Pinainggit ng Ginang sa Kapatid ang Regalong Natanggap mula sa mga Anak, Mas Maganda pala ang Regalong Matatanggap Nito

Pinainggit ng Ginang sa Kapatid ang Regalong Natanggap mula sa mga Anak, Mas Maganda pala ang Regalong Matatanggap Nito

FamilyInspiringStories

“Ate, nakita mo na ba itong regalo sa akin ng mga anak ko?” tanong ni Marissa sa kaniyang nakatatandang kapatid, isang umaga nang puntahan niya ito sa tabing bahay kung saan ito nakatira. 

“Ay, oo, nakita ko na sa social media kanina! Grabe, ano, pinaghandaan ng mga anak mo ang mother’s day!” natutuwang sagot nito saka inusisa ang bitbit-bitbit niyang bulaklak. 

“Oo nga, ate, eh, napakaswerte ko talaga sa mga anak ko! Mantakin mo, bukod sa bulaklak at cake na binigay nila sa akin, mayroon pa akong tatlong libong piso!” painggit niya pa saka inilabas ang perang bigay ng mga anak. 

“Nakakatuwa naman!” tanging sambit nito habang pinagmamasdan ang naggagandahang bulaklak na dala niya. 

“Sinabi mo pa, ate! Eh, ang mga anak mo, anong regalo sa’yo ngayong araw ng mga ina? Wala, ‘no? Puro pasarap kasi ang mga anak mo, ate, eh. Dapat pagsabihan mo sila, hindi ‘yong hahayaan mo lang silang magpunta kung saan-saan kasama ang mga kasintahan nila tapos kakalimutan na ang mga espesyal na araw katulad nito!” payo niya sa kapatid. 

“Ibig sabihin, pinagsabihan mo ang mga anak mo na bigyan ka ng regalo?” tanong nito sa kaniya. 

“Aba, siyempre, ate! Kailangang paalalahanan mo silang huwag kang kalimutan!” kumpiyansado niyang tugon habang pinaparinig pa sa mga anak nito ang kaniyang mga sinasabi. 

Walang araw na hindi kinukumpara ng ginang na si Marissa ang kaniyang mga anak sa mga anak ng kaniyang nakatatandang kapatid na nakatira lamang sa tabi ng kanilang bahay. Mapatalino sa paaralan o kahit simpleng uwing pagkain ng kaniyang mga anak mula sa trabaho, agad niyang binibida sa kapatid. Saka ipapamukha rito na magaling at mapagmahal ang kaniyang mga anak kaysa sa mga anak nito. 

Kung minsan naman, kapag nakikita niyang bahagyang lumalamang ang mga anak nito sa mga anak niya, gagawa siya ng paraan upang muling manguna ang kaniyang mga anak. 

Sa katunayan, sa kanilang mga salu-salo, palagi niyang tinutulak ang mga anak na magpabida upang sila ang gustuhin ng iba nilang mga kaanak kaysa sa mga anak ng kaniyang kapatid. Kahit nga hindi marunong kumanta ang kaniyang anak, pipilitin niyang kumanta ang mga ito kapag narinig niyang kumanta na ang anak ng kaniyang kapatid. 

Bakit niya ito ginagawa? Simple lang, gusto niya lang na palaging lamangan ang kaniyang kapatid dahil simula nang bata pa lamang sila, ito na ang paborito ng lahat dahil sa talino at pagiging masayahin nito. 

Kaya naman, ngayong nakakita siya ng paraan paano maiparamdam dito na mas swerte siya buhay dahil sa kaniyang mga anak, tinuloy-tuloy niya na ito hanggang sa lumaki na at magkaroon ng sari-sariling trabaho ang kanilang mga anak.

Nang araw na ‘yon, ibibida niya pa lang sana ang bagong biling selpon ng kaniyang anak, bigla namang lumabas ng bahay ang mga anak ng kaniyang kapatid at may maliit na kahong binigay dito. 

“Ano ba ‘yan? Iyan lang ang regalo niyo sa nanay niyo? Kahit kailan, nakakaawa talaga kayo!” patawa-tawa niyang sambit sa mga ito. 

“Buksan mo na po, mama, para tumigil na kakadakdak ang kapatid mo,” sambit ng panganay na anak nito na labis niyang ikinagalit. 

Ngunit bago niya pa man mabungangaan ito, naagaw na ng susing laman ng naturang kahon ang kaniyang atensyon. 

“Mga anak, anong ibig sabihin nito?” mangiyakngiyak na tanong ng kaniyang kapatid. 

“May bahay ka na, mama!” sabay-sabay na wika ng mga ito na labis niyang ikinagulat.

“Naku, ang sarap namang makatanggap ng regalong mula sa puso ng mga anak! Sobra-sobra ito!” hikbi nito na kaniyang ikinapahiya. 

Ilang araw lang ang lumipas, tuluyan na ngang naglipat ng mga gamit ang kaniyang kapatid na lalo niyang ikinainggit. Nagalit siya sa mga anak kung bakit siya, hindi pa nabibilhan ng bagong bahay ng mga ito at sumampal sa kaniya ang sinabi ng kaniyang kapatid nang minsan siyang marinig nito. 

“Huwag mo kasing obligahin ang mga anak mo. Suportahan mo sila sa kung ano talagang gusto nila. May mga isip naman ‘yan, sigurado akong kapag nagabayan mo sila nang ayos, kahit magkaroon na sila ng sariling pamilya, hindi ka nila kalilimutan,” wika nito na ikinatungo niya. 

Simula noon, imbis na araw-araw pagalitan ang mga anak sa ikinaiinggit niyang bahay ng kapatid, sinuportahan niya ang mga ito sa kani-kanilang mga pangarap. 

Hindi man siya agad-agad na makatanggap ng mga regalo sa anak, tunay na sayang mula sa puso ang nararamdaman niya sa tuwing makikita niyang masaya ang mga ito. 

More Stories