Linggo-linggo Niyang Binibisita ang Puntod ng Namayapang Ama; Isang Espesyal na Tao ang Makikilala Niya Dahil Dito

Matapos ilapag ang bulaklak sa ibabaw ng lapida ay nagsindi si Ashley ng kandila. Isang maikling panalangin ang iniusal niya para sa kaluluwa ng amang namayapa, bago siya sumalampak ng upo sa damuhan na nilatagan niya ng dala niyang kumot.

Tumingin siya sa asul na asul na langit bago nagsalita.

“Papa, kumusta ka na riyan sa langit? Masaya ka ba riyan kahit wala kami ni Mama? Ginagabayan mo ba kami gaya ng pangako mo?” sunod-sunod na tanong niya, na para bang maririnig nito.

Napangiti siya nang humangin nang malakas at marahan iyong dumampi sa pisngi niya. Pakiramdam niya ay presensya iyon ng kaniyang ama.

Eksaktong limang taon na ang nakalilipas simula noong pumanaw ang kaniyang ama. Ilang taon din itong nakipaglaban sa malubha nitong sakit.

Katakot-takot na luha man ang ibinuhos nilang mag-ina noong mawala ito ay alam niyang lumaban ang ama niya hanggang sa huli. Sadyang hanggang doon na lang talaga ang buhay nito.

“Papa, wala pa rin akong boyfriend. Lalampas na sa kalendaryo ang edad ko,” maya-maya ay muling pagkukwento niya sa ama.

“Hindi kaya hinaharangan mo ang mga gustong lumapit sa’kin?” natatawa niyang biro sa ama.

Advertisement

Muli ay humangin nang malakas, dahilan para matawa siya. Hindi niya tuloy maiwasang maalala ang madalas nitong sabihin noon. 

“Hindi ka makakapag-asawa ng lalaki na hindi ko aprubado!”

Kung minsan talaga, pakiramdam niya ay kasama niya pa rin ang kaniyang Papa.

Ilang sandali pa siyang nanatili sa sementeryo bago siyang naghanda sa pag-alis. Tumayo siya sa tapat ng lapida ng kaniyang Papa. Magpapaalam na sana siya nang tapunan niya ng tingin ang lapida na katabi ng sa ama niya.

Sa lahat ng lapida doon ay iyon ang pinakamarumi. Nagtataasang mga talahib ang nakapalibot dito. Halatang walang bumibisita sa nakalibing doon sa loob ng matagal na panahon.

Hindi iyon kagaya ng lapida ng Papa niya, na malinis na malinis, halos mapuno ng bulaklak. Lingo-linggo kasi niyang dinadalaw ang ama.

Kaya naman nang sumunod na linggo, nang muli siyang bumisita ay nagdala siya ng pantabas ng damo at panglinis. Imbes na isa, dalawang kandila at dalawang palumpon ng rosas ang dinala niya. Inabot din siya ng halos tatlong oras sa paggapas ng nagtataasang mga damo. Kinuskos niya ang putik na nakakapit sa lapida hanggang sa makita niya ang pangalan ng nagmamay-ari noong. Isang lalaking nagngangalang Victor Crisostomo Sr.

Hindi niya maiwasang mapangiti. Kapangalan pa ito ng Papa niya! Halos kaedaran din ito ng Papa niya, bagay na ikinagaan ng kaniyang kalooban.

Advertisement

Matapos ang mahaba-habang paglilinis ay nagtirik siya ng kandila sa lapida na katabi ng sa kaniyang ama. Ipinatong niya rin doon ang sariwang bulaklak.

“Nasaan na po kaya ang pamilya niyo, Mang Victor?” mahinang tanong niya. Hindi niya kasi maiwasang mag-isip kung bakit tila nalimutan na ito ng sarili nitong pamilya.

Magmula noon, dahil naawa siya sa lalaking kapangalan ng kaniyang ama, sa t’wing binibisita niya ang kaniyang ama sa sementeryo ay nagdadala na rin siya ng kandila at bulaklak para sa katabing lapida.

