
Dragon ang Tingin ng mga Mag-aaral sa Gurong Ito, Kaya Naman Isa sa Kanila ang Nagnais na Matuklasan ang Anumang Tinatagong Lihim Nito; Ano Kaya ang Kaniyang Matutuklasan?
“Hayan na si Dragona! Magsiupo na kayo!”
Tila nagpulasan ang mga mag-aaral na kanina lamang ay kung ano-ano ang pinaggagawa. Sa hudyat ng kanilang ‘look-out’ na kaklase na malapit sa bintana ng kanilang silid-aralan, agad na nagsiupo sa kani-kanilang mga upuan ang mga mag-aaral. Ang ilang mga babae ay sinipat-sipat ang sarili sa maliit na salamin. Ang mga lalaki naman ay inayos-ayos ang kanilang mga kuwelyo.
Pagkapasok na pagkapasok pa lamang ng kanilang gurong tantiya nila ay nasa edad 40 na ngunit wala pa ring asawa at mga anak, tila mga robot na nagsitayuan ang lahat. Agad na nagtungo sa harapan ng klase ang mag-aaral na mangunguna sa panalangin. Matapos pangunahan ang pag-usal sa dasal, bumati na ang mga mag-aaral sa kanilang guro at pinaupo na sila nito.
Maya-maya, nagturo na si Bb. Cordova, at halos lahat ay matamang nakikinig, hindi lamang dahil sa mataas na paggalang nila sa guro, dahil na rin sa walang sinasanto ang kanilang guro pagdating sa resitasyon. Mabibigat ang mga binibitiwan nitong mga tanong na kay hirap sagutin, kaya kailangang bukas ang mga mata at tenga upang hindi mapahiya sa klase.
Isa sa mga nanginginig sa kaniyang presensya si Carlo na laging nananalangin na sana ay matapos na ang oras ni Bb. Cordova, na sana ay tumunog na ang bell, hudyat na tapos na klase. Subalit tila inaadya naman ng pagkakataon na siya ang matawag nito.
Matagal na napatitig lamang si Carlo sa kaniyang guro. Hindi siya makasagot dahil hindi niya talaga alam ang sagot. Aminado naman siyang hindi siya nakapag-aral ng leksyon dahil tinapos niya ang proyekto sa iba pang mga asignatura. Hiyang-hiya siya. Tila nais na niyang lumubog sa kinatatayuan.
“Sa susunod, huwag kang papasok sa klase na hindi handa. Isang mortal na kasalanan sa akin ang gawaing iyan. Sige, maupo ka na at tatawag ako ng iba na laging handa.”
Pakiramdam ni Carlo at pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Pahiyang-pahiya siya sa klase lalo na sa mga mata ng kaniyang crush na si Florerie. Tila wala na siyang mukhang ihaharap sa kaniyang mga kaklase.
Sa wakas ay natapos na rin ang kanilang klase at nilapitan siya ng kaniyang mga kaibigan.
“Pre, anong nangyari? Bakit hindi ka nakasagot kay Ma’am?” untag sa kaniya ng kaibigang si Jeremiah.
“Eh sa hindi ko alam sasabihin ko eh, anong gagawin ko? Hayaan mo na siya, tapos na ‘yon,” nasabi na lamang ni Carlo.
“Naku p’re, bawas pogi points ka tuloy kay Florerie. Sa susunod kasi, galingan mo na para naman mabilib sa iyo ang crush mo.”
At iyon ang simula ng pag-usbong ng pakainis ni Carlo sa kaniyang gurong si Bb. Cordova. Pakiramdam niya ay masama ang ugali nito at walang puso, kaya wala pa ring asawa sa kabila ng edad nito.
Isang araw, habang papauwi si Carlo sa kanila, napansin niya si Bb. Cordova na papauwi na rin. Ngunit tila hindi ito sumakay ng pampublikong sasakyan kundi naglakad lamang. Minabuti niyang sundan ito upang malaman kung saan ito pupunta. Kung makakakita siya ng di-maganda nitong gagawin, tiyak na maikukuwento niya ito sa kaniyang mga kaklase.
Ito na nga naman ang pagkakataon niya upang ‘masira’ ang kaniyang guro. Napansin niyang may hawak itong mga plastik sa magkabilang kamay, na naglalaman ng tila mga tinapay at tetra pack na juice. Palagay niya ay namili muna ito sa grocery.
Ngunit laking gulat niya nang makita ang ginagawa ng kaniyang guro. Sa tuwing makakakita ito ng taong palaboy sa lansangan ay inaabutan niya ito ng tinapay at tetra pack na juice!
Ang guro pala niya na mala-dragon sa kanilang harapan dahil sa masungit at istrikto nitong pagtuturo ay may itinatago palang kabutihan ng puso.
Hanggang sa napansin siya nito.
“Carlo, kanina ka pa ba? Bakit mo ako sinusundan?” untag ni Bb. Cordova sa kaniya. Subalit nakangiti ito sa kaniya, at ngayon lamang niya nakita ang napakaganda nitong ngiti, na hindi niya nakikita kapag nasa harapan ito ng klase.
“N-Naglalakad po ako pauwi Ma’am, nang makita ko po kayo. Lagi po ba ninyong ginagawa ang pamimigay ng pagkain sa mga nagugutom sa kalsada?”
“Oo. Huwag mo na lamang ipagsasabi sa iyong mga kaklase ang aking lihim. Dati kasi akong katulad nila. Nagsumikap akong makatapos ng pag-aaral upang mabigyan ng magandang buhay ang aking sarili. Nagpapasalamat ako sa mga taong tumulong sa akin upang magtagumpay,” naluluhang paliwanag ni Bb. Cordova kay Carlo.
Simula noon, nagbago ang pagtingin ni Carlo para sa kaniyang guro, na sa tingin ng kaniyang mga kaklase ay dragon, subalit maamong tupa ang taglay na puso.
Siya na mismo ang nagtatanggol sa kaniyang mga kaklase rito dahil alam niyang mabuti talaga ang puso nito.