Inday TrendingInday Trending
Binigyan Niya ng Marangal na Libing ang Tiyuhin na Inabandona na ng Pamilya Nito;  May Iniwan Pala Ito Para sa Kaniya

Binigyan Niya ng Marangal na Libing ang Tiyuhin na Inabandona na ng Pamilya Nito; May Iniwan Pala Ito Para sa Kaniya

Umagang-umaga ay malalakas na katok ang gumising kay Irene.

Nang buksan niya ang pinto ay isang pamilyar na babae ang nabungaran niya. Wala siyang ideya na muli pa silang magkikita nito matapos siya nitong ipagtabuyan na parang aso noon. Nakasimangot ito.

“Ate Myra,” nabiglang bulalas niya.

Pinsan niya si Myra. Nakikitira siya sa bahay nito noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Mabigat ang dugo nito sa kaniya. Maging ang ina nito. Ang tanging kasundo lamang niya noon ay ang ama nito na si Tito Emerson. Kaya naman nang umalis ang tiyuhin niya sa bahay ng mga ito ay walang nagtanggol sa kaniya nang ipagtabuyan siya ng mag-ina.

“Ilang taon na, hindi ka pa rin nakakaalis sa maliit na bahay na ‘to? Wala ka na talagang pag-asa!” mapang-uyam na bungad ng babae.

Hindi niya pinansin ang patutsada nito. Ayaw niya kasi na mag-away na naman sila gayong ilang taon silang hindi nagkikita.

“Ate, bakit ka nagpunta rito? May kailangan ka ba?” usisa niya sa malditang pinsan.

“Pat*y na si Papa,” pagbabalita nito.

Ilang sandali siyang natulala bago nag-unahan mula sa pagtulo ang mga butil ng luha sa kaniyang mga mata.

Kahit kasi matagal na niyang hindi nakikita ang kaniyang Tito Emerson ay hinding-hindi niya pa rin nakakalimutan ang pagiging mabait nito sa kaniya.

Madalas siya nitong bigyan ng baon, kahit na patago. Ito rin ang kaisa-isang tao na nagbibigay sa kaniyang ng regalo tuwing araw ng Pasko, o tuwing kaarawan niya. At higit sa lahat, ito ang madalas humingi sa kaniya ng pasensya sa tuwing minamaltr*to siya ng kaniyang tiyahin at pinsan.

Naalala niya pa ang huling sinabi nito bago sila nito iniwan. “Pasensya ka na, Irene. Hiyang-hiya ako sa’yo. Nangako ako kay Kuya na aalagaan kita, pero hindi ko naman mapigilan ang asawa ko sa pang-aaway sa’yo dahil hindi naman nakikinig ‘yun sa akin. ‘Wag kang mag-alala, balang-araw ay babawi ako sa’yo.”

Natigil siya sa pagbabalik-tanaw nang marinig niya ang malakas na boses ng pinsan niya.

“Hoy! Anong iniiyak-iyak mo riyan? Tatay mo ba ‘yung nawala? Wala namang kwenta ‘yun, tingnan mo nga at hindi na kami binalikan ni Mama!” bulyaw nito.

Tila nagpanting ang tainga nila mula sa narinig dito. “Umalis si Tito dahil hindi niyo siya itinuturing na padre de pamilya! Hindi niyo siya nirerespeto!” galit na pagdedepensa niya sa tiyuhin.

Umirap lamang ito bago siya inabutan ng kapirasong papel.

“‘Yan ang address ng ospital kung nasaan ang katawan ni Papa. Kung gusto mo siyang ipalibing, bahala ka. Pwede mo rin naman siyang hayaan na lang doon, wala rin naman kaming pakialam!” tila balewalang sabi nito, bago ito umalis.

Naiwan siya na nagpupuyos ang kalooban. Ang kapal talaga ng mukha ng pinsan niya! Samantalang kitang-kita niya noon kung paano ito minahal ng kaniyang Tito Emerson!

Agad siyang namroblema nang mapatingin sa papel na inabot ng kaniyang pinsan. Gustong-gusto niya na mabigyan ng marangal na libing ang kaniyang tiyuhin ngunit hindi niya alam kung paano gagawin iyon. Mababa lang naman kasi ang sweldo niya at kakarampot lang ang ipon niya.

Pero hindi niya rin naman maatim na pabayaan na lamang kung saan ang labi nito. Napakabait nito sa kaniya, at hindi tama na pagdamutan niya ito.

“Hintayin mo ako, Tito. Gagawa ako ng paraan,” determinadong bulong niya.

Una siyang humingi ng tulong sa asawa’t anak nito. Subalit matigas ang pagtanggi ng dalawa. Kinalimutan na raw nila ang matanda at wala silang pakialam dito.

