Tuwang-tuwa ang Dalaga nang Matapos ang Bahay na Ipinapagawa Niya; Ngunit Kasabay Noon ay ang Isang Nakagigimbal na Balita
Kay lapad ng ngiti ni Nory. Iyon kasi ang unang araw na sisimulan niyang ipagawa ang bahay na pinapangarap nila ng kaniyang ina simula pa noon.
“Excited na ako, anak! Ilang buwan kaya bago matapos?” usisa ng kaniyang ina habang minamasdan nila ang mga manggagawa.
“Apat na buwan daw, ‘Nay. Kaya sa susunod na apat na buwan, magtitipid tayo, kasi ang pera natin, nandito lahat,” pasimpleng paalala niya sa ina. May pagkamagastos kasi ito.
“Oo na, oo na!” nakangiting sagot nito.
Napailing na lamang si Nory. Kung minsan talaga ay kailangan ng ina niya ng patutsada!
Nang mga sumunod na araw ay naging maayos naman ang naging pagpapagawa nila ng bahay.
Hanggang sa nagsimulang dumaing-daing ang kaniyang ina.
“Anak, masakit ang ulo ko. Samahan mo naman akong magpa-check up,” isang araw ay ungot nito habang kumakain sila ng umagahan.
“Ano na naman ba ‘yan, ‘Nay? Noong nakaraan na sumakit ang ulo niyo, simpleng pahinga lang naman ang kailangan niyo. ‘Wag na muna tayo gumastos-gastos kasi ‘di ba, nagpapagawa nga tayo ng bahay?” pigil ang inis na turan niya sa ina.
Natahimik ito bago tumango.
“Ilang araw na kasi ito, anak. Nag-aalala lang ako na baka kung ano na,” katwiran nito.
“‘Nay, maayos naman daw kayo noong huli tayong nagpa-check up, hindi ba? Saka kung magpapa-check up tayo, liliban na naman ako sa trabaho. Bawas sweldo pa ‘yun,” aniya sa ina.
Napayuko ito, tila napahiya.
“Sige, itutulog ko na lang muna ito. Marahil dahil lang ito sa puyat,” anito bago ipinagpatuloy ang pagkain.
Tumango siya sa ina. Alaga naman ito sa masustansyang pagkain kaya alam niya na wala siyang dapat ipag-alala.
Ilang araw pa ang lumipas at unti-unti niya na nilang nakikita ang pagkabuo ng bahay na pinapangarap nilang mag-ina.
Sa sobrang abala niya sa trabaho ay hindi niya napansin ang madalas na pananamlay ng kaniyang ina.
Ngunit napansin niya ang unti-unting pagbagsak ng katawan nito.
“‘Ma, bakit parang pumapayat ka yata?” pag-uusisa niya isang araw habang abala ito sa paglalampaso ng sahig.
Sandali itong tumigil bago ngumiti sa kaniya.
“Naku, pakiramdam mo lang ‘yan, hija. Hindi naman ako pumayat!” natatawang tugon nito.
Mukha namang masigla ito kaya hindi niya na pinansin.
Ilang linggo pa ang lumipas at ilang araw na lamang ay tapos na ang pinapagawa nilang bahay. Pinapagawa na lamang ni Nory ang isa pang sorpresa niya para sa ina, na walang iba kundi ang isang magandang hardin.
Pinahanap niya talaga ang mga bulaklak na paborito ng nanay niya. Alam niya kasi na mahilig itong mag-alaga ng halaman. Naisip niyang ipagawa iyon para naman kahit papaano ay malibang-libang ang kaniyang ina kapag nasa trabaho siya at mag-isa ito sa bahay.
Isang araw, kasalukuyan siyang nasa kalagitnaan ng meeting nang isang hindi pamilyar na numero ang tumawag sa kaniya.
Hindi niya iyon sumagot dahil mahalaga ang pinag-uusapan nila.
“Hindi mo ba sasagutin ‘yan, Nory? Baka emergency,” puna ng katrabaho niya nang mapansin na hindi tumitigil ang numero sa pagtawag.
Umiling siya. “Hindi. Hindi ko nga kilala ang numero eh,” katwiran niya. Kapagkuwan ay in-off niya ang kaniyang cellphone.
Nang makauwi siya nang hapong iyon ay nakita niya sa labas ng bahay na nakatipon ang mga trabahador na gumawa ng bahay nila.
Napangiti siya nang malawak nang makita na buo na ang pinapangarap niyang bahay. Maging ang hardin ay napakaganda. Sa wakas, may magandang bahay na rin sila!
“Maraming salamat po sa magaling niyong paggawa sa bahay namin. ‘Wag ho kayong mag-alala, bibigyan ko kayo ng bonus,” natutuwang sabi niya sa mga ito.
Subalit imbes na tuwa ay lungkot ang nakita niya sa mukha ng mga ito.
“Naku, ‘wag na ho, alam naman po namin na kakailanganin niyo ng malaking pera,” malungkot na tanggi ng isang trabahador.
Napakunot noo siya. Ano bang sinasabi nito?
Ngunit bago pa siya makapag-usisa ay isa nang ambulansya ang huminto sa mismong harapan niya. Mula roon ay isang lalaking nakaputi ang bumaba. Sa palagay niya ay isa itong nurse.
“Pwede ho ba naming makausap ang mga kaanak ni Mrs. Estrelita Gomez?” tanong ng lalaki.
Hindi maipaliwanag na kaba ang bumundol sa dibdib ni Nory. Sino ito, at bakit kilala nito ang nanay niya?
“A-ako ho. A-anak ho ako ni E-estrelita,” prisinta niya.
“Ma’am, sumama ho kayo sa amin sa morgue para madala niyo na ho sa punerarya ang katawan ng nanay niyo.”
Tila panandalian siyang nabingi sa sinabi ng lalaki. Ano ba ang sinasabi nito?
“A-ano ho? Baka ho ibang Estrelita ang sinasabi niyo. B-buhay pa ho ang N-nanay ko!” nanginginig na tugon niya sa lalaki.
“Pasensya na ho kayo Ma’am at sa ganito niyo pa nalaman. Tinatawagan ho kasi kayo namin noong nag-aagaw buhay ang nanay niyo, pero hindi ho kayo sumasagot,” sagot ng lalaki.
Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Nory sa sinabi ng lalaki. Naalala niya kasi kung paano niya inignora ang tawag na mahalaga pala.
Habang papunta sa morgue ay walang patid ang pagtulo ng luha ni Nory. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap lang ay mawawala ang kaisa-isa niyang kasama sa buhay.
At tila pinukpok ang dibdib niya sa labis na sakit nang malaman niya ang kinamat*y ng kaniyang ina.
“Masyado hong mataas ang presyon niya. May pumutok na ugat sa ulo niya, kaya sinubukan siyang operahan ng mga doktor, ngunit hindi siya nakaligtas.”
Tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang simpleng pagdaing ng kaniyang ina. At kung paano niya ito sinabihan na ‘wag nang dumagdag pa sa gastusin.
Wala siyang ibang magawa kundi ang yakapin ang malamig na katawan ng kaniyang ina habang naghihinagpis.
Sa pilit niyang pagtupad ng pangarap nilang mag-ina ay tila nakalimutan niya kung para kanino ang pangarap na iyon.
Ngayon ay may bahay na nga siya, ngunit wala na ang nais niyang kasama sa pagtira roon. Sayang at nabulag siya ng mga materyal na bagay at hindi niya nakita kung ano ang tunay na mahalaga. Ang kaniyang pinakamamahal na ina.