Inday TrendingInday Trending
Pinangsusugal ng Ginang na Ito ang Padala ng Anak na Dapat ay Pambayad sa Bahay, Nagwala Ito sa Galit nang Ito’y Umuwi

Pinangsusugal ng Ginang na Ito ang Padala ng Anak na Dapat ay Pambayad sa Bahay, Nagwala Ito sa Galit nang Ito’y Umuwi

“Anak, may pera ka pa riyan?” agad na bungad ni Marissa sa kaniyang anak, isang umaga nang magpasiya siyang tawagan ito.

“Nanay, naman! Ayan kaagad ang bungad mo sa akin! Ilang linggo mo akong hindi natawagan tapos iyan agad ang tanong mo. Pwede bang kamustahin mo muna ako?” patawa-tawang biro nito dahilan para siya’y bahagyang mapatawa.

“Ay, pasensya ka na, anak. Namomoblema lang talaga ako ngayon sa mga bayarin dito sa bahay,” daing niya rito.

“Bakit po, nanay? Ano po bang problema?” pang-uusisa nito.

“Nanghihingi kasi ng advance payment ‘yong pinaghuhulugan ko ng bahay mo kasi kailangan niya raw papinturahan na iyon para sa susunod na buwan, pupwede mo nang makita at mapaupahan sa iba,” paliwanag niya sa anak habang pinapakita pa ang hinuhulugan nitong bahay na nasa tapat lang ng kanilang bahay.

“Wala naman sa usapan natin na kailangan kong mag-advance payment, ‘di ba? Kaya nga hulugan ‘yan, nanay, eh,” sagot nito na ikinainis niya.

“Huwag ka na manguwestiyon d’yan! Magbigay ka na lang ng pera! Para rin naman ‘to sa pangarap mong paupahan!” sambit niya dahilan para bahagya itong mapatahimik.

“O, sige po, magpapadala po ako mamaya,” tugon nito na ikinatuwa niya.

“Mabuti, sige na, maglalaba pa ako ng mga damit!” sambit niya saka agad nang nagpaalam sa anak.

Magtatatlong taon na sa abroad ang panganay na anak ni Marissa. Tatlong taon na rin simula nang umayos ang buhay ng kaniyang pamilya dahil sa anak niyang ito.

Sa katunayan, kung hindi dahil sa anak niyang ito, wala na sana silang bahay at lupa dahil isinangla ito ng magaling niyang asawa upang makapagbisyo at sugal. Tanging ang anak niyang ito ang nagdoble kayod sa ibang bansa upang matubos ang kanilang nag-iisang ari-arian.

At ngayong bahagya na talagang nakaluluwag-luwag ang anak niyang ito, nagpahanap ito sa kaniya ng binebentang bahay. Nais kasi nito noon pa man na magkaroon ng paupahan upang buwan-buwan ay mayroon silang pandagdag na pera.

Sakto namang nabalitaan niyang binebenta na ang bahay ng kanilang kapitbahay dahilan para agad niya itong sabihin sa anak.

Matagumpay niyang naibayad ang unang buwang hulog na pera ng anak, kaya lang nang sumunod na buwan na, roon na siya nasilaw sa pera at ito ay nagastos niya sa sugal.

Hanggang sa tuluyan na nga siyang nalulong sa sugal at hindi na nakapagbayad sa hinuhulugang bahay ng anak dahilan para mabili na ito ng ibang tao.

Ngunit kahit na hindi niya na alam kung paano aamin sa anak, patuloy pa rin siya sa pahingi ng pera rito panghulog sa bahay na iyon upang siya’y may pangsugal.

Nang araw na ‘yon, lumipas na ang buong maghapon, wala pa ring mensahe ang kaniyang anak na nagpadala na ito dahilan para mag-init na ang ulo niya.

“Ano ba naman ‘yan? Kanina pa naghihintay ang maa kumare ko!” inis niyang sambit habang panay ang tingin sa hawak na selpon.

Kinabukasan, bago siya tumayo sa kinahihigaan, nanalangin siyang mayroon nang padala ang anak niya upang agad na siyang makapunta sa bahay ng kaniyang kumare kung saan sila nagsusugal.

Ngunit imbis na pera ang dumating sa kaniya nang umagang iyon, halos lumuwa ang mata niya nang makitang nasa kusina nila at nag-aalmusal ang anak niyang ito.

“Ba-bakit ka narito?” tanong niya rito.

“Gusto ko pong makita ‘yong hinuhulugan kong bahay, nanay! Sakto namang binigyan ako ng tiket pauwi ng amo ko. Hindi ka ba masaya? Hindi mo ba ako na-miss?” sambit nito habang nagsasawsaw ng tinapay sa mainit na kape.

“Naku, masayang-masaya ako!” wika niya, malaking pekeng ngiti ang nakapaskil sa mukha.

Kahit na tarantang-taranta na siya nang araw na ‘yon kung anong pwede niyang gawin, pinakita niya sa anak na siya’y masaya sa presensya nito. Pinakita niya pa nga ang bahay na ginagawa sa tapat nila na akala ng kaniyang anak, pagmamay-ari na nila.

“Magpahinga ka muna roon, anak, mamaya na kita ipapasyal sa loob,” payo niya rito matapos niyang ipakita ang labas ng bahay na ito.

Agad naman itong pumayag dahilan para puntahan niya ang dating may-ari ng bahay at humiling na kung pupwede silang makapasok upang mapagtakpan niya ang kasalanan niya.

Kaya lang, bago pa man siya makarating sa bahay nito, nakatanggap na siya ng tawag sa anak.

“Nanay! Pinapaalis ako ng ginang dito sa bagong bahay! Kaniya raw ang bahay na ito! May pinapakita pa sa aking titulo! Nasaan na ang titulo ko?” tanong nito na ikinataranta niya.

Pagkabalik niya sa kanilang bahay, nakita niyang masinsinang nakikipag-usap sa kaniyang anak ang dating may-ari ng bahay at pinapaliwanag dito na iba na ang may-ari dahil nga isang buwan lang ang nahulugan nito.

“Naghuhulog po ako hanggang ngayon!” giit ng anak niya.

“Kayo ng nanay mo ang mag-usap, hija,” payo pa nito dahilan para labis itong magalit sa kaniya.

Halos magwala sa kanilang bahay ang anak niyang ito dahil sa galit. Nagsabi pa itong hindi na muling magpapadala sa kaniya dahil sa ugali niya na labis niyang pinagsisihan.

Sandamakmak na patawad man ang kaniyang hingin, matigas na ang puso nito sa kaniya. “Kung hindi ka magbabago, bahala ka na sa buhay mo, nanay!” sigaw nito sa kaniya.

Dahil doon, agad siyang nagpasiyang maghanap ng trabaho at pigilan ang sariling huwag nang magsugal. Alam niyang matagal pa, ngunit kung magpapatuloy siya sa kaniyang pagbabago’y siguradong mapapatawad din siya ng anak niya.

Advertisement