Nagsisiga-sigaan sa Tinitirhang Bahay ang Dalagang Ito, Katakot-takot na Panunumbat Tuloy ang Natanggap Niya
“Jaira, saan mo nilagay ‘yong pinalaba ko sa iyong puting panlamig? Kanina ko pa hinahanap, eh, hindi mo makita. Baka naliligaw na sa damitan mo,” sabi ni Abbi sa kaniyang stepsister, isang umaga bago siya umalis ng bahay.
“Wala ba sa sampayan? Hindi ko pa yata ‘yon nasisilong,” tipid na sagot nito habang nagluluto ng almusal na kaniyang agad na ikinainis.
“Ano? Hindi mo pa nasisilong? Hindi ba’t noong makalawa ka pa naglaba? Umulan pa kahapon! Huwag mong sabihing naulanan ‘yon?” sigaw niya rito.
“Aba, malay ko bang hindi mo iimisin ‘yong mga damit mong pinasabay mo sa akin,” inis na ring tugon nito na lalo niyang ikinainis.
“Kasalanan ko pang hindi mo naisilong? Manang-mana ka talaga sa nanay mong tulig!” bulyaw niya rito saka padabog na sinipa ang silyang nasa harapan niya.
“Hoy, huwag mong idamay ang nanay ko rito, ha! Ikaw na ang nakisuyo, ako pa ang mali? Hindi ka man lang nagpasalamat! Akala mo prinsesa ka rito para pagsilbihan ka namin!” katwrian nito na ikinagalit niya.
“Sumasagot ka pa? Kung ‘yon ay isinilong mo kaagad, sana, magagamit ko ‘yon ngayon!” sambit niya habang hila-hila niya ang buhok nito dahilan para magsimula na itong umiyak.
Sa bahay ng kaniyang stepmother nakikitira ang dalagang si Abbi kasama ang kaniyang ama at dalawa niyang stepsister. Lingid man sa kagustuhan niya ang pagtira rito, wala siyang magawa dahil dito nais tumira ng tatay niyang ngayon ay may malubhang sakit.
Hindi man niya kasundo ang mga stepsister niya dahil nga may pagkamaldita rin siya katulad ng mga ito, ginagawa niya ang lahat upang ipakita sa ama niyang ayos lamang siya upang huwag na itong mag-isip-isip.
At dahil nga mas nakakatanda siya sa kaniyang mga step sister, palagi siyang nagsisiga-sigaan sa bahay na ito kahit siya’y sampid lamang. Inuutusan niya ang mga ito na maglaba ng damit niya, maghugas ng pinggan, at marami pang gawaing bahay habang siya, paalis-alis ng bahay upang gumala kasama ang kaniyang mga tropa.
Labis pa siyang nagalit sa pinabata niyang step sister nang malaman niyang nabasa ang susuotin niya sanang panlamig dahilan para agad niyang hablutin ang buhok nito at pagsalitaan nang masasakit na salita.
Nang makita niyang umiiyak na ito, lalo niya pang hinigpitan ang pagkakahawak sa buhok nito. Ngunit bago pa siya muling magbitaw nang masakit na salita, mayroong humila nang malakas sa buhok niya saka siya tinulak sa lamesa dahilan para siya’y mapangiwi sa sakit.
Pagkakita niya, ang panganay ng kaniyang step sister ang gumawa noon sa kaniya dahilan para mapangisi siya.
“Kaya mo na ba ang buto mo?” taas kilay niyang wika rito.
“Kaya ko talaga ang buto ko! Ang hindi ko kaya, ‘yang kakapalan ng mukha mo! Nakikitira ka na nga, ang lakas pa ng loob mong magsiga-sigaan dito!” sumbat nito sa kaniya na ikinatawa niya.
“Hindi ako nagsisiga-sigaan! Pinagsasabihan ko lang ‘yang kapatid mong tulig!” bulyaw niya rito.
“Sino ka para pagsabihan siya? May naaambag ka ba sa pamilyang ito? Puro kain at tulog ka lang, hoy! Ni hindi ka nga makahawak ng walis dito!” wika pa nito dahilan para mapailing siya.
“Wala nga akong naiaambag pero tatay ko naman ang nagpapakain sa inyo!” sumbat niya rin sa mga ito.
“Aba, mahiya ka! Ni singko, walang nilalabas ang tatay mo! Lalo na ngayong baldado na siya! Ako ang nagpapalamon sa inyo ng tatay mo kaya tumahimik ka riyan!” sigaw nito na kaniyang ikinatigil, “Kaya kung ako sa’yo, magpakabait ka sa pamilya ko kung hindi, hindi ako magdadalawang-isip na palayasin ka rito! Ang tanda-tanda mo na, palamunin ka pa rin!” babala nito na labis niyang ikinahiya dahilan para tumakbo siya sa silid ng kaniyang ama.
Pagkapasok na pagkapasok niya roon, isang malalim na hinga ang sinalubong sa kaniya nito.
“Tama sila anak, wala akong naiaambag sa pamilyang ito kaya sana, magpakabait ka sa kanila. Lalo na sa magkapatid na iyon, dahil sila ang nagbibigay ng mga panggamot ko habang nagpapakasasa ka sa paggala,” pangaral nito sa kaniya na ikinaiyak niya dahil sa pangongonsensyang nararamdaman.
Kinabukasan, agad siyang humingi ng tawad sa magkapatid na iyon. Hindi man agad na tanggapin ng mga ito ang paghingi niya ng pasensya, pinakita niya sa mga itong handa siyang magbago.
Sinimulan niya sa pagkilos sa bahay, at hindi kalaunan, siya rin ay naghanap na ng trabaho upang masagot na ang mga gamot ng kaniyang ama. Sa ganoong paraan, kahit paunti-unti, kaniyang nakapalagayan ng loob ang dalawa at doon niya nalamang mababait pala ang mga ito at masayang kasama.