy, insan, anong ginagawa mo riyan? Tirik na tirik ang araw, nakatambay ka rito sa kanto,” bati ni Ronald sa kaniyang pinsan, isang umaga nang mapadaan siya sa dating tinitirhang barangay.
“Ah, eh, hinihintay ko kasi ‘yong pinautang kong ginang. Ang sabi niya kasi sa akin kahapon, magbabayad daw siya sa akin ngayong umaga rito sa kanto, kaso tanghali na, hindi pa rin dumarating,” kwento ng kaniyang pinsan saka nagpunas ng pawis.
“Naku, edi umuwi ka na. Mukha kang pulubi riyan!” sambit niya rito dahilan para mapakamot na lang ito ng ulo.
“Kailangan ko kasi ‘yong perang ‘yon, insan, kaya nagtitiyaga talaga akong maghintay,” tugon pa nito.
“Ang hirap naman ng sitwasyon mo, insan! Mabuti pa talaga ang buhay ko, ano? Hindi ko na kailangang magbilad sa araw para kumita ng pera, pera na ang lumalapit sa akin!” pagmamalaki niya saka ipinakita ang mataba niyang pitaka.
“Mabuti kung ganoon,” tanging tugon nito.
“Oo, laking pasasamalat ko talaga sa Diyos at hindi niya ako hinayaang maging 5’6 o nagpapautang katulad mo, ang hirap ng negosyong iyan, insan,” wika niya pa, ngumiti lang ito sa kaniya dahilan para mapaisip siyang, “Tiyak, inggit na inggit ang pinsan kong ‘to sa buhay na mayroon ako ngayon,” saka agad niyang pinatakbo ang magara niyang sasakyan.
Maalwan na ang dating gipit na buhay ng pamilya ng binatang si Ronald dahil sa kaniyang naisip na negosyo. Kung dati’y isang kahid, isang tuka lang ang kaniyang buong pamilya dahil isang magsasaka lang ang kaniyang mga magulang, ngayo’y kahit hindi na magtrabaho ang mga ito, mayroon silang limpak-limpak na pagkain sa hapag-kainan. Bukod pa ang mga perang nakakalat lamang sa mga sulok ng kanilang batong bahay.
Nagsimula ang pag-asenso niya sa buhay simula nang matutunan niyang bumili at magbenta ng stocks ng mga naglalakihang mga negosyo sa Pilipinas. Sinabayan niya ng pagtatrabaho sa isang restawran ang pag-iinvest niyang ito hanggang sa makapagpatayo na rin siya ng sariling restawran sa ilalim ng pangalan ng kaniyang mga magulang.
Kaya lang, nang siya’y umasenso na sa buhay, naging mapagmataas naman siya at kahit ni piso, wala siyang binigay na tulong sa kaniyang mga kamag-anak. Katwiran niya, “Pinaghirapan ko ang bawat sentimong mayroon ako ngayon, kaya natatapat lamang na ako at ang pamilya ko lang ang makinabang nito,” na talaga nga namang pinanghawakan niya kahit na makita niyang naghihirap ang kaniyang mga kamag-anak.
Nang araw na ‘yon, patawa-tawa siyang nagmaneho habang papalayo sa pinsan niyang iyon. “Sino bang aasenso sa pagpapautang? Diyos ko, nakakatawa talaga ang mga mangmang at tamad kong kaanak,” wika niya pa habang pailing-iling.
Ngunit dahil malayo ang kaniyang iniisip, hindi niya agad napansing may rumaragasang sasakyan sa likuran niya na tila nawalan ng preno dahilan para siya’y salpukin nito at magdire-diretso siya sa isang kalapit na poste.
Agad siyang nawalan ng malay nang mauntog ang ulo niya sa manibela at siya’y labis na maipit sa kotse niyang ngayon ay yupi-yupi na.
Pagkagising niya, labis siyang nanlamig nang makitang wala na ang dalawang paa niya at isang kamay.
“Nananaginip ba ako? Diyos ko, gisingin mo ako!” iyak niya dahilan para agad siyang yakapin ng kaniyang ina.
“Naaksidente ka, anak, at tinakbuhan ka ng nakabangga sa’yo. Nagamit na namin sa operasyon mo ang ipon mo, anak, at mag-iisang buwan na tayo rito sa ospital,” sambit ng kaniyang ina na labis niyang ikinagulat.
“Ang negosyo ko, kumusta? Ang binebenta kong mga stocks, ano’ng nangyari?” pag-aalala niya.
“Wala na lahat, anak. Hindi naman namin alam ng tatay mo paano ang kalakalan sa pagbebenta no’n. Tapos pinagkaisahan pa tayo ng mga empleyado mo sa restawran, ninakawan nila tayo kamakailan lang,” hikbi pa nito na talagang nagpaguho sa mundo niya.
Sa isang iglap lang, lahat ng kaniyang mga pinaghirapan ay nawala na parang bula na labis niyang ikinapanghinayang. Muli silang bumalik sa dati nilang bahay malapit sa kanilang mga kaanak. Lingid man sa kagustuhan niyang malaman ng mga ito na muli silang bumagsak sa hirap, wala na silang ibang mapupuntahan ng kaniyang pamilya.
Ang dating minamata niyang pinsan, ngayo’y may-ari na ng isang kapehan sa Maynila na labis niyang ikinabigla.
“Bilog talaga ang mundo, ano? Hayaan mo, hindi kita pababayaan,” sambit ng kaniyang pinsan nang makita ang kalagayan niya na labis niyang ikinaiyak.
Doon niya napagtantong siguro, binawi ng Maykapal ang mga biyayang mayroon siya dahil bukod sa hindi pa siya marunong magbigay, mapagmataas pa siya. Kaya naman, agad siyang nangakong muling magpupursigi sa buhay sa kabila ng kaniyang kapansanan at kapag muling umasenso, siya’y matututo nang magbigay sa kaniyang kapwa at sisiguraduhing palaging nakatapak sa lupa ang kaniyang mga paa.