Nagsimula siyang humingi ng tulong sa mga kakilala ng tiyuhin niya. Marami ang nalungkot sa balita kaya naman marami-rami rin ang tumulong at nagbigay ng abuloy.

Subalit hindi pa rin sapat ang pera na nakuha niya mula sa mga ito. Kaya naman pikit-mata siyang nangutang kung kani-kanino para lamang maipalibing ang pinakamamahal niyang tiyuhin.

Napaluha na lamang siya nang makita ang mukha ng kaniyang Tito Emerson. Napakalaki ng itinanda nito at bakas sa mukha nito ang mga paghihirap na pinagdaanan.

“Miss na miss na kita, Tito Emerson. Sayang at maaga kang kinuha sa amin. Ikumusta mo na lang ako kay Papa, kapag nagkita na kayo,” lumuluhang saad niya habang nakadungaw sa kabaong ng yumao.

Tatlong araw niyang ipinaburol ang kaniyang tiyuhin para naman masilayan ito ng mga dati nitong kaibigan at kakilala sa huling pagkakataon.

Matapos ang tatlong araw ay ipinalibing niya rin ito. Habang minamasdan ang ataul nito na unti-unting natatabunan ng lupa ay hindi maampat ang luha ni Irene. Hinayang na hinayang kasi siya dahil hindi na siya nagkaroon ng tiyansa na mapasalamatan ang tiyuhin sa mga kabutihang nagawa nito sa kaniya.

“Sana ay nakabawi ako sa’yo kahit papaano, Tito. Magpahinga na po kayo. ‘Wag niyo na po akong alalahanin, dahil kayang-kaya ko na ang sarili ko,” malungkot na bulong niya, umaasa na maririnig nito ang kaniyang munting mensahe.

Pauwi na si Irene mula sa sementeryo nang isang babae ang lumapit sa kaniya.

“Kayo ho si Ma’am Irene Teñido, hindi ba? Pamangkin ni Ernesto Teñido?”

Nang tumango siya ay niyaya siya ng babae na magkape. At doon ay may sinabi itong ni sa hinagap ay hindi niya akalaing mangyayari.

“Ako ho si Leah, insurance agent ni Sir Ernesto. Dahil ho p*tay na siya, lahat ng ipon niya mula sa insurance ay iiwan niya sa inyo.”

Nanlaki ang mata niya sa narinig. “Sigurado ho ba kayo? May asawa at anak si Tito, bakit naman sa akin niya iiwan ‘yan? Malamang matagal niya ring hinulugan ‘yan,” nag-aalinlangan tugon niya sa babae.

“Ang sabi niya sa akin noon ay pangako niya raw ito sa’yo. Babawi raw siya sa’yo. Nais niya na matulungan ka, dahil alam niya na hirap ka rin sa buhay,” paliwanag nito.

Hindi niya mapigilang mapaiyak. Hanggang sa huli pala ay hindi siya nakalimutan ng kaniyang Tito.

“Naku, maraming salamat naman. Kailangan ko nga ho ng pera kasi pinangutang ko lang ang lahat ng ginastos ko sa libing ni Tito. Kahit maliit na halaga ay malaking tulong!”

Ngumiti ang babae. “Naku, hindi ho ito maliit na halaga! Heto,” anito bago inilipag ang tseke sa harap niya.

Nang makita niya ang halaga ay napatayo siya sa sobrang gulat.

“Limang milyong piso? Iniwan ni Tito lahat ‘yan para sa akin?” namimilog ang matang bulalas niya.

“Opo, Ma’am. Sa inyo na po ‘yan. Ngayon din po ay pwede na kayong pumunta sa bangko para kunin ang pera,” nakangiting sagot nito.

Sa tulong ng perang iniwan ng kaniyang tiyuhin ay nabayaran niya ang lahat ng utang niya. Sa wakas ay iniwan niya na rin ang kaniyang barong-barong at ngayon ay naninirahan na siya sa isang disenteng bahay.

Sinubukan ng kaniyang pinsan at tiyahin na kunin ang pera na iniwan ng kaniyang tiyuhin subalit naging matigas ang pagtanggi niya.

“Wala kayong karapatan sa pera ni Tito. Iniwan at pinabayaan niyo siya na parang isang hayop!” galit na sigaw niya sa mag-ina, na wala namang ibang magawa kundi manghinayang.

Nakapagpatayo siya ng isang munting negosyo na kasalukuyan niyang pinagkukunan ng pagkakakitaan.

Araw-araw ay isang dasal ang inuusal niya para sa kaniyang butihing tiyuhin. Puno ng pasasalamat para rito ang puso niya dahil tinupad nito ang pangako nito sa kaniyang ama. Hindi nga siya nito pinabayaan!

Advertisement