
Todo Bantay ang Ginang sa Kaniyang Asawang Babaero, Makapagloko pa kaya ito sa Kaniya?
“Hoy, Kristine! Anong ginagawa mo mag-isa rito? May hinihintay ka bang kaibigan?” pang-uusisa ni Meann sa dati niyang katrabaho, isang hapon nang makita niya itong mag-isang nagkakape sa isang sikat na kapehan.
“Naku, wala. Susunduin ko lang ang asawa ko. Malapit na rin naman ‘yon mag-uwian. Gusto mo bang dito na lang kayo maupo ng asawa mo?” alok ni Kristine rito nang makilala ang naturang ginang.
“Ay, hindi, mayroon na kaming upuan banda roon. Nakita lang kitang mag-isa kaya pinuntahan kita. Maiba ako, bakit kailangan mong sunduin ang asawa mo? May sakit ba siya kaya hindi siya makauwi mag-isa?” tanong pa nito.
“Wala naman, gusto ko lang masiguro na pagkatapos ng trabaho niya, didiretso na siya sa bahay namin. Maloko kasi ‘yan, eh, ilang beses ko nang nahuhuling may babae,” kwento niya rito habang tumitingin-tingin sa pintuang lalabasan ng asawa.
“Kaya naman pala gan’yan ka na lang kung magbantay. Pero dapat siguro hindi mo na siya sinusundo, kasi ang kapag gusto ng lalaking magloko, gagawa pa rin ng paraan ‘yan,” payo nito sa kaniya na ikinataas ng kilay niya.
“Hinihingi ko ba ang opinyon mo? Balikan mo na ang asawa mo roon bago kita mapahiya rito,” babala niya rito dahilan para agad itong mapatayo mula sa pagkakaupo at siya’y iwan doon.
Bantay salakay sa kaniyang asawa ang ginang na si Kristine. Nadala na kasi siya sa sakit na kaniyang nararamdaman sa tuwing mahuhuli niya itong may kinakalantaryong babae. Kaya naman, ginagawa niya ang lahat para lamang ito ay mabantayan.
Sa katunayan, ang kagustuhan niyang mabantayan ito ay ang rason kung bakit siya umalis sa isang magandang kumpanyang pinagtatrababuhan niya noon. Kahit na ayaw siyang paalisin ng mga nakatataas doon dahil sa angking niyang galing, siya’y nagpumilit para lamang maihatid at maisundo ang asawa sa opisinang pinagtatrababuhan nito.
Katwiran niya, “Mawalan na ako ng trabaho, huwag lang akong mawalan ng asawa dahil sa mga lintang umaaligid-aligid!” kaya naman kahit nagmumukha na siyang desperada sa mata ng ibang tao, pilit niya pa ring ginagawa ang bagay na ito.
Madalas man siyang kagalitan ng asawa sa ginagawa niyang paghahatid-sundo rito, pinapasawalang-bahala niya ito. Kahit nga mga personal na lakad nito sa trabaho, hindi maaaring hindi siya kasama.
Sa tuwing sinasabi ng kaniyang asawa na hindi siya maaaring sumama, hindi niya ito pinapayagang umalis. Kung importante man ito at ayaw rin siyang isama, tinatakot niya itong lalagutan niya ng hininga ang sarili gamit ang mga gamot dahilan para kaniyang makuha ang gusto niya.
Nang hapong iyon, katulad ng nakasanayan niya, siya’y naghintay sa katapat na kapehan ng gusaling pinagtatrababuhan ng kaniyang asawa. Ngunit, natapos nang magkape ang dati niyang katrabaho at ang asawa nito, hindi pa rin lumalabas sa gusaling iyon ang kaniyang asawa dahilan para siya’y kabahan na.
Dahil hindi na nga siya mapirmi, siya’y sumabay papasok ng naturang gusali sa mga empleyadong galing sa naturang kapehan. Nang siya’y makapasok na, agad siyang nagtungo sa opisina ng kaniyang asawa sa pamamagitan ng lokasyong kinabit niya sa selpon nito.
At halos mawalan siya ng lakas nang tumambad sa kaniya ang walang pang-ibabang dalagang nakapatong sa asawa niya pagkabukas niya ng opisina nito.
“Sinasabi ko na nga ba! Kahit dito sa opisina, may umaaligid sa’yong linta!” sigaw niya dahilan para magkumpulan na ang mga empleyado roon at agad-agad na mag-ayos ang asawa niya at ang naturang dalaga.
Sa labis na pagkagalit niya, siya’y nagwala sa opisina nito at nagbasag nang kung anu-ano na naging dahilan para siya’y palabasin ng mga sekyu roon.
Habang siya’y naghihintay sa kaniyang asawa at umiiyak sa sobrang galit sa labas ng naturang gusali, muli niyang nakita ang dati niyang katrabaho na inaalalayang maglakad ng asawa nito at muling tumakbo sa isip niya ang sinabi nito.
“Siguro nga, gusto talaga ng asawa kong magloko. Kaya kahit anong bantay ko, nagagawa niya pa rin akong lokohin!” iyak niya.
Doon na siya nagpasiyang tuluyang iwan ang asawa. Mahirap man para sa kaniya dahil kakakasal lang nila, ginawa niya kung anong makakabuti sa kaniya.
“Bagong kasal lang kami pero sandamakmak na babae na ang pinalit niya sa akin. Siguro talaga, kailangan ko nang magising sa kahibangan ko!” wika niya sa sarili.
Simula noon, muli siyang bumalik sa dating pinagtatrababuhan at isinubsob ang sarili sa trabaho hanggang sa tuluyan na siyang makapag-ipon para sa sarili.
Wala mang lalaking nagpapasaya sa kaniya, nakakatulog naman siya nang payapa sa gabi at napapasaya niya ang sarili sa mga bagay na gusto niya talagang gawin.