Inday TrendingInday Trending
Nagmagandang Loob ang Bangkero na Ihatid ang Matanda sa Isang Isla nang Libre; Nagulat Siya sa Naging Kabayaran Nito

Nagmagandang Loob ang Bangkero na Ihatid ang Matanda sa Isang Isla nang Libre; Nagulat Siya sa Naging Kabayaran Nito

“Aalis na ang Tatay,” paalam ni Nitoy sa asawa at anak nang umagang iyon.

Agad naman siyang nilapitan ng asawa.

“Magtatrabaho ka? ‘Wag na muna at mukhang hindi pa ayos ang pakiramdam mo,” nag-aalalang pagtutol nito.

Ilang araw na siyang may dinaramdam. Napilit siya ng asawa na ‘wag na munang magtrabaho kahapon ngunit hindi na pwede iyon ngayon. Halos said na ang lalagyan nila ng bigas kaya kailangan na niyang bumalik sa pagkayod.

“Ayos lang ako. Pakiramdam ko ay mas lalo lamang lalala ito kapag hindi ako gumalaw-galaw,” aniya sa asawa.

“O, siya, sige. Alam ko naman na hindi ka papapigil. Basta’t mag-ingat ka. Mapanganib at misteryoso ang dagat. Umuwi ka rito kapag talagang ‘di mo na kaya,” balisang bilin nito.

Dala-dala ang kaniyang lumang sumbrero at maliit na bag ay tumuloy na siya sa trabaho.

“Kumusta, Mang Nitoy? Sabi ho ng asawa niyo, may sakit ka raw kahapon. Ayos na ho ba kayo?” bungad ni Tupe. Ito ang kasa-kasama niya sa pagpalaot.

Tumango naman siya at sinabi na wala itong dapat ipag-alala. Sinigurado lang daw nito kung nasa kondisyon siya para sa mabigat na trabaho sa laot.

Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay sa isla nila. Ngunit dahil marami ring tao ang bumibisita sa kanilang isla, naging trabaho na rin nila ang maghatid-sundo ng mga turista.

Sumakay sila sa bangka upang manghuli. Maya-maya lang ay nasa kalagitnaan na sila ng dagat. Subalit tila hindi sila swerte sa huli nang araw na iyon.

“Ang tumal ng isda ngayon. Ayaw magpahuli,” biro pa ni Tupe.

Ilang oras na silang naghihintay na mapuno ang hinulog nilang lambat ngunit kakarampot pa lamang ang huli nila.

Bagsak ang balikat na bumalik sila sa isla.

“Naku, paano ba ‘to? Kakarampot ang huli natin. Mukhang uulamin na lang namin ‘to kaysa ibenta,” dismayadong komento ni Tupe.

Alam niyang kailangan nito ng pera lalo na’t may sakit ang ina nito at ito ang inaasahan sa pamilya.

Napabuntong hininga siya. Ganoon sila araw-araw. Isang kahig, isang tuka. Kailan naman kaya sila makakaahon sa hirap?

“Sige, Tupe, sa’yo na rin ang parte ko. Para naman may kitain ka kahit papaano,” pagpaparaya niya sa kasama.

“Naku, salamat ho, Mang Nitoy. Kaso paano naman ho kayo niyan?” tila nahihiyang tanong nito.

“Hayaan mo na. Alam ko naman na kailangan mo rin ng pera. Tatawid ako sa kabilang ibayo at maghahanap ng turista na magpapahatid para naman may kitain. Pakisabihan na lang sa asawa ko na baka mamaya pa ako makauwi,” sagot niya bago muling pinaandar ang bangka.

At kumita naman siya kahit papaano. May dalawa siyang naihatid at nasundo.

Malapit nang humapon kaya naman unti-unti nang nagiging bayolente ang hampas ng alon. Naghahanda na silang mga bangkero sa pagbalik sa kani-kanilang mga isla nang isang matandang babae ang lumapit.

“Baka pwede hong makisakay? Kailangan ko hong pumunta sa Isla Manggagaway.”

Halos mag-unahan sa pag-alis ang mga kapwa niya bangkero.

Natigilan naman si Nitoy. Pinangingilagan ang isla na iyon dahil pinaniniwalaan na mahiwaga ang isla ay may naninirahan doon na mga engkanto.

“Pakiusap, hijo. Baka naman maaari mo akong ihatid doon.”

