“Kuya, baka naman pupwede kaming makahingi ng anak ko ng pang-tuition niya, kahit ngayong semestre lang. Gipit na gipit na kasi ako ngayon, eh, kahit pangkain namin, nahihirapan ako kung saan hahagilapin,” daing ni Ronwell sa kaniyang nakatatandang kapatid sa pagbabakasaling siya’y makatanggap ng pera mula rito.
“Edi patigilin mo sa pag-aaral ang anak mo at pagtrabahuhin mo,” tipid na sagot ni Jordan habang patuloy sa pagbabasa ng mamahaling libro.
“Iyon nga ang iniiwasan ko, kuya, eh. Ayokong magaya siya sa atin na hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan,” dagdag pa ng kaniyang kapatid na ikinatawa niya na lamang.
“O, tapos ako ang gagambalain mo? Anak ko ba ‘yan para bayaran ko ang tuition niyan?” patawa-tawa niyang tanong dito.
“Hindi, kuya, nagpapatulong lang ako kasi alam kong ikaw lang ang may pera sa ating magkakapatid,” paliwanag pa nito na ikinainis na niya.
“May pera nga ako pero hindi ibigsabihin noon, sasagutin ko na ang mga gastos niyo sa anak niyo! Pinaghirapan ko kung anong mayroon ako ngayon kaya maghirap din kayo! Umalis ka na, wala kang mapapala sa akin!” taboy niya rito habang iiling-iling, nang makita niyang lumabas na ito ng kaniyang mansyon, agad niyang padabog na isinara ang salamin niyang pintuan.
Lumaki man sa hirap ang hanggang ngayo’y binata pa ring si Jordan, hindi ito naging hadlang sa kaniya upang maging isang milyonaryo. Sa kabila ng mga pinagdaan niyang paghihirap sa kamay ng kaniyang mga magulang na sumakabilang buhay nang walang nabibigay na tulong sa kanilang mga magkakapatid, labis siyang nagpursigi sa buhay upang maaabot kung anong klaseng buhay ang mayroon siya ngayon.
Katulad ng sinabi ng kaniyang kapatid, pare-parehas silang hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya lang, sa kagustuhan niyang magkaroon ng maayos na buhay, habang ang mga kapatid niya’y nilaan ang oras sa paghahanap ng makakarelasyon na mayaman, siya’y naghanap ng trabaho at ginamit niya ang tapang niya upang lumuwas ng Maynila.
Doon siya nakatagpo ng mga kaibigan nagdala sa kaniya sa buhay niya ngayon. Kahit na walang-wala siya noon, mga kaibigan niya ang tumulong sa kaniya at nagbigay ng trabaho sa kaniya para magkaroon ng ipon na ginamit niya naman sa investment. Iyon na ang naging simula upang umasenso ang buhay niya.
Kaya lang, dahil nga matinding hirap din ang pinagdaanan niya, hindi niya makita ang dahilan para bahagian niya ng yaman o kahit kakarampot na pera ang kaniyang mga kapatid na alam niyang pawang naghihirap sa probinsya. Sa tuwing lalapit ang mga ito sa kaniya, lagi niyang tinataboy ang mga ito. Katwiran niya, naghirap siya para maabot ang buhay na ito kaya siya lang ang dapat makinabang dito.
Nang araw na ‘yon, pagkaalis ng kaniyang kapatid, bigla na lamang nanikip ang dibdib niya dahilan para agad siyang magpasiyang tumawag ng ambulansya. Kaya lang, bago pa ito dumating, nawalan na kaagad siya ng malay.
Nagising na lang siyang nasa ospital na, mag-isa siya sa isang malawak na silid at tila hirap na hirap gumalaw. Ni hindi niya mapindot ang isang pindutan upang matawag niya ang mga nars.
Nakita niya rin sa de bateryang orasan na naroon na tila isang buwan na pala siyang naririto dahilan para magpumilit siyang bumangon at pindutin ang pindutang iyon upang makuha ang atensyon ng mga nars.
Pagdating ng nars, agad niyang tinanong kung ilang araw na siya rito at nang sabihin nitong isang buwan na, agad niya itong ikinagulat.
“Sayang po, hindi niyo naabutan ang mga kapatid niyo. Kakaalis lang po nilang lahat, araw-araw ka nilang sinasadya rito, sir, pinagdadasal at kinukwentuhan kahit wala kang malay. Nakakahanga nga sila, sir, mantakin mo ‘yon, inuutang pa nila ang pinapamasahe nila, mapuntahan ka lang,” kwento nito na lalo niyang ikinagulat.
“Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” paninigurado niya.
“Opo, sir! Si Kuya Ronwell pa nga ang laging nagpapalit ng diaper mo, siya lang kasi ang lalaki, eh,” dagdag pa nito dahilan para agad siyang mapaluha.
Doon niya napagtantong mali ang ginagawa niya sa mga kapatid niyang handang gawin ang lahat para sa kaniya. Laking pagsisi niya na nagpabulag siya sa pera at tinalikuran ang mga kapatid niyang naghihirap sa probinsya.
Kaya naman sa muling pagdalaw ng mga ito, sinurpresa niya ang mga ito ng mga grocery items, bigas, ilang mga gamit, at pera na talaga nga namang ikinatuwa ng mga ito.
“Sobra-sobra ito, kuya, ang paggising mo lang, malaking biyaya na sa amin!” iyak ng kapatid niyang si Ronwell na ikinaiyak niya rin.
Simula noon, sinama niya na sa pag-angat ang kaniyang mga kapatid na talaga nga namang hindi niya pinagsisihan dahil taos-pusong saya ang nararamdaman niya bawat araw. Malayong-malayo sa mga araw na siya’y nagdadamot sa mga ito.