Sa loob ng ilang buwan ay iyon ang ginawa niya. Hanggang sa isang araw, sa kaniyang pagbisita ay isang hindi pamilyar na lalaki ang naabutan niya roon.

Kasalukuyan itong nagtitirik ng kandila sa lapida ni Mang Victor. Nang maramdaman ng lalaki ang presensya niya ay nakita niya ang simpleng pagpapahid nito ng luha.

Nangangati man ang dila niya na malaman kung sino ang lalaki ay hindi siya nagtanong. Maya-maya ay nagulat siya nang lumapit sa kaniya ang lalaki.

“Miss, ikaw ba ang nag-asikaso sa lapida ng tatay ko? Pareho kasi ‘yung bulaklak,” nag-aalangang tanong nito, tila hindi sigurado.

Nahihiyang tumango siya. Baka kasi masamain nito ang ginawa niya!

Advertisement

“Tatay mo pala si Mang Victor. ‘Wag mo sanang masamain, ha. Naawa kasi ako dahil sa lahat ng lapida na narito, ‘yung sa tatay mo ang pinaka-napabayaan na. Kapangalan pa naman siya ng Papa ko. Kaya naisip ko na linisan at dalhan din siya ng bulaklak. Para naman malaman niya na may nakakaalala pa rin sa kaniya kahit na wala na siya,” mahabang paliwanag niya.

Muling napaluha ang lalaki ngunit may ngiti na sa labi nito.

“Salamat, salamat. Salamat sa pag-alala mo sa Papa ko. Kung hindi mo siguro nilinis ang lapida niya, baka hindi ko na nakita pa ang pinaghihimlayan niya. Kaya salamat,” taos pusong pasasalamat nito.

Isang matamis na ngiti ang isinukli niya sa lalaki.

“Walang anuman. Masaya ako na nahanap mo na ang tatay mo,” aniya.

Sa pagkukwentuhan nila ng lalaki ay nalaman niya na “Victor” din pala ang pangalan nito. Victor Crisostomo Jr. Naghiwalay raw ang mga magulang nito at sapilitan itong isinama ng nanay nito. Hindi na nito nakita pang muli ang ama nito.

Sa sobrang aliw nila sa pagkukwentuhan ay hindi na namalayan pa ni Ashley ang oras. Nagulat na lang siya nang mapatingin siya sa relong pambisig.

“Naku, alas sais na pala! Uwi na tayo, medyo malamok na rin kasi,” natatawang yaya niya sa bagong kaibigan.

Advertisement

“Oh, paano? Mauna na ako, ha?” nakangiting paalam niya sa lalaki.

Pasakay na siya sa kaniyang sasakyan nang tawagin ni Victor ang pangalan niya.

“Ashley! Pwede ko bang kunin ang number mo?” tila nahihiyang tanong nito.

Iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nila ni Victor na nang kalaunan ay nauwi sa matamis na pag-iibigan.

Sa araw na kasal nila ay kasama niyang naglakad patungo sa altar ang kaniyang ina. Napaluha siya sa ibinulong nito.

“Sayang at wala na ang Papa mo. Pero alam ko na masayang-masaya siya sa para sa’yo, anak.”

“‘Ma, naalala mo ‘yung sinabi ni Papa noon? Sa tingin mo aprubado niya kaya si Victor?” tanong niya sa ina.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito.

Advertisement

“Naku, malamang! Tingnan mo nga, dahil ba kanino kaya kayo nagkakilala? Hindi ba’t dahil sa Papa mo?” 

Napangiti na rin si Ashley sa sinabi ng ina. Totoo naman iyon. Ang Papa niya pa rin ang naging dahilan kaya niya nakilala ang lalaking papakasalan.

“Hanggang sa huli, hindi talaga papayag si Papa na madehado ako, eh!” natatawang bulong niya sa ina.

Masayang-masaya si Ashley. Ang pagkakakilala kasi nila ni Victor ang patunay na kahit wala na ang kaniyang ama ay patuloy pa rin siyang ginagabayan nito mula sa langit.