Ngumiti lang siya at tumango. Napadaan na siya minsan sa isla na iyon ngunit wala naman siyang naranasan na kakaiba.

“Ang kaso, hijo, wala akong pera. Pwede ba na ihatid mo ako roon nang libre?” muli ay pakiusap ng matanda.

Luminga siya. Sigurado siya na walang ibang papayag maghatid sa matanda kung tatanggi siya. Ayaw niya naman na magpalipas ito roon ng gabi dahil baka mapahamak ito.

“Sige ho, Nanay. Akin na ho ang mga gamit niyo para mailagay na natin dito,” aniya sa matanda bago ito inalalayang sumakay sa kaniyang bangka.

Labis ang pasasalamat nito.

“Galing ako sa malayong siyudad pero dito talaga ako nakatira dati. Ito ang unang pagkakataon na makakauwi ako pagkatapos ng ilang taon,” pagkukuwento nito.

Magaan ang loob niya sa matanda kaya naman hindi niya maiwasang ikwento rito ang buhay niya at ng kanilang pamilya. Ang kanilang paghihikahos ngunit patuloy na paglaban sa hamon ng buhay.

“Napakahirap talaga ng buhay, hijo. Pero sa kwento mo, tingin ko ay darating sa’yo ang swerte dahil mabuti ang puso mo. Maniwala ka man o hindi, alam ng Diyos ang lahat ng ginagawa natin at sigurado akong pagpapalain ka Niya,” mahabang litanya nito bago siya binigyan ng isang ngiti.

Ilang sandali lamang at narating na nila ang Isla Manggagaway.

“Maraming salamat, hijo. Pagpalain ka ng Diyos,” nakangiting pasasalamat ng matanda.

Minasdan ni Nitoy ang dagat. Papadilim na kasi at malakas na ang hampas ng alon.

Nagulat siya nang tila mabasa ng matanda ang iniisip niya.

“‘Wag kang mag-alala, hijo. Iingatan ka ng dagat. Makakarating ka nang ligtas sa iyong paroroonan!”

Pasasalamatan niya sana ang matanda ngunit nang lingunin niya ito ay hindi niya na ito nakita. Nagtataka pa rin siya nang magsimula siyang pumalaot.

At nagdilang anghel naman ang matanda! Gaya ng sinabi nito, naging payapa ang alon habang papabalik siya sa kanilang isla.

Naisip niya na marahil ay misteryoso nga ang matandang nakatira sa misteryosong isla.

Kalat na ang dilim nang makarating siya sa pampang. Kasalukuyan niyang nililinis ang bangka nang magulat siya sa nakita. Sa isang panig ng kaniyang bangka ay nakatumpok na kung ano. Nang ilawan niya iyon ay nagulat siya sa nakita – mayroon doong sangkatutak na perlas!

Kinusot niya pa ang kaniyang mata sa pag-aakala na namamalikmata lang siya. Pero naroon pa rin ang mga perlas. Nang gumalaw ang bangka dahil sa isang malakas ng alon ay agad iyong kumalat sa sahig ng bangka.

Habang pinupulot ang hindi mabilang na perlas ay isang tanong ang naglalaro sa isipan ni Nitoy.

Paano nagkaroon ng perlas doon nang hindi niya namamalayan? Sigurado siya na wala pa iyon kanina bago siya umalis sa Isla Manggagaway!

Naalala niya ang sinabi ng misteryosong matanda.

“…darating sa’yo ang swerte dahil mabuti ang puso mo. Maniwala ka man o hindi, alam ng Diyos ang lahat ng ginagawa natin at sigurado akong pagpapalain ka Niya.”

Nanlaki ang mata niya. Marahil ay iyon na ang pagpapalang tinutukoy ng matanda!

Tuwang-tuwang umuwi si Nitoy bitbit ang mga perlas. Sinalubong siya ng kaniyang asawang labis ang pag-aalala.

Ngunit nang ibalita niya rito ang tungkol sa mga perlas ay halos magtatalon din ito sa sobrang tuwa.

Ibinenta nila ang mga perlas at nakakuha sila ng limpak-limpak na salapi.

Napakalaki ng pasasalamat ni Nitoy sa misteryosong matanda at sa Diyos. Natupad na ang nag-iisang hiling ng puso niya. Sa wakas, makakaahon na sila sa hirap!

Advertisement