Inday TrendingInday Trending
Nakatanggap ng Mapanuring Tingin ang Simpleng Dalaga sa Isang Maposturang Dalagang Nakasabayan sa Isang Mamahaling Tindahan; Sino ang Tunay na Mayaman sa Kanilang Dalawa?

Nakatanggap ng Mapanuring Tingin ang Simpleng Dalaga sa Isang Maposturang Dalagang Nakasabayan sa Isang Mamahaling Tindahan; Sino ang Tunay na Mayaman sa Kanilang Dalawa?

Komportableng pumasok sa paboritong boutique ng isang sikat na mall si Grace. Gaya ng dati, hindi na siya pumorma nang todo: naka-shorts lamang siya, nakasuot ng tsinelas, at karaniwang blouse lamang ang kaniyang suot. Cellphone lamang at card holder ang kaniyang dala, na nakalagay sa kaniyang simpleng sling bag.

Pulbos at lipstick lamang ang inilagay niya sa mukha niya. Inilugay lamang niya ang kaniyang pantay-balikat na buhok.

Matagal-tagal na rin siyang hindi nakakapag-window shopping at palagay niya, deserve naman niyang bumili ng kahit ano para sa sarili niya. Naging matagumpay ang kaniyang team sa pagsasarado ng business deal sa kanilang kompanya.

Habang nagtitingin-tingin ng mga posibleng gamit na puwede niyang bilhin, nilapitan siya ng sales lady. Mukhang kilala na siya nito kaya naman nakangiti ito sa kaniya at magalang siyang inaasiste.

Maya-maya, may pumasok na isang babaeng todo ang postura. Makapal ang make-up nito, at sa pagtingin dito ay mukhang fashionista. Sosyal ang datingan. Kung pagbabatayan ang hitsura nito, masasabing may kaya sa buhay.

Subalit nang magsalita na ito, mahihinuha mong ‘palengkera’ at ‘mahadera’ ang ugali nito. Agad nitong tinawag ang sales lady na umaasiste kay Grace.

“Miss, may mga sizes pa bang iba rito?” malakas na tanong nito.

Ngunit hindi agad nakalapit ang sales lady dahil nga inaasiste nito si Grace.

“Excuse me miss, kinakausap kita. Iwanan mo muna ‘yan, ako muna ang asikasuhin mo kasi bibili naman ako.”

Napatingin ang sales lady at maging si Grace sa naturang babae. Kitang-kita niyang tiningnan siya mula ulo hanggang paa ng naturang babae, na para bang sinusukat siya, kung may pambili ba talaga siya o wala, batay sa kaniyang hitsura.

Labis na nagtimpi si Grace. Maganda ang araw niya ngayon at ayaw niyang patulan ang mga ganitong babaeng hindi naman niya kaantas. Nginitian niya ang sales lady.

“Lapitan mo na siya, miss. Ako na’ng bahala rito.”

Mukhang ang sales lady naman ang nahiya sa inasal ng babaeng iyon kaya lumapit na ito sa kaniya.

Samantala, nagngingitngit naman ang kalooban ni Grace, ngunit kinalamay na lamang niya ang kaniyang sarili. Naisip niya, wala naman siyang mapapala kung papatulan niya ang mga ganitong klase ng tao.

Dinig na dinig niya ang tila palautos at tunog-maldita na pakikitungo nito sa sales lady na kanina ay umaasiste sa kaniya.

Nang makapili na siya ng bibilhin niyang sapatos, damit, at bag, lumapit na siya sa counter upang magbayad. Nagkataong nagbabayad na rin pala ang malditang babae kanina, subalit inaaway nito ang mga kahera. Batay sa kaniyang pagkakarinig, mukhang max out na ang credit card nito.

“Ernesto, anong ginawa mo sa credit card ko? Siraulo ka ah! Gusto mo, magsumbong ako sa misis mo?” maya-maya ay tila pang-aaway nito sa kaniyang kalaguyo. Tinawagan niya ito sa pamamagitan ng video call. Wala itong pakialam kung naririnig ng iba ang kaniyang mga sinasabi. Nagpipigil na lamang na matawa ang mga kahera, gayundin ang mga sales lady.

Habang nangyayari ito, nagbabayad naman si Grace. Cash ang ginamit niya at kitang-kita naman ito ng babaeng maldita.

“Sige na, ‘di ko na kukunin iyan,” pabalagbag na sabi nito sabay alis. Iniwan nito sa counter ang lahat ng mga pinamili nito.

Hindi naman napigilan ng mga kahera at sales lady na magkomento.

“Bibili-bili, hindi naman pala sigurado kung kaya pa ng credit card niya. Baka nainis sa kaniya ang sugar daddy niya,” saad ng kahera.

“Akala mo kung sinong mayaman kung makautos, wala naman palang sariling pera. Pasalamat tayo na kahit hindi ganoon kataas ang mga suweldo natin, nagtatrabaho tayo nang marangal. Pinaghihirapan natin ang perang ipinantutustos natin sa pamilya natin, at hindi tayo mga kabit!” saad naman ng sales lady.

“Hay naku tama kayo riyan mga ate!” natatawa namang pagsang-ayon ni Grace.

Matapos mabayaran ang kaniyang mga pinamili, lumabas na sa mall si Grace. Nagtungo siya sa parking lot at dumiretso sa kaniyang mamahaling kotse. Inilagay niya sa loob ang mga bitbitin, at saka pumasok na sa driver’s seat. Sinaluduhan siya ng security guard nang umibis na siya.

Habang binabaybay ang daan, nahagip ng kaniyang paningin ang babaeng maldita sa boutique, mukhang nag-aabang ito ng masasakyang pampasaherong dyip. Naalala na naman niya ang mga mapanuring tingin nito sa kaniya. Kaya naman, huminto siya sa tapat nito. Namukhaan naman siya nito at tila ikinagulat nito na mayaman pala siya’t may sariling sasakyan.

“Miss… ingat ka!” nakangiting paalam ni Grace sa babae, na tantiya niya ay nagngingitngit ang kalooban.

Napagtanto ni Grace na ang panlabas na anyo ng tao ay nakasisilaw at nakapanlilinlang. Mas mahalaga pa rin ang panloob na kagandahan at mabuting ugali ng isang tao, dahil hindi ka nito bibiguin saan ka man dalhin ng kapalaran.

Advertisement