
Bukod sa Kapirasong Manok ay Binigyan pa ng Pera ng Lalaki ang Gusgusing Pulubi; Ibang Klase Pala Itong Tumanaw ng Utang na Loob
Nakaramdam na ng matinding gutom si Ernest kaya inihinto muna niya ang sasakyan sa isang tabi at pumasok sa isang restaurant para kumain.
“Sa wakas at makakakain na rin ako. Ang haba ng oras ng meeting namin kanina sa opisina kaya hindi ako nakapananghalian. Kumakalam na itong sikmura ko,” sabi niya sa isip.
Napansin niya na kaunti lang ang mga taong naroon at napangiti siya.
“Mabuti naman at hindi masyadong marami ang kumakain. Madali akong makaka-order.”
Nagmamadali siyang lumapit sa counter at nagsimula nang umorder ng pagkain. Ilang minuto lang siyang naghintay at dumating na agad ang order niya.
“Wow, ang bilis ng order ko! Ayos talaga kapag kaunti ang mga customer, mabilis nilang naise-serve ang mga pagkain,” wika niya sa sarili.
Isusubo na lang ni Ernest ang isang kutsarang pansit matapos niyang kumagat sa hamburger nang mapalingon siya sa labas ng restaurant. Nasulyapan niya ang isang gusgusing pulubi na nakatanghod sa kaniya’t tumakam-takam na wari’y nagmamakaawang makaamot ng kahit katiting na makakain.
Ang unang reaksyon ni Ernest ay umismid. Hindi pinansin ang pulubi at itinuloy ang pagkain. Tumipak siya ng kapiraso sa hita ng inihaw na manok.
“Mukhang masarap ito at malaman. Eksaktong-eksakto ang pagkaka-ihaw.”
Ngunit ‘di sinasadyang nahulog ang hita ng inihaw na manok sa sahig.
“Ay! Nalaglag!”
‘Di niya namalayan na mabilis na pumasok sa loob ng restaurant ang pulubi at dali-daling pinulot ang nahulog na piraso ng manok na nasa sahig.
Sinaway niya ang lalaking pulubi.
“H-hoy! Saan mo dadalhin ‘yan?!” sigaw ni Ernest.
Hindi pa man siya halos nakakatayo sa upua’y mabilis nang nakatakbo ang gusgusing pulubi palabas sa resturant. Dala nito ang hita ng manok na nahulog.
Nakaramdam ng matinding inis si Ernest sa nangyari.
“Buwisit na pulubi ‘yon! Sayang ‘yung hita ng manok, puwede ko pang ipakain ‘yon sa alaga kong pusa, eh!”
Gayunma’y nabusog pa rin siya sa dami ng nakain niyang masasarap na’y mamahalin pang mga pagkain.
“Di bale, nabusog naman ako. Sulit na sulit ang ibinayad ko sa restaurant na ito,” sambit pa niya.
Pagkatapos kumain ay naisipan niyang umuwi na at sumakay sa kaniyang kotse. Hindi niya akalaing mapapadaan ang sasakyang minamaneho sa highway kung saan may isang maliit na barong-barong na yari sa karton at dahon ng buko. Natanaw niya sa labas ang isang pamilyar na mukha na pumasok sa loob niyon.
“T-teka, ang gusgusing pulubi na kumuha ng nahulog kong manok! Dun pala siya nakatira?” aniya.
Agad niyang inihinto ang sasakyan sa tabi at bumaba. Pupuntahan niya ang pulubi para bawiin ang kinuha nitong manok na ibibigay niya sa alagang pusa.
“Kesa naman bumili pa ako ng pagkain ni muning, kukunin ko na lang sa gusgusing pulubi na ‘yon ang kinuha niyang manok!”
Nang lapitan niya ang maliit na bahay kung saan nakatira ang pulubi ay tumambad sa kaniya ang gusgusing pulubi kasama ang isang babaeng nakahiga na tila may karamdaman at dalawang maliliit at patpating mga supling. Napagtanto niya na iyon ang mag-iina ng lalaking pulubi ngunit ang nagpalaki ng mga mata ni Ernest ay ang nasaksihan niya sa loob ng maliit na barong-barong na iyon.
“Yung kapirasong hita ng manok… hati-hati nilang kinakain!” gulat niyang sabi sa sarili. “Ano na lamang ang mailalaman nu’n sa kanilang tiyan?” habol pa niyang tanong sa isip.
