Hindi Lubusang Masaya ang Lalaking Ito Kahit Matamis na Oo ang Sagot ng Kaniyang Nobya sa Alok Niyang Kasal; Ito Pala ang Dahilan
“Yes! I will marry you!”
Hinalikan ni Douglas ang kamay ng fiancee na si Stephanie. Tuwang-tuwa ang kanilang mga kaanak na nakasaksi sa kanilang engagement, lalo na ang kaniyang Papa. Abot-tenga ang kaniyang mga ngiti. Masaya si Douglas na makita niyang nakangiti ang kaniyang Papa.
Mga ngiting madalang na niyang mamasdan simula nang sumakabilang-buhay sa isang aksidente ang kaniyang Kuya Gustav, na alam naman niyang paborito nito.
“Congratulations, anak. You’re my man!” pagbati ng kaniyang Papa.
“T-Thanks, Pa.”
Matapos ang engagement party sa kanilang mansyon at nang makauwi na ang kanilang mga panauhin at natutulog na ang kaniyang Mama at Papa, bumaba sa kanilang bar counter si Douglas. Kumuha siya ng kopita at nagsalin ng whisky. Tinanaw niya ang nakaaakit na repleksyon ng liwanag ng buwan sa tubig sa swimming pool.
“Douglas, anak…”
Muntik nang mabitiwan ni Douglas ang kaniyang hawak na kopita. Si Yaya Meding lang pala. Mas nanay pa ang turing niya sa matanda kaysa sa kaniyang Mama, na lagi namang wala at abala sa kanilang mga negosyo.
“Bakit gising ka pa? Hindi ka makatulog? Iniisip mo ang kapalaran mo ‘no?”
“Kilalang-kilala mo na nga ako talaga, ‘Ya. Buti ka pa. Parang sa iyo talaga ako nanggaling eh,” natatawang tugon ni Douglas.
“Hindi ka man sa akin nagmula, pero alam mo naman na ako ang nagpalaki sa iyo. Mula sanggol ka pa lang at ngayong puwede ka nang bumuo ng sarili mong sanggol, kilalang-kilala na kita. Alam ko ang bawat himaymay ng kalamnan mo. Dama ko ang bawat tibok ng puso mo. Douglas… kung hindi ka talaga masaya sa pinasok mo, dapat umamin ka na sa mga magulang mo.”
“Yaya naman. Parang hindi mo naman kilala si Papa. Alam mo namang malaki ang inaasahan niya sa akin. Ayokong masira ang tiwala niya. Ito na ang pagkakataon ko para naman makapuwesto sa puso niya. Simula nang mawala si Kuya, alam kong turno ko na para magpasikat sa kaniya,” tugon ni Douglas.
“Kahit na isakripisyo mo ang pansarili mong kaligayahan? Kahit na isantabi mo ang tunay na ikaw? Douglas… hindi si Stephanie ang mahal mo. Hindi babae ang mamahalin mo. Paano na si Patrick? Nagmamahalan kayo. Nasa katotohanan ang kalayaan.”
“Sa tingin mo ba tatanggapin ako ni Papa kung malalaman niyang hindi ako straight na lalaki, na lalaki rin ang gusto ko?”
“Eh ano? Eh ‘di itakwil ka niya. May sarili ka nang pera. May sarili ka nang kompanya. Hindi mo na kailangan pang ipakita sa kaniya na mahusay ka. Kahit wala ka sa anino ng Papa mo, o ni Kuya Gustav mo, matagal mo nang pinatunayan ang kagalingan mo.”
Napaisip si Douglas sa mga binitiwang salita ng kaniyang yaya. May punto ang lahat ng mga sinabi nito.
Ginamit lamang niya si Stephanie para lamang maipakita sa kaniyang Papa na isa siyang tunay na lalaki, at kaya niyang magtaguyod ng sariling pamilya.
Kung ipagpapatuloy niya ang pagpapakasal dito, handa nga ba siyang isakripisyo ang pagmamahalan nila ni Patrick na matagal na niyang karelasyon?
Handa na nga ba siyang kalimutan ang tunay na identidad at magkubli sa anino ng pagkukunwari?
