
Iniiwan ng Amang Ito ang Anak Niya sa Kaniyang Kapatid, Nanghina ang Tuhod Niya nang Malaman ang Ginawa Nito
“Anak, magpakabait ka kay tito, ha? Kailangan ko nang lumaot ngayon. Siya na rin ulit ang maghahatid sa’yo sa eskwela, ha? Sabihin mo na lang sa akin kaagad kung may proyekto ka o takdang aralin para magawa natin agad, ayos ba ‘yon?” magiliw na sambit ni Brendo sa kaniyang anak, isang madaling araw bago siya manghuli ng isda sa laot.
“Papa, ayoko pong pumasok ngayon. Gusto ko pong sumama sa’yo sa laot,” sambit ng nag-iisa niyang anak na babae habang nagtatanggal pa ng mga muta.
“Naku, anak, hindi pupwede. Baka mamaya, mapahamak ka pa roon,” mahinahon niyang tugon dito.
“Sige na po, papa, gustong-gusto ko po talagang sumama sa inyo. Natatakot po ako rito sa bahay,” sambit nito na ikinapagtaka niya.
“Bakit ka naman matatakot, eh, nandito naman ang tito mo. Siya na ang bahala sa’yo. Gusto mo bang gisingin ko na siya para may kasama ka na?” alok niya rito.
“Huwag na po, papa, gusto ko lang talagang sumama sa’yo,” pangungulit nito na ikainis niya.
“Hindi na, anak, dito ka na lang. Masamang lumiban sa eskwela,” pangaral niya rito saka agad na kinalbit-kalbit ang tulog na kapatid, “Totong, lalaot na ako. Ikaw na ang bahala kay Grace, ha? Ihatid mo ‘to sa eskwela!” bilin niya rito.
“Oo, sige!” tangi niyang sagot saka bumalik sa pagtulog.
“Papa, sama ako!” pagpupumilit ng kaniyang anak.
“D’yan ka lang, Grace! Magagalit ako sa’yo! Aabutan na ako ng araw, kailangan ko nang umalis!” sigaw niya rito dahilan para maiyak na lamang ito habang pinagmamasdan siyang umalis.
Mag-isa nang binubuhay ni Brendo ang kaniyang anak. Tatlong taon na rin noong simula niya itong itaguyod mag-isa dahil sa ginawang kalokohan ng kaniyang kinakasama. Ayaw man niyang lumaking walang ina ang anak na babae, mas ayaw niya namang lumaki ito sa piling ng asawa niyang walang ginawa kung hindi ang magpakalulong sa bisyo at lalaki.
Kaya naman, kahit na hindi niya alam kung paano maaalagaan ang anak, ginawa niya ang lahat para matugunan ang mga pangangailangan nito.
Laking pasasamalat niya naman nang magpasiya ang kaniyang nakababatang kapatid na tumira sa kaniyang barung-barong nang ito’y iwan ng kinakasama. Sa ganitong paraan, kahit na siya na rin ang nagpapakain dito, mayroon namang nag-aalaga sa kaniyang anak sa tuwing siya’y pumapalot.
Nagagawa pa nitong ihatid-sundo ang kaniyang anak mula sa eskwela na labis niyang ikinatutuwa.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, pinasawalang-bahala niya ang palaging kagustuhan ng kaniyang anak na sumama sa kaniya sa laot. Sa isip-isip niya pa, “Mukhang tinatamad nang mag-aral ang anak ko, ha?” dahilan para lagi niyang tanggihan ang kahilingan nito.
Noong araw na ‘yon, agad na siyang lumaot matapos iwan ang anak sa bahay. Katulad ng mga nakaraang araw, matumal pa rin ang huli niya dahilan para pagdating ng tanghali, agad na siyang bumalik sa kanilang bahay.
Pero bago pa naman siya makarating sa bahay nila, sinalubong na siya ng isa niyang kumpare at siya’y pinapadiretso sa barangay.
“Bakit, anong mayroon sa barangay?” tanong niya rito.
“Iyang kapatid mong si Totong, nakita ng kapitbahay niyo na binababoy ang anak mo! Dalian mo, magpunta ka na roon para masapak mo na ang walang kwentang lalaking ‘yon!” wika nito na labis na ikinalambot ng tuhod niya.
Ngunit dahil sa galit na nararamdaman, siya’y agad na napahangos sa barangay. Unang bumungad sa kaniya ang nakatungo niyang kapatid bago ang anak niyang nakatapis lamang ng tuwalya habang yakap-yakap ng ginang nilang kapitbahay na lalong nagpainit sa dugo niya dahilan para masapok niya ito.
“Walang hiya ka! Ipapakulong kita! Hindi ko mapapalampas ang ginawa mo sa anak ko! Anim na taong gulang pa lang ‘yan, Totong!” sigaw niya rito habang sinusuntok-suntok ito.
Nang siya’y kumalma na, sinubukan niyang yakapin ang anak pero ayaw nitong sumama sa kaniya at doon siya nakaramdam nang labis na kirot sa puso.
“Pasensiya na, anak, kung pinagkatiwala kita sa iba. Pasensiya ka na, kung hindi kita pinakinggan at naalagaan nang mabuti. Patawarin mo si papa,” iyak niya habang pilit itong niyayakap.
Katulad ng kagustuhan niya, pinakulong niya ang kaniyang sariling kapatid at dahil napatunayan ang kasalanan nito sa tulong ng isang pampublikong abogado, ito’y nasintensyahan ng mahabang panahong pagkakabilanggo.
Naging mahirap man sa kaniya ang mag-isang pag-aalaga sa anak, kampante naman siyang nasa mabuti itong kamay. Labis niya ring ikinatuwa na unti-unting bumabalik sa dating sigla ang kaniyang anak.
“Salamat, Panginoon, pinaalam mo sa akin agad,” panalangin niya habang pinagmamasdang magbantay ng lambat ang anak niyang tuwang-tuwa sa mga nahuhuli nilang isda.