Inday TrendingInday Trending
Kahit Nagkamali ay Buong Puso pa ring Tinanggap ng Lalaki ang Babae; Ikagugulat Niya ang Isusukli Nito sa Kaniya

Kahit Nagkamali ay Buong Puso pa ring Tinanggap ng Lalaki ang Babae; Ikagugulat Niya ang Isusukli Nito sa Kaniya

Dating magkasintahan sina Norbert at Felicity subalit nagkalabuan sila at nagmahal ang babae ng ibang mga lalaki ngunit minsang nagkamali ito sa piniling lalaki at naging b*ktima ng bulag na pag-ibig. Kahit pa naudlot ang relasyon nilang dalawa ay malapit na kaibigan pa rin ang turing nila sa isa’t isa.

“Alam mo namang g*go ang lakaking ‘yon, eh, pero nagdesisyon ka pa ring bumalik sa kaniya,” inis na sabi ng lalaki.

“Dahil magkakaanak na kami ni Galvin, Norbert,” sagot ni Felicity.

“Iyon lang ba ang dahilan? O dahil mahal mo pa rin siya? Kailan mo ba maiisip na kahit kailan ay hindi ka naman niya minahal,” malungkot na tugon ni Norbert.

“Siya pa rin ang ama ng ipinagbubuntis ko, Norbert. Nasa kaniyang lahat ang karapatan kaya dapat lang na bumalik ako sa kaniya.”

Sino nga ba si Norbert para pigilan ang pasya ni Felicity?

“Nauunawaan ko…” tanging nasabi ng lalaki.

“Maraming salamat sa lahat ng tulong at nagawa mo sa akin. Hindi kita malilimutan,” pagpapaalam ni Felicity sa kaniya bago ito lumisan.

“Dalangin ko ang kaligtasan mo at ng iyong magiging anak. “T-tandaan mo na palagi akong maghihintay sa inyong pagbabalik,” sinserong tugon ni Norbert.

“Ikinalulungkot ko, pero hindi na siguro ako makakabalik dito sa probinsya, Norbert. Napag-usapan na namin ni Galvin na sa Maynila na manirahan.”

“G-ganoon ba? Mag-iingat kayo. Tumawag ka lang kapag may kailangan ka.”

“Sige, Norbert. Salamat.”

Nang makaalis ang babae ay napuno ng kalungkutan ang puso ng lalaki. Si Norbert na maituturing ding bulag na umiibig kay Felicity. Na kahit yata ilang beses mang malugmok ang puso niya rito’y dalawang kamay pa rin niyang tatanggapin.

“Kahit imposible ay maghihintay pa rin ako sa iyo, Felicity, dahil mahal kita,” sambit ni Norbert sa sarili habang tinatanaw ang paglayo ng babaeng mahalaga sa buhay niya.

Kahit ang mga kaibigan niya ay pinagtatawanan siya dahil kung siya ang tatanungin ay buong puso niyang aangkinin kahit na hindi sa kaniya ang sanggol na nasa sinapupunan ni Felicity.

“Bulag ka nang talaga, Norbert! Sakaling magbalik nga rito si Felicity ay muli mo pa rin siyang tatanggapin? Nahihibang ka na! Ang lagay eh, takbuhan ka niya bawat pagkakamali?” sabi ng kaibigan niyang si Abel.

Ngunit kahit anong sabihin ng iba ay bingi na rin siya sa opinyon ng mga ito ukol sa sinisimpatiya niyang babae.

Mabilis na lumipas ang mga buwan at muli ngang nagbalik si Felicity sa kanilang lugar.

“Wala na si Galvin, Norbert. Tuluyan na niya kaming iniwan ng anak ko. Mula nang magpunta siya sa Saudi ay wala na akong balita sa kaniya. Hindi na rin niya sinasagot ang mga tawag ko. Isang araw ay nabalitaan ko na lang na may iba na siyang kinakasama. Inabandona na niya kami,” naluluhang sabi ni Felicity bitbit ang isang sanggol.

At gaya ng dati, ang mga balikat ni Norbert ay laging nakahanda sa bawat pagluha ng babaeng iniibig.

“Bakit naging ganito ang buhay ko, Norbert? Bakit? Hindi ko na yata kaya ito!” hagulgol ni Felicity na ‘di na napigilang mapayakap sa kaniya.

“Kaya mo, Felicity, kaya mo hangga’t narito ako,” wika ni Norbert.

“Salamat, Norbert, salamat!”

Inako ni Norbert ang pagiging ama sa anak ni Felicity sa ibang lalaki at inangkin ito na parang tunay niyang dugo’t laman. Muling nanumbalik ang pagmamahal ni Felicity sa kaniya at sila ay nagsama sa iisang bubong at bumuo ng pamilya ngunit makalipas ang tatlong buwan ay nagbalik si Galvin sa buhay ni Felicity at nakikipagbalikan. Minsan nga ay nahuli pa niyang nakikipagtagpo si Felicity sa lalaki. Hanggang saan nga ba kayang sinupin ng mga kamay niya ang pagkakamali ng babaeng iniibig niya?

Nang magkita sila sa bahay ay napansin ni Felicity ang katahimikan niya.

“Kanina ko pa napapansing matamlay ka?” nag-aalala nitong tanong.

“N-nagbalik na siya sa buhay mo, ‘di ba? Nakita ko kayong nag-uusap kanina sa plaza,” sagot ni Norbert.

“P-pero tiyak kong hindi mo narinig ang sinabi ko kay Galvin,” sabi ni Felicity.

“Anuman ang napag-usapan ninyo, nasa iyo pa rin ang pagpapasya,” tugon ng lalaki.

“Sayang, sana’y narinig mong sinabi ko sa kaniya na wala na siyang babalikan pa sa aming mag-ina…”

Nagulat si Norbert sa inihayag ng babae.

“A-anong ibig mong sabihin?”

“Hindi na kami muling babalik sa kaniya dahil panghihinayangan naming mag-ina ang isang katulad mo kung muli kaming makikipagsapalaran sa piling niya,” bunyag ni Felicity sabay yakap sa kaniya ng ubod nang higpit. Yakap na puno ng pagmamahal.

Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Norbert.

“Talaga ba, Felicity, mahal mo pa rin ako?”

“Oo, Norbert. Kahit kailan naman ay hindi nawala ang pagmamahal ko sa iyo. Inaamin ko na nagkamali ako ng landas noon pero napagtanto ko na ikaw pa rin ang itinitibok nitong puso ko. Sa maraming beses kong pagkakadapa’y sa piling mo ako muling bumabangon. Salamat sa pag-ibig mo, mahal ko,” saad pa ni Felicity.

“Oh, mahal, salamat, salamat!” naiiyak pa ring sambit ni Norbert na nag-uumapaw ang kaligayahan.

Sa wakas ay nanumbalik ulit ang pag-ibig sa kaniya ni Felicity na konsolasyon sa pag-ibig na itinanim niya. Nagpakasal ang dalawa at nagkaroon ng isa pang anak. Namuhay sila ng tahimik at payak sa probinsya na puno ng pagmamahalan.

Advertisement