Nakaramdam siya ng habag sa pamilyang iyon na nasa kaniyang harapan. Pinaghahatian ng mga ito ang kapirasong hita ng manok samantalang siya’y kahit gaano karami, kahit gaano kalaki at kahit gaano kamahal na mga pagkain ay kaya niyang kainin. Balak pa niyang ipakain sa alaga niyang pusa ang kapirasong manok, pero ang kakain pala niyon ay isang pamilya na.
Mayamaya ay nakita siya ng gusgusing pulubi at nahintakutan ito nang mapagsino siya.
“N-nakupo! Parang awa niyo na po, h-huwag niyo po akong ipapahuli sa pulis! Kinuha ko po ang kapirasong manok para may maipakain ako sa aking mag-iina,” wika ng lalaking pulubi.
“H-hindi, hindi kita ipapahuli sa pulis. A-ang totoo’y narito ako para bigyan ka ng perang pambili ng masarap na pagkain para sa pamilya mo,” sagot ni Ernest sabay abot ng pera sa pulubi.
Tuwang-tuwang tinanggap ng gusgusing pulubi ang perang ibinigay niya.
“M-maraming salamat po, sir! Sa malaking halagang ito’y marami na akong mabibiling pagkain para sa aking mag-iina. Mabibili ko na rin ng gamot ang aking asawa na maysakit,” tugon ng pulubi na halos lumuhod na sa harap niya.
Nagpasalamat din sa kaniya ang mag-iina nito sa tulong na ibinigay niya.
‘Di nagtagal ay nagpaalam na siya sa mga ito. Sasakay na sana siya sa kaniyang kotse nang biglang may lalaking lumapit sa kaniya at tinutukan siya ng patalim sa tagiliran.
“Hoy, pare, huwag kang kikilos nang masama kung ayaw mong gripuhan ko ‘yang tagiliran mo!” wika ng lalaki.
Alam na agad ni Ernest na holdap ang gusto ng lalaki ngunit ‘di niya hahayaan na mangyari iyon kaya nanlaban siya. Gamit ang kaniyang kamao ay mabilis niyang napatumba ang lalaking holdaper ngunit sadyang malakas ito at inundayan siya ng s*ksak. Akala ni Ernest ay katapusan na niya subalit biglang iniharang ng gusgusing pulubi ang sariling katawan at ito ang nasaksak ng holdaper. Dahil sa takot ay kumaripas ng takbo ang holdaper. Duguang bumagsak ang pulubi.
“B-bakit mo ginawa ito?!” gulat na tanong ni Ernest sa isip sa pagliligtas sa kaniya ng pulubi.
Gamit ang sariling sasakyan ay dinala niya sa ospital ang pulubi. Mabuti na lang at hindi malala ang lagay nito at maayos na nagamot ng doktor ang tinamo nitong sugat sa tiyan.
Nang magkamalay ay tinanong niya ito.
“Bakit mo ako iniligtas? Hindi mo ba naisip na maari mong ikas*wi ang ginawa mong pagharang ng iyong katawan sa panaksak ng holdaper na ‘yon?” tanong niya.
Ngumiti ang gusgusing pulubi.
“Tumatanaw lang po ako ng utang na loob sa iyo, sir dahil hindi niyo po ako pinahuli sa pulis sa ginawa kong pagkuha sa pagkain niyo. Kung makukulong ako’y paano na ang aking mag-iina? Malaking tulong din po ang ibinigay niyong pera, ilang araw na makakakain ng maayos ang aking pamilya, tugon ng pulubi.
‘Di namalayan ni Ernest na tumutulo na pala ang luha sa kaniyang mga mata. Naiyak siya sa ginawang pagsasakripisyo ng pulubi, na sa maliit na pagtulong niya rito’y nagawa nitong ibuwis ang sariling buhay upang mailigtas lamang siya sa kapahamakan.
Lubos ang pasasalamat niya sa pulubi na nagpakilalang si Damian. Hindi akalain ni Ernest na makakakilala siya ng taong kagaya ni Damian. Ang tagpong iyon ang nagbigay daan sa pagiging magkaibigan nilang dalawa. Natuto si Ernest na maging matulungin at mapagbigay sa kapwa. Tinulungan niya si Damian na magkaroon ng maayos na trabaho. Kinuha niya itong hardinero sa kaniyang bahay. Bukod sa lalaki ay bukas-palad din niyang pinatuloy sa bahay niya ang mag-iina nito. Sinuklian naman ng mga ito ng kabaitan at katapatan ang pagmamagandang loob niya.

Dragon ang Tingin ng mga Mag-aaral sa Gurong Ito, Kaya Naman Isa sa Kanila ang Nagnais na Matuklasan ang Anumang Tinatagong Lihim Nito; Ano Kaya ang Kaniyang Matutuklasan?
