Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinadaan ng Pulis ang Dalagitang Bibili ng Gamot, Akala Niya’y Nagsisinungaling Ito Para Lang Makagala

Hindi Pinadaan ng Pulis ang Dalagitang Bibili ng Gamot, Akala Niya’y Nagsisinungaling Ito Para Lang Makagala

“Hoy! Saan ang punta mo, hija? Ilang taon ka na ba? Hindi ba’t bawal lumabas ang menor de edad ngayon?” saway ni Armando sa isang dalagitang dadaan sa harang na inilagay nilang mga pulis papunta sa palengke.

“Labing walong taong gulang na ako, sir. Pakiusap, padaanin niyo na po ako. Kailangang-kailangan ko na pong makabili ng gamot para sa lola ko,” sagot nito na hindi niya pinaniwalaan.

“Ay, naku, hindi pupwede sa akin ang teknik mong ‘yan! Patingin ako ng ID mo kung nasa legal na edad ka na talaga,” wika niya pa dahilan para mapakamot sa ulo ang dalagita.

“Wala po akong dala, sir, kasi nagmamadali na po ako. Hirap na hirap na pong huminga ang lola ko,” mangiyakngiyak na sambit nito na ikinatawa niya lamang.

“Mga kabataan nga naman ngayon! Basta makagala lang, pati kalagayan ng mahal sa buhay, gagamiting dahilan! Umuwi ka na sa inyo, hija, hindi ka makakalusot sa akin!” pagmamatigas niya saka agad pang hinarang ang hawak niyang baston sa dadaanan nito.

“Sir, may lola rin naman kayo, sir! Pakiusap, padaanin niyo na ako!” pagmamakaawa nito.

“Aba, matigas ka, ha?” inis niyang sambit, “Sir Lito, isakay niyo na nga ito sa patrol! Napakakulit, eh!” wika niya pa saka agad nang pinasakay sa patrol ang naturang dalagitang umiiyak at nagwawala.

Bantay sa isang checkpoint ngayong may kumakalat na sakit sa kanilang lugar ang pulis na si Armando. Katulad ng ibang mga pulis na nagkalat sa lansangan ngayong may krisis, siya rin ay mahigpit na tumutupad sa mga pinag-uutos sa kaniya ng mga nakatataas at mga alintuntunin sa komunidad.

Sa katunayan, siya ang pinakamaraming nahuhuling mamamayan na walang faceshield, walang facemask at higit sa lahat, mga taong hindi sumunod sa curfew hours at lahat ng ito’y kaniyang dinadala sa kanilang presinto upang utusang maglinis ng kanilang lugar at presinto.

Kahit mga kakilala niya o kaanak, basta’t lumabag sa batas, kaniya agad na pasasakayin sa patrol at dadalhin sa presinto. Katwiran niya, “Kung magiging maluwag ako sa mga tao at kung mayroon akong kinikilingan, hindi makakatakas mula sa sakit ang siyudad na ito at hindi ako gagalangin ng mga tao. Para saan pang naging pulis ako?” dahilan kaya ganoon na lamang siya naghihigpit sa kaniyang pagbabantay.

Noong araw na ‘yon, hindi siya naniwala sa sinabing dahilan ng naturang dalagita. Nalaman niya pang labing limang taong gulang lang ito dahilan para hindi niya talaga ito pakawalan at tuluyang dalhin sa kanilang presinto.

“Nagsinungaling ka pa talaga sa akin, ha? Hindi mo ba ako kilala? Hindi ka ba natatakot sa akin?” galit niyang tanong sa dalaga.

“Nagawa ko lang naman ‘yon, sir, dahil kailangan nang makainom ng gamot ang lola ko! Kapag may hindi magandang nangyari sa kaniya, magbabayad kayong lahat!” sigaw nito sa kaniya habang humagulgol.

“Talagang pinapanindigan mo ang kasinungalingan mo, ha?” nakangisi niyang sambit saka ito pinag-ehersisyo sa initan.

Habang masaya siyang pinapanuod ang dalagitang nag-ehersisyo sa initan kasama ang kaniyang mga kapwa pulis, bigla siyang nakatanggap ng tawag na may kumpulan ng mga taong nagaganap sa barangay na binabantayan nila kanina.

“Ang titigas talaga ng ulo ng mga ‘yan! Mukhang nagsusugal na naman!” sigaw niya, “Hoy, ikaw! Halika na, iuuwi ka na namin sa bahay niyo!” utos niya sa dalagitang pawis na pawis.

Ngunit bigla siyang nanlamig nang hindi sugalan ang tumambad sa kanila kung hindi ang walang buhay na katawan ng matandang lola ng dalagitang kanilang dinampot.

“Lola ko!” sigaw nito saka agad na niyakap ang walang malay na matanda.

“Bakit hindi pa kayo natawag ng ambulansya?” inis niyang tanong sa mga taong nakikiisyoso.

“Walang bakante ambulansya, sir, wala rin naman silang pera pangbayad. Bukod pa roon, nakita na lang namin ‘yang wala nang buhay,” paliwanag ng isang resident na kaniyang agad na ikinakaba bigla kasing sumagi sa isip niya ang banta ng dalagita sa kaniya.

At hindi nga siya nagkamali dahil wala pang isang oras na nadala sa morgue ang labi ng naturang matanda, kalat na sa social media ang bidyong nakuhana ng dalagita simula nang sitahin niya ito hanggang sa makita nilang wala nang buhay ang lola nito. Maraming tao ang nagalit sa kaniya at hinihiling na patalsikin ang mga tulad niyang pulis.

“Sinabi ko sa’yo, magbabayad kayo!” iyak ng naturang dalagita nang makita siyang muling nagpapatrol.

Dahil sa insidenteng ito na nakarating sa kanilang hepe, siya’y pansamantalang tinanggalan ng lisensya at trabaho. Wala pang linaw kung maibabalik pa ito sa kaniya o hindi na. Labis niyang pinagsisihan ang ginawang ito na talagang nakaapekto sa isang dalagitang nais lamang madugtungan ang buhay ng kaniyang minamahal na lola.

“Pangako, maibalik lang ako sa serbisyo, maglilingkod na ako nang may puso!” iyak niya sa Panginoon.

Advertisement