Isang Matanda ang Walang Mintis na Tumataya sa Lotto; May Pag-asa pa Kaya Itong Manalo?

“Kain, Mang Emil!” nakangiting bati niya sa matanda.

Kumakain siya ng tanghalian nang dumating ito para tumaya sa lotto.

“Salamat, Max. Tataya ako, ‘yung parehong numero,” anito bago siya inabutan ng kwarenta pesos.

Sa isang taon na pagtatrabaho niya sa lotto outlet na iyon ay nakapalagayang loob niya na ang matanda. Ka-baranggay niya rin kasi ito kaya naman kakilala niya na ito dati pa.

Araw-araw ay walang mintis nitong tinatayaan ang parehong kombinasyon – 14, 12, 9, 18, 30, 13. Nakabisado niya na nga ang numero ng matanda.

“Sana ho ay ito na ang maswerte niyong araw!” nakangiting wika niya bago iniabot sa matanda ang tiket.

“Naku, sana nga, hijo! ‘Wag kang mag-alala, kapag tumama ang numerong inaalagaan ko, may balato ka sa akin,” masiglang sagot naman nito bago naglakad palayo.

Napailing na lamang ang binata. Naisip niya na sana ay dapuan siya ng swerte nang gumanda naman ang buhay niya.

Advertisement

Sa totoo lang ay gusto niyang makahanap ng trabaho na may mas malaking sweldo ngunit lagi siyang bigo.

Palibhasa ay elementarya lamang ang natapos niya kaya hirap siyang makakuha ng trabaho.

Kaya naman pilit niyang pinagkakasya ang kakarampot niyang kita sa pagtatao sa lotto outlet na iyon.

Kung minsan nga ay naiisip niya na tumaya rin sa lotto. Ngunit sa tuwing naalala niya na ang bente pesos ay makakabili na ng isang de-lata, nanghihinayang siya.

Mabilis na natapos ang araw na iyon.

Kinabukasan, nagtaka si Max dahil lampas alas singko ng hapon na ay wala pa rin si Mang Emil para tumaya.

Kadalasan ay tumataya na ito bago pa man mag-ala una.

“Siguro may ginagawa lang,” sa isip isip niya.

Advertisement

Inabala niya ang sarili sa pagsasagot ng crossword puzzle habang naghihintay ng customer.

Dahil walang customer, hindi niya namalayan na nakaidlip pala siya.

“Max, tayaan mo ang numero ko,” nakangiting wika ni Mang Emil habang nakangiti itong kumakaway palayo mula sa kaniya.

Nang marinig niya ang pagkatok ay napabalikwas siya.

Isang hindi kilalang lalaki ang nakasimangot na kumakatok sa kaniyang bintana.

“Boy, tataya ako sa lotto, natutulog ka naman! Kanina pa ako eh!” inis na sita nito.

Napakamot siya sa ulo.

“Pasensya na po boss, hindi na po mauulit,” sagot niya sa lalaki bago ito binigyan ng tiket at ballpen.

Advertisement

Nang makaalis ang lalaki ay agad niyang naalala ang kaniyang kakaibang panaginip.

Si Mang Emil. Nakangiti ito habang sinasabi na tayaan daw niya ang numero nito.

“Grabe, sa sobrang dalas tumaya ni Mang Emil, pati siya napanaginipan ko na!” natatawang bulong ng binata.

Hinintay niya ang pagdating ng matanda upang ikwento rito ang panaginip niya ngunit pasado alas otso na ay hindi pa rin ito dumarating.

Nag-aalala siya dahil alas nuwebe ay ilalabas ang mga numerong tumama.

“Ano ba ‘yan, paano ba ‘to? Paano kung tumama ang numero ni Mang Emil kaso hindi niya tinayaan? Nakakapanghinayang naman!” sa loob loob ng binata.

Hindi rin mawala sa isip niya ang kaniyang panaginip. Paano nga kung tumama ang numero?

Kaya naman kahit na malaki ang kwarenta pesos ay tinayaan niya ang numero ng matanda.

Advertisement

Sisingilin niya na lang siguro ito kinabukasan.

Nang sumapit ang alas nuwebe ay agad niyang binuksan ang TV upang tingnan ang mga tumamang numero.

Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita ang kombinasyon ng mga nanalong numero. 14, 12, 9, 18, 30, 13!

Iyon ang numero ni Mang Emil! Sa wakas ay lumabas na rin ang numero na tinayaan nito sa loob ng mahabang panahon!

Tumataginting na animnapung milyon ang jackpot!

Halos maghihiyaw siya habang nagtatatakbo papunta sa bahay ng matanda. Nais niyang ibahagi rito ang magandang balita.

Subalit nawala ang tuwa niya sa naabutan. Nakita niya kasi ang isang katawan na nakatakip ng telang puti ang inilalabas patungo sa ambulansiyang nakahinto sa tapat ng bahay ng matanda.

“Ano pong nangyari?” usisa niya sa isa sa mga kapitbahay na nakikiusyoso.

Advertisement

“Naku, si Mang Emil, inatake sa puso. Hindi na naagapan kasi wala naman siyang kasama sa bahay, ‘di ba?” naiiling na pagkukwento ng babae.

Labis ang naramdaman niyang lungkot sa ibinalita ng babae. Napalapit na rin kasi sa kaniya ang matanda.

Ngunit nang maalala niya ang dahilan kung bakit siya naroon ay napamulagat siya.

Wala na ang matanda. Wala naman itong mga kamag-anak dahil nag-iisa na ito.

Ibig sabihin ay sa kaniya na ang animnapung milyon!

Naalala niya ang kaniyang panaginip, na siyang nagtulak para tayaan niya ang numero ni Mang Emil.

Marahil ay iyon ang paraan ng matanda upang matulungan siya, kahit na nasa kabilang buhay na ito.

Dahil walang kamag-anak ang matanda ay siya ang nag-asikaso ng burol nito, gamit ang pera na napalunan niya mula sa lotto.

Advertisement

Habang minamasdan niya ang kabaong ng matanda na tinatabunan ng lupa ay isang mensahe ang ibinulong niya sa matanda.

“Maraming salamat, Mang Emil. Makakaasa ka na mapupunta sa mabuti ang pera na ibinigay mo sa akin. Sana ay maging masaya ka kung nasaan ka man.”