Pinagplanuhan ng Dalaga at ng Kaniyang Nobyo na Tapusin ang Buhay ng Amang Tutol sa Kanila, Magtagumpay Kaya Sila?
“Sigurado ka na bang payag ka sa naisip kong paraan para malaya na tayong makapagmahalan?” tanong ni Jude sa kaniyang kasintahan, isang tanghali habang sila’y sabay na nananghalian sa kaniyang sariling silid.
“Oo, naman, Jude! Ngayon lang ako nagkaroon ng nobyo, pagbabawalan niya pa ako. Buong buhay ko, inilaan ko sa pagpapalago ng negosyo namin, tapos ngayong nasa tamang edad na ako, hindi niya pa rin ako hahayaan sa gusto ko? Hindi na tama ‘yon!” reklamo ni Cynthia habang padabog na kumakain.
“Mabuti kung gano’n! Gustong-gusto ko nang ipagmalaki sa buong mundo na ikaw ang tinitibok ng puso ko!” nasasabik na tugon ng kaniyang nobyo dahilan para mapalitan ng ngiti at kilig ang kaniyang pagkainis.
“Ako rin, sobrang nasasabik na akong ipakalandakan ka sa lahat! Kaya, bukas na bukas, isasakatuparan na atin ang plano natin!” sagot niya saka mariing na niyakap ang binata.
“Iyan ang gusto ko sa’yo, eh, mayroon kang isang salita!” wika pa nito saka siya kinurot-kurot sa pisngi.
“Ako pa ba? Kahit ano o kahit sino, kaya kong isuko para sa’yo!” nakangiti niya pang wika saka ito hinalikan.
“Salamat, mahal ko!” sagot pa nito saka siya muling niyakap na mahigpit.
Nais gawin ng dalagang si Cynthia ang kagustuhan ng nobyo niyang tapusin ang buhay ng ama niyang tutol sa kanilang pagmamahalan. Mabilis siyang nakumbinsi ng binatang ito dahil sobra niya itong mahal at talaga nga namang gustong-gusto na niyang makawala mula sa pangongontrol ng kaniyang ama.
Mula kasi nang tumuntong siya sa legal na edad, agad na siya nitong binigyan ng posisyon sa kanilang negosyo at hanggang ngayong siya’y tatlongpung taong gulang na, siya pa rin ang nagpapalago nito dahilan para kahit isa nobyo, hindi pa siya nagkakaroon dahil sa pagkasubsob niya sa trabaho.
Kaya naman, ngayong nakakilala siya ng isang binatang ramdam na ramdam niyang mahal siya, handa siyang isuko ang lahat, pati na ang buhay ng kaniyang ama para lamang malaya silang makapagmahalan.
Nang araw na iyon, pagkatapos nilang mananghalian ng binata, agad na silang umalis upang bumili ng mga gagamitin nila sa pagtapos sa buhay ng kaniyang ama.
Bumili sila ng lasong ihahalo niya sa pagkain nito at ilang patalim na gagamitin nilang dalawa kapag hindi ito agad nalason.
“Siguradong tapos siya rito, mahal!” patawa-tawang sambit pa nito dahilan para siya’y mapangisi.
Agad na silang bumalik sa bahay ng binata pagkatapos noon. Tinawagan niya kaagad ang ama niya pagkauwi nila upang masigurado niyang pagpunta niya kinabukasan sa bahay nito, naroon ito at walang kasamang body guard. Nang makumpirma na niya, agad siyang lumabas sa silid ng nobyo upang ibalita ritong sigurado maisasakatuparan na nila ang plano nila.
Kaya lang, bago pa niya makausap ang binata, siya’y napatigil dahil narinig niyang kausap nito ang nanay nito at ito ay tila galit na galit.
“Hindi ba’t sabi ko sa’yo, dalian mo ang pagtapos sa buhay ng negosiyanteng iyon? Bakit ipagpapabukas mo pa, ha? Gusto mo bang tanggalan kita ng pwesto sa kumpanya natin? Pinapairal mo na naman ang pagkamundo mo sa babaeng ‘yan kaya hindi mo agad maisakatuparan ang plano, eh!” sambit nito habang dinuduro-duro ang kaniyang nobyo.
“Mommy naman! Baka marinig ka ni Cynthia! Mapupurnada pa ang plano, eh! Hayaan mo akong dumiskarte!” sagot ng binata habang iiling-iling.
“Kapag ikaw, pumalpak d’yan, malalagot ka talaga sa akin!” babala nito saka agad na lumayas sa bahay na iyon.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, agad siyang tumakbo papasok muli sa silid ng binata. Nanginginig man siya sa narinig na katotohanan, pinakita niyang ayos lamang siya.
Pagkadating ng binata sa silid, agad siyang humiling dito na umuwi muna upang makausap ang ama. Agad naman itong pumayag nang sabihin niyang, “Sisiguraduhin kong pauuwiin ko nang maaga ang mga body guard niya.”
Pagkalabas niya sa bahay na iyon, agad na nanghina ang tuhod niya. Labis na pangongonsenya ang naramdaman niya dahil pinagplanuhan niya ang buhay ng taong nagpalaki at nagpoprotekta sa kaniya.
“Ngayon naiintindihan ko na kung bakit mahigpit si papa sa akin,” mangiyakngiyak niyang sambit habang nagmamaneho pauwi.
Pagkauwi niya, agad niyang pinagtapat sa ama ang ginawa niya. Ngunit imbis na magalit, agad siya nitong inutusan na linlangin ang binata at huhulihin nila ito sa akto kasama ang mga pulis.
“Maging aral na ito sa’yo, ha? Hindi lahat ng tao, may mabuting intensyon sa atin. Lalo na ngayong lumalago ang negosyo natin,” pangaral nito sa kaniya saka siya mariing na niyakap.
Ginawa niya nga ang sinabi ng ama at doon na nga nahuli ng mga pulis ang binatang minahal niya. Nagmakaawa man ito, hindi na niya ito muling kinausap. Wika niya, “Isa akong napakalaking t@nga dahil pinalason ko ang utak ko sa’yo!”
Simula noon, hindi na siya muling sumubok na magtiwala ulit kaagad. Mas binigyang prayoridad niya ngayon ang ama niyang gustong-gusto niyang bawian sa pagkakamali niya.