Matagal Siyang Lumayo sa Ama Niyang Walang Panahon Para sa Kanila; Huli na nga ba ang Lahat sa Pagbabalik Niya?

Matagal Siyang Lumayo sa Ama Niyang Walang Panahon Para sa Kanila; Huli na nga ba ang Lahat sa Pagbabalik Niya?

FamilyInspiringStories

“Anak, ang Papa mo?” tanong ng ina ni Rebecca. Sa katunayan ay hindi na niya mabilang kung pang ilang beses na itong nagtanong.

“Tinatawagan ko na, Mama. ‘Wag na po kayong mag-alala at parating na iyon. Magpahinga lang po kayo riyan,” pag-aalo niya rito saka muling dinampot ang cellphone para muling tawagan ang ama. 

Ngunit nang umiyak na ang ina dahil sa nararamdamang sakit sa katawan ay hindi na siya nag-atubili pang tumawag ng kapitbahay para madala ito sa ospital. 

Sa ospital ay agad itong tiningnan ng mga doktor. At base sa itsura ng mga mukha nito ay halos nahulaan niya na ang nakadudurog na balita nito.

“Tatapatin ka na namin, wala na kaming magagawa sa puntong ito. Hindi na tinatanggap ng katawan ng nanay mo ang kahit na anumang gamot. Ikinalulungkot ko pero siguro ay tawagin mo na ang mga mahal niyo sa buhay para makapagpaalam. Hindi ako sigurado kung gaano katagal pero kaunti na lang ang natitirang oras.” 

Hindi siya makapaniwala sa narinig ngunit sa kabilang banda ay inaasahan na nila itong mangyari, hindi nga lang ganito kaaga. Malubha na ang c*ncer ng kaniyang ina lalo pa’t hindi ito nadiskubre nang maaga. 

Ayaw rin naman nito subukan ang kung ano mang suhestiyon ng mga doktor. Gusto raw nitong umalis nang mapayapa at mas nais nitong sulitin ang natitirang sandali nito na masaya. Kaya kahit na ayaw nila ay pumayag sila sa gusto ng ina. 

Sinunod niya ang sinabi ng doktor, nanatili siya sa tabi nito para samahan ito sa huling sandali nito. Paulit-ulit niyang tinawagan ang ama ngunit hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang mga kamay bago ito ngumiti at umiling. 

“Hayaan mo na at baka abala pa si Papa mo,” nanghihinang anas nito, bago siya pinukol ng malungkot na ngiti.

Ilang minuto ang lumipas at hinugot na ng kaniyang ina ang huling hininga nito. 

Walang pagsidlan ang kaniyang paghihinagpis. Hindi niya rin maiwasang magalit dahil saka pa lamang dumating ang kaniyang ama. 

Hindi nito naabutan ang asawa na alam nitong naghihintay hanggang sa sa kahuli-hulihang sandali. 

Nang itanong niya kung saan ito nanggaling ay tumindi lamang ang nararamdaman niyang galit. 

“Sa trabaho.” Panlulumo at pagsisisi ang nakasalamin sa mukha nito. 

Sanay na sanay na siya, mula noong bata ay mabibilang lang ang yata sa kaniyang mga daliri ang magandang alaala na kasama niya ito. Palagi itong abala sa pagtatrabaho kaya palagi ring ang kaniyang Mama lamang ang kasama niya. 

Pilit niya itong inintindi noon ngunit umabot ubos na ang pasensya niya. Nakain na ng lungkot at galit ang kaniyang puso kaya’t hindi niya napigilan ang sarili na mapagsalitaan ito ng masama.

“Siguro kasi mas mahalaga talaga ang trabaho na ‘yan kaysa kay Mama, sa aming pamilya mo, kaya mabuti pa magsama kayo ng trabaho mo. Dapat ikaw na lang ang nawala!” bulyaw niya sa ama. 

Ang araw ng libing ng kaniyang ina ay araw rin ng pag-alis niya sa kanilang tahanan. Kahit na anong pigil at pagmamakaawa ng kaniyang ama ay hindi niya pinansin.

Nagtungo siya sa ibang bansa at doon nagtrabaho upang makalimot. Higit sa lahat, pilit niyang iniwasan makausap ang ama sa maraming taon na lumipas kahit na anong pangungulit nito.

“Rebecca, kailan ka ba uuwi rito? Alam kong hindi mo kinakausap ang Papa mo kaya malamang hindi mo pa alam. May malubha siyang sakit, hija,” isang araw ay pagbabalita ng tiyahin niya. 

Nanlamig siya nang malaman na ang sakit nito ay kapareho ng kumuha sa kaniyang ina. 

“Naiintindihan ko na masakit sa’yo ang nangyari pero sana naman mahanap mo sa puso mo patawarin ang tatay mo bago mahuli ang lahat. Kaunti na lang ang oras niya, kaya sana ay umuwi ka na rito at mag-usap na kayo uli,” payo ng kaniyang Tita Amanda.

Bumuhos ang kaniyang luha lalo na nang maisip ang mga masasakit na salitang ibinato niya rito. 

Mahal na mahal niya ang kaniyang Papa, at kahit na nanatiling malamig ang trato niya ito sa loob ng maraming taon ay hindi niya pa rin mababago ang katotohanan na ito ang nag-iisang ama niya sa mundo. 

Isa pa, alam niya na hindi rin malalagay sa tahimik ang kaniyang ina kung hanggang ngayon ay may galit pa rin sa puso niya. 

Tama ang kaniyang Tita Amanda. Oras na para umuwi. 

“Papa!” umiiyak na sigaw niya nang makita ang ama niya na kay laki yata ng itinanda. 

Isang mahigpit na yakap na puno ng pagsisisi ang iginawad niya rito. 

“Nadala lang po ako ng galit at sakit dahil sa nangyari kay mama pero hindi ko po iyon sinasadya!” 

“Hindi, anak. Ako dapat ang humingi ng tawad sa’yo at sa Mama mo. Nagkulang ako. Akala ko kasi magiging mabuting ama at asawa ako basta’t maibigay ko ang lahat ng pangangailangan niyo. Nagkamali ako, anak. Sa kagustuhan kong bigyan kayo ng magandang buhay, napabayaan ko kayo.” Tuluyan na itong napahagulhol. 

Sa araw na iyon ay tuluyan na nilang napatawad ang isa’t-isa. Parang nawala ang napakabigat na pakiramdam sa kaniyang balikat dahil doon. 

Ang tanging hiling niya lang sa Diyos ay sana habaan pa Nito kahit kaunti ang oras na magkakasama silang mag-ina. 

At dininig Nito ang panalangin niya! Nang samahan niya ito sa doktor isang araw ay isang nakagugulat na balita ang hatid nito. 

“Hindi c*ncer ang sakit niya kundi tuberkulosis. Nagkamali lamang ang resulta ng unang pagsusuri,” anito bago paulit-ulit na humingi ng tawad sa nangyari. 

Hindi sila makapaniwala! May oras pa silang mag-ama upang bumawi sa isa’t-isa. 

Sa huli ay labis ang pasasalamat nila sa Diyos sa pagdinig Nito sa munti nilang dasal. Masyadong maikli ang buhay para hindi magpatawad. Sisiguraduhin nila na susulitin nila ang hiram na oras na ibinigay sa kanila. 

More Stories