Inday TrendingInday Trending
Palaging Namamahiya ng Waiter ang Dalagang Ito, Nakahanap Siya ng Katapat na Palabang Waiter

Palaging Namamahiya ng Waiter ang Dalagang Ito, Nakahanap Siya ng Katapat na Palabang Waiter

“Ipatawag mo nga ‘yong waiter na nagbigay nitong order natin,” utos ni Shey sa kaniyang kapatid, isang tanghali matapos nilang matanggap ang order nilang pagkain sa restawran.

“Bakit, ate? May kulang ba sa order natin? May nakita ka bang dumi sa pagkain mo?” sunod-sunod na tanong nito dahilan para siya’y mapairap.

“Basta! Gusto ko siyang turuan ng leksyon,” tipid niyang sagot habang binibilang ang pera niyang kakakuha lang sa bangko.

“Naku, ate, ito na naman tayo. Gagawa ka na naman ng eksena para mapahiya ang isang waiter!” sambit pa nito na ikinainis niya.

“Anong masama roon? Mali ang ginagawa nila kaya kailangang bigyan ng leksyon! Sino bang matutuwa na walang yelo ang inumin nilang juice, ha? Simpleng yelo, hindi mailagay sa baso?” inis niyang tanong habang lilinga-linga upang makita ang waiter na iyon.

“O, pupwede naman tayong humingi ng yelo, eh. Huwag ka nang gumawa ng eksena, ate, parang-awa mo na,” payo ng kapatid niya.

“Hindi ako papayag! Nagbayad ako rito kaya kailangang pagsilbihan nila ako nang tama. Kung ayaw mong tawagin ang waiter na iyon, ako ang tatawag!” sigaw niya rito saka agad na kinuha ang atensyon ng mga waiter na nasa kabilang banda ng restawran, “Excuse me! Nasaan na ‘yong waiter na nagbigay ng order namin?” sigaw niya dahilan mapailing na lang ang kaniyang kapatid.

Kahit na dating waiter ang dalagang si Shey, palaging siyang nagpapahiya ng mga waiter simula nang umasenso ang buhay niya. Ayaw na ayaw niyang may mali sa kaniyang in-order na pagkain. Kahit makalimutan lang ng waiter na bigyan siya ng tissue o kahit kutsara at tinidor, katakot-takot na sermon ang gagawin niya rito.

May pagkakataon pa ngang binuhusan niya ng inumin ang isang waiter nang sumagot ito sa inirereklamo niya. Ito ang dahilan para ganoon na lang mahiya ang kapatid niyang lagi niyang kasama sa pagkain sa mga restawran.

Laging paalala nito sa kaniya, “Dati ka ring waiter, ate, maging mabait ka sa kanila,” at lagi naman siyang sagot, “Dating waiter nga ako kaya alam kong kapalpakan ang ginagawa nila!”

Nang araw na ‘yon, agad-agad na tumakbo sa kanilang lamesa ang waiter na hinahanap niya. Agad niyang iniabot dito ang inumin niyang walang yelo.

“A-ano pong problema sa inumin niyo, ma’am?” nakangiting tanong nito.

“T*nga ka ba talaga? Hindi mo ba nakikitang walang yelo ‘tong binigay mong inumin sa akin?” masungit niyang wika rito.

“Ay, pasensya na po, ma’am, lalagyan ko na lang po ng yelo,” sagot nito saka agad na nagpaalam sa kaniyang umalis.

“Ganoon lang kadali ‘yon? Hindi ka ba dumalo sa mga training ng waiter dito? Bakit parang hindi mo alam ang gagawin mo? O sadyang mahina lang ang utak mo?” taas kilay niyang tanong dito dahilan upang umiba ang timpla ng mukha nito.

“Sobra naman po yata ‘yong sinabi niyo, ma’am,” mahinanong sambit nito.

“Anong sobra? Nagbayad ako rito, kaya may karapatan akong magreklamo!” sigaw niya pa rito.

“Nangmamaliit po kayo ng mga waiter, hindi kayo nagrereklamo. Paalala ko lang po sa inyo, ha, pagkain lang ang binayad niyo, hindi ang pagkatao ng waiter,” pangangatwiran nito na ikinainis niya lalo.

“Ah, sumasagot ka pa?” sambit niya saka agad na hinablot ang hawak nitong juice at binuhos dito kaya agad siyang inawat ng kaniyang kapatid.

“Sumosobra ka na, ha! Mayaman ka nga, wala ka namang modo!” bulyaw nito sa kaniya na ikinagulat niya.

“Sir, tama na po! Sabi na po sa inyo, huwag na kayong magpanggap na waiter, eh, mahirap po talaga ang trabahong ito,” awat ng isa pang waiter na lalo niyang ikinagulat.

“Palayasin niyo ‘yan bago ko ‘yan sampahan ng kaso!” sigaw pa nito dahilan para siya’y pagbulungan na ng ibang mga nakain doon.

Doon niya nalamang ang waiter na iyon pala ay ang may-ari ng restawrang iyon na sumusubok lang maging isang waiter sa isang araw dahilan para siya’y mapailing sa kahihiyan. Lalo pa siyang napahiya nang siya’y sapilitang palabasin ng mga guwardiya roon.

“Hindi na po tama ang ginagawa niyo, ma’am, pasensya na po,” sambit ng guwardiya sa kaniya.

Hihinga-hinga siyang lumabas habang iniiwasan ang tingin ng mga taong kumakain doon.

“Nakakahiya! Kung minamalas ka nga naman!” sigaw niya.

“Aral lang sa’yo ‘yan, ate, hindi mo talaga dapat pinapahiya ang mga waiter,” sambit ng kapatid niya na ikinabuntong-hininga niya.

Simula noon, sinimulan niyang magpakabait sa mga waiter sa ganoong paraan, napagsisilbihan na siya nang tama, nakakaiwas pa siya sa gulo na ikinatuwa ng kapatid niya.

Advertisement