Inday TrendingInday Trending
Hindi Makapaniwala ang Guro nang Mapansing May Isa Siyang Estudyanteng Marami Pang ‘Di Nararanasang Gawin at Puntahan; Isang Nakakahabag Damdaming Kwento ang Ibabahagi Nito

Hindi Makapaniwala ang Guro nang Mapansing May Isa Siyang Estudyanteng Marami Pang ‘Di Nararanasang Gawin at Puntahan; Isang Nakakahabag Damdaming Kwento ang Ibabahagi Nito

“Okay class, ngayon ay hindi magtuturo nang madugong leksyon si teacher,” kausap ni Teacher Che sa mga estudyante.

“Yehey!” masaya at sabay-sabay na wika ng mga ito.

“Ang gusto ni teacher ngayon ay malaman ang mga naranasan niyo nang gawin kasama ang mga magulang ninyo. Okay ba iyon?” magiliw niyang wika.

“Okay, teacher,” masayang tugon ng mga estudyente.

Si Che ay isang grade 4 teacher at kaya ayaw na muna niyang magbigay ng leksyon sa mga mag-aaral ay nais na muna niyang makilala ang mga ito. Kabubukas pa lamang nang klase tatlong araw na ang nakakalipas, kaya mas minabuti niyang kilalanin ang mga mag-aaral sa gano’ng paraan.

“Okay. Sino sa inyo ang nakaranas nang mamasyal sa mall kasama ang pamilya?” panimula niyang tanong.

Halos lahat nang mag-aaral ay nagsitaasan nang kamay, maliban sa isang estudyante. Mga magpapamilya pa ba sa panahong ito ang hindi nakakapasok sa mall? May pera o wala ay pwede kang makapasok sa mall, kaya napaka-imposible namang hindi pa nakapasok sa mall ang batang ito.

“Okay, sino naman dito ang nakaranas nang sumakay na ng carousell?” aniya waka ipinaliwanag kung ano ang itsura ng sinabi niya.

Mangilan-ngilan ang nagtaas nang kamay sa tanong niya, napansin niyang muling hindi nagtaas nang kamay ang estudyanteng nasa sulok.

“Ito! Sino naman sa inyo ang nakakain na sa kainang palaging kinakain nang mga batang kagaya niyo na may masarap na chicken joy?” aniya saka pinangalanan ang natirang kainan.

Ngalingaling nagtaas nang kamay ang lahat, maliban muli sa estudyanteng kanina pa hindi nagtataas nang kamay. Hindi na nakatiis si Che, tinawag niya ang pangalan nang estudyanteng kanina pa tahimik sa sulok at pinatayo upang tanungin.

“Althea, hindi ka pa ba nakakain nang masarap na chicken joy?”

Marahang tumango si Althea saka nahihiyang yumuko. “Wala po kasing sapat na pera ang lolo’t lola ko, Teacher Che, para dalhin nila ako sa mall, saka wala rin silang pambayad ng ticket upang mapasakay ako sa carousell at mas lalong hindi nila kayang bumili nang mamahaling pagkain, gaya nang chicken joy sa sikat na kainang iyon. Kaya pasensya na po, teacher, kung hindi ako nagtataas ng kamay,” anito.

Nakaramdam nang pagkahabag si Che sa batang si Althea. “Nasaan ang mga magulang mo?”

“Ang sabi po ng lolo’t lola ko ay bata pa lang ako no’ng iniwan ako ni mama sa kanila upang magtrabaho sa Maynila, para may maipadala siyang pera para sa’kin. ‘Yong papa ko naman po ay hindi ko alam, walang nakukwento sila lolo’t lola tungkol sa kaniya,” paliwanag ni Althea.

Mas lalong naawa si Che sa batang si Althea. Nilapitan niya ito saka niyakap. Hindi man niya naranasan kung ano ang naranasan nito’y alam niyang mahirap ang pinagdadaanan ng bata.

“Hindi mo kailangang humingi ng pasensya sa’kin, Althea. Alam mo, bilib nga ako sa’yo kasi napaka-honest mo. Hindi ka nagkunwari at nagsinungaling, kaya ipinagmamalaki kita. Okay lang iyan, Althea, hindi naman payabangan ang mundo. Darating ang araw mararanasan mo rin ang mga hindi mo naranasan ngayon, basta magsumikap ka lang. Kaya okay lang kahit hindi mo pa nararasan ang mga naranasan na nang mga kaklase mo. Ayos lang iyon,” aniya saka muling niyakap ang batang si Althea.

Kinahapunan nang uwian na ay hindi niya muna pinauwi si Althea. Nagtataka man ang bata ay wala itong magawa kung ‘di ang sumabay sa kaniya.

“Saan tayo pupunta, teacher?” takang tanong ni Althea.

“Pupunta tayong mall, Althea. Ipapasok kita sa mall at sasakay tayo ng carousell tapos kakain tayo ng chicken joy, okay ba iyon?” magiliw niyang kausap kay Althea.

Nakita niya kung paanong maluha-luhang tumitig sa kaniya si Althea, saka matamis na ngumiti at yumakap sa kaniya nang mahigpit.

“Maraming salamat po, Teacher Che, ang bait-bait niyo po talaga,” anito.

Sapat upang sumaya ang puso ni Che. Gaya nang ipinangako niya’y inikot niya si Althea sa buong mall, ipinakita niya kung ano ang itsura ng mall at binilhan niya na rin ito nang isang pares ng damit. Pagkatapos nilang mag-ikot ay pinasakay niya sa carousell si Althea. Walang pagsidlan sa saya ang mukha ni Althea habang sakay sa kabayong paulit-ulit lamang na umiikot.

Pagkatapos nila sa carousell ay pumasok sila sa sikat na kainan at umorder ng the best nilang chicken joy. Sarap na sarap si Althea at panay ang pasasalamat sa kaniya. Kung tutuusin ay maliit na pabor lamang ang ibinigay niya sa batang si Althea, pero sa nakikita niyang saya at ngiti sa mukha ng bata ay sapat na upang sumaya rin si Che.

Walang perang makakabili sa ngiti at saya na nakikita ngayon ni Che sa mukha ni Althea. Alam niyang makakalimutan rin ni Althea ang araw na ito, ngunit para kay Che ay habambuhay niya iyong babaunin sa kaniyang alaala, na minsan may isang bata siyang napasaya sa simpleng pagpaparanas nito sa mga bagay na hindi pa nito nararanasan.

Advertisement