Ngunit kung maglalakas-loob naman siyang ipakita ang tunay na siya, tiyak niya ang mangyayari. Itatakwil siya ng kaniyang Papa.
Mawawalan na siya ng puwesto sa buhay nito. Na unti-unti na niyang naokupahan sa pagkawala ng kaniyang kuya. Unti-unti, dahil kahit wala na ito, alam niyang hindi niya ito mapapalitan kahit na kailan.
Matuling lumipas ang mga buwan. Mabilis na naisaayos ang lahat para sa kasalan nina Douglas at Stephanie. Napapansin ni Stephanie na tila lutang si Douglas. Ang totoo, lahat ng mga detalye sa kasal, si Stephanie ang kumumpas. Siya ang nagpasya.
Sa araw mismo ng kanilang kasal, bago magsimula ang seremonya, nakipagkita si Stephanie kay Douglas.
“B-Bakit narito ka? Bawal daw magkita ang dalawang ikakasal…”
“Douglas, mahal kita kaya pinapalaya na kita. May pagkakataon ka pang umalis…” umiiyak na sabi ni Stephanie.
“A-Ano’ng ibig mong sabihin?” kinakabahang tanong ni Douglas.
“Hindi mo kailangang magkunwari. Alam ko noong una pa lang ang tungkol sa tunay mong identidad. Pero isinantabi ko iyon dahil gusto kita noon pa man, at minahal na rin kita. Pero sobra kitang mahal kaya ayokong mapilitan ka lamang sa isang habambuhay na panatang punumpuno ng kasinungalingan,” pahayag ni Stephanie.
Natahimik si Douglas sa mga litanya ng nobya.
“Umalis ka na, Douglas. Huwag kang magpakasal sa akin. Huwag kang maging unfair sa akin. Pagkatapos ng araw na ito, magiging mag-asawa na tayo. Kapag nangyari iyon, akin ka na. Kakalimutan kong iba ang identidad mo, na hindi babae ang gusto mo. Pero habang malaya ka pa, sundin mo ang nais ng puso mo…” pagpaparaya ni Stephanie.
Nanaig ang puso ni Douglas. Ang tunay na hinihiyaw ng kaniyang puso.
Walang kasalang naganap. Tanggap naman ito ni Stephanie sa kabila ng malaking eskandalong ito at kahihiyan sa kaniyang pamilya. Galit na galit ang pamilya ni Stephanie sa pamilya ni Douglas.
Subalit mas lalong naglalatang ang poot sa puso ng Papa ni Douglas. Itinakwil niya ang anak. Tuluyang binura sa kaniyang puso. Tinanggap naman ito ni Douglas at tuluyan na silang nagsama ni Patrick bilang live-in partners.
Alam niyang darating ang panahong matatanggap din siya nito at hindi siya magsasawang maghintay sa panahong iyon.
Ngunit isang araw, nabalitaan na lamang niyang sumakabilang-buhay na ang kaniyang Papa.
Nakatulala siya sa mukha nito sa loob ng kabaong. Hindi man lamang sila nakapag-usap. Dala-dala ng kaniyang Papa hanggang kabilang buhay ang sama ng loob nito sa kaniya.
“Sa huling hininga niya, hinahanap ka niya… kaya lang, alam mo naman ang ego ng Papa mo. Saksakan ng tigas. Hindi matibag. Pero huwag kang mag-alala, anak. Napatawad ka na niya,” paliwanag sa kaniya ng kaniyang Mama.
“Patawarin mo kami ng Papa mo, anak ko. Patawarin mo kami kung naiparamdam namin sa iyo na replacement ka ni Kuya Gustav mo, at nakalimutan naming may sarili kang identidad at personalidad. Hayaan mo akong makabawi sa iyo, para sa akin at para sa kaniya,” lumuluhang pahayag pa nito. At nagyakap silang mag-ina.
Nais pasalamatan ni Douglas si Stephanie dahil sa ginawa nitong pagpaparaya. Ngayon, lubusan nang masaya at malaya si Douglas. Babawi siya sa kaniyang Mama. Kaya naman, lumipat na sila ni Patrick sa mansyon upang sulitin ang mga araw na kasama pa niya ang nag-iisang magulang.