Nagdesisyon Siya na Makipaghiwalay sa Walang Silbi Niyang Asawa; Nagulat Siya sa Naging Desisyon ng Kaniyang Anak

“Edith, magkape ka man lang bago ka pumasok sa trabaho,” wika ng asawa niyang si Gerard nang sumungaw siya sa kusina.

Hindi niya pinansin ang asawa. Uminom siya ng tubig bago nilisan ang kusina.

Hindi niya na pinansin pa ang muling pagtawag nito.

Nag-away na naman kasi silang mag-asawa kagabi. Paano ba naman, ayaw nitong humanap ng trabaho. Nakiusap ito na nais daw nitong pagtuunan ng pansin ang pagpipinta.

Limang taon na. Limang taon niya na rin itong pinagbibigyan.

“Edith, malapit na. Maghintay-hintay ka lang. Mapapagkakitaan ko na ang pagpipinta,” anito.

“Hindi naman tayo napapakain ng pagpipinta mo!” naalala niyang sigaw niya sa asawa kagabi.

Ngunit tila desidido na ito. Ayaw raw nitong sumabak sa isang trabaho na hindi naman nito gusto.

Advertisement

Subalit paano na siya? Siya na naman ang magkakandakuba sa pagtatrabaho para may makain sila!

Masamang-masama ang loob niya sa asawa. Hindi ito ang buhay na gusto niya.

“Mama, aalis ka na po? Hindi ka na mag-aalmusal?” tanong ng nag-iisa nilang anak na si Jane. Naka-uniporme ito at mukhang handa na sa pagpasok.

Pilit na nginitian niya ang anak.

“Hindi na, anak. Male-late na ako. Sabay na kayo ni Papa mo kumain. Alis na ako,” mabilis na paalam niya sa anak.

Habang papunta siya sa opisina ay iniisip niya pa rin ang naging away nilang mag-asawa.

Isang bagay ang napagdesisyunan niya.

Nang gabing iyon, habang kumakain silang mag-anak ng hapunan ay tahimik ang mag-asawa. Tanging ang masiglang pagkukwento lang ni Jane ang naririnig.

Advertisement

Nang tumigil sa pagsasalita ang anak ay saka lamang siya nagkaroon ng tiyansa na ilabas ang kaniyang saloobin.

“Gerard, maghiwalay na tayo,” walang gatol niyang pagdedesisyon.

Kitang-kita niya ang gulat at takot na bumatay sa mukha ng asawa.

“A-ano? Anong kalokohan ‘yan, Edith? Hindi ‘yan magandang biro,” tugon nito.

“Hindi ako nagbibiro. Maghiwalay na tayo. Magkanya-kanya na tayo,” matigas na bulalas niya.

“Pero bakit, Edith? Baka naman maaari natin itong pag-usapan! Paano na ang anak natin?”

Nang lingunin niya si Jane ay nakita niya na papaiyak na ito.

“Suko na ako sa’yo. Makasarili ka. Kahit ilang beses ko sabihin sa’yo na isuko mo na ang pagpipinta, hindi ka nakikinig. Ang tamad-tamad mo, wala kang silbi sa akin at sa anak mo!” galit na turan niya sa asawa.

Advertisement

“Si Jane, s’yempre, sa akin siya sasama,” dagdag pa niya.

Nakita niya ang pagtulo ng luha sa mata ni Gerard. Naaawa man siya sa asawa ay kailangan niyang ang bagay na ito.

Hindi nakapagsalita si Gerard. Tahimik lamang itong lumuluha.

Akala niya ay tapos na ang diskusyon na iyon kaya naman nagulat siya nang magsalita si Jane.

“Hindi po ako sa inyo sasama, Mama. Kay Papa po.”

Tila naman may bombang sumabog sa pandinig ni Edith.

“Ano? Anong pinagsasasabi mo, Jane?” bulyaw niya sa dalagita.

Noon na ito tuluyang napaiyak.

Advertisement

“Kawawa naman po si Papa, Mama. Hindi niyo lang po nakikita pero araw-araw po ay naghahanap siya ng mga gustong bumili ng mga painting niya. Pagkatapos ay uuwi siya rito para asikasuhin ang lahat dito sa bahay.”

Hindi siya nakapagsalita.

“Kaya ang sakit-sakit po sa akin na marinig na tinatawag mo si Papa na tamad at walang silbi. Kasi sinusubukan niya naman po matulungan kayo,” umiiyak na pagtatanggol nito sa ama.

“A-anak, hindi ka pwedeng manatili sa tabi ng Papa mo. Wala naman siyang pera pangsuporta sayo,” malumanay na pagpoprotesta niya.

“May kliyente na po na handang bumili ng mga gawa ni Papa. H-hindi niyo lang po alam kasi lagi kayong nakabulyaw…” muling litanya ng dalagita.

Muli ay hindi siya makahanap ng itutugon sa anak. Hindi niya alam na naririnig pala nito ang halos gabi-gabing pag-aaway nilang mag-asawa.

“B-bakit h-hindi mo sinabi sa’kin?” baling niya sa asawa.

“Sasabihin ko na ngayong gabi. Kaso naunahan mo na ako,” malungkot na anas nito.

Advertisement

“S-sorry, Edith. Sorry kung hindi ako naging mabuting asawa at ama!” Tuluyan nang napahagulhol si Gerard.

“Papa, ‘wag niyo pong sabihin ‘yan! Naging mabuting ama po kayo sa’kin. Kayo nga po ang walang sawang sumusuporta sa akin at sa mga pangarap ko. Natutunan ko po sa inyo na ‘wag na ‘wag kong isusuko ang bagay na magpapasaya sa akin. Kagaya na lang po ng pagpipinta,” pakli ni Jane sa sinabi ng ama.

Sa nakitang palitan ng salita ng mag-ama ay dumaloy kay Edith ang sunod-sunod na reyalisasyon.

Hindi lang si Gerard ang nagkulang. Maging siya ay nagkulang. Nagkulang siya sa pang-unawa at suporta sa kaniyang kabiyak na pinangakuan niyang sasamahan niya sa hirap at ginhawa. Napaluha si Edith.

Humingi siya ng tawad sa asawa at anak. Hiyang-hiya siya sa inasta niya, lalo na sa asawa.

“Patawarin mo ako kung imbes na suportahan kita ay minaliit ko ang mga paghihirap mo,” lumuluhang saad niya sa asawa.

Nang gabing iyon ay tila naging mas malapit sila bilang isang pamilya. Nawala ang galit na kinikimkim niya sa asawa. Dahil mas naunawaan niya ito.

Tama ang kaniyang anak. Sa pagkagulat niya ay unti-unti ang naging pag-angat ng kaniyang asawa.

Advertisement

Dahil sa kompanya na bumili ng obra ni Gerard ay unti-unti itong nakilala sa larangan ng pagpipinta. Unti-unti ring dumami ang kliyente nito! Nang lumaon ay hindi na naging problema ng pamilya nila ang pera, dahil pera na mismo ang lumalapit sa kanila.

Sa wakas ay natupad ni Gerard ang nag-iisa nitong pangarap: ang suportahan ang pamilya nila sa tulong ng pagpipinta nito.

Masayang-masaya si Edith na nalampasan ng pamilya nila ang pagsubok na ito. Muntik man silang masira, muli silang pinagbuklod ng pagmamahal, respeto, at tiwala sa isa’t isa.