
Sa Hindi Inaasahang Pagkakataon, Sumakabilang-buhay ang Kalabaw ng Magsasaka; Paano na ang Kabuhayan Niya?
Hinimas-himas ni Mang Rogelio ang kaniyang alagang kalabaw na si Onse, matapos mapakain ng dayami at mapainom ng tubig. Parang isang tunay na tao na kinausap niya ito.
“Onse ko, maraming salamat at lagi kang nariyan. Malaking tulong ka talaga sa akin. Salamat sa serbisyo mo,” ani Mang Rogelio.
Pagsasaka ang ikinabubuhay ni Mang Rogelio, na namana naman niya sa kaniyang ama. Naipasang trabaho, naipasang gawain, na naipasa naman niya sa kaniyang mga anak. Wala siyang alam na ibang mapagkakakitaan kundi ang pagsasaka at kaugnay nito, gaya ng pagtitinda at paglalako ng mismong mga ani niyang gulay.
Malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang kaibigan at katuwang na si Onse—ang anak na kalabaw ng kalabaw ng kaniyang ama. Ito ang nakakatuwang niya sa mga gawaing pambukid, gayundin sa paglalako ng mga gulay.
Kaya naman, kaantas ng isang anak ang uri ng pag-aalaga ni Mang Rogelio kay Onse. Matiyaga niya itong pinakakain at pinaliligo sa ilog. Kinakausap din niya ito na para bang nauunawaan siya. Hindi niya inaalintana ang mainit na sikat ng araw sa pagkuha ng mga sariwang damo upang maipakain kay Onse.
Minsan, binibiro na siya ng kaniyang misis na si Aling Salome. Wala kasi silang anak.
“Parang mas mahal mo pa si Onse kaysa sa akin. Siya na lang kaya ang pakasalan mo?” minsan ay nasabi ni Aling Salome.
Inihinto naman ni Mang Rogelio ang kaniyang ginagawa at lumapit sa kaniyang misis.
“Salome naman… alam mo namang kayo lamang ni Onse ang dahilan ng pagbangon ko sa umaga. Huwag ka nang magselos sa kaniya. Ituring na lamang natin siyang anak natin,” sabi ni Mang Rogelio.
Ngunit isang umaga, nagulat na lamang ang mag-asawa nang makitang nakahandusay si Onse sa lupa: malaki ang sugat nito sa katawan, na para bang sinila ng isang mabangis na hayop na napadpad sa kanilang lugar. Palagay nila, isang baboy-ramo ang gumawa nito.
Ganoon na lamang ang paghihinagpis ni Mang Rogelio. Nawala na ang kaniyang alaga, na itinuturing niyang isang kaibigan, o isang anak. Higit pa roon, paano na ang kaniyang kabuhayan? Hindi biro ang ginagawa nila ni Onse sa bukid. Isa pa, wala rin naman siyang pambili ng bagong kalabaw.
“Anong gagawin natin ngayon na wala na si Onse? Paano na ang pag-aararo sa bukid?” naiiyak na tanong ni Aling Salome.
Hindi kumibo si Mang Rogelio. Pakiramdam niya, malaking bahagi ng kaniyang katawan ang nawala. May tatlong araw din siyang nagluksa sa pagkawala ni Onse. Ni hindi niya matingnan ang katawan nito nang ilibing niya ito sa lupa. Kinuha niya ang mga sungay nito bilang alaala.
“Ang daya mo naman Onse. Bakit iniwan mo naman ako kaagad? Alam mo namang ikaw ang kapareha ko hindi ba?” naiiyak na sabi ni Mang Rogelio.
Kailangang makaisip siya nang paraan kung paano maipagpapatuloy ang kaniyang pagsasaka at paglalako ng mga gulay bilang kabuhayan. Sinubukan niyang magtungo sa kaniyang mga kasama upang makahiram ng kalabaw. Subalit walang makapagpahiram sa kaniya dahil lahat daw ay ginagamit din sa pagsasaka. Kung may ipinagbibili man, mahina na ang 20,000 piso.
“Saan naman tayo kukuha ng 20,000 piso? Dalawang libo nga eh wala pa tayo,” naiiyak na tanong ni Aling Salome nang magkuwento na sa kaniya si Mang Rogelio.
Hindi na lamang kumibo si Mang Rogelio. Kahit siya, hindi niya masagot ang kaniyang sarili sa malaking tanong na ito.
Habang tumatagal ang mga araw na siya ay nagsasaka, lalong nararamdaman ni Mang Rogelio ang pagkawala ni Onse. Bagama’t nakakapagtanim pa naman siya, iba pa rin kapag kasama niya ang alagang kalabaw.
“Kailangang gumawa ako nang paraan. Hindi puwedeng hindi ako makapaglako ng mga gulay,” naiusal ni Mang Rogelio sa kaniyang sarili.
Kaya naman, wala na siyang mapamimilian. Dahil wala na siyang kalabaw, siya na lamang ang humila ng malaking karitela, na dati ay si Onse ang humihila.
Hindi ininda ni Mang Rogelio ang init at ang mga sulyap ng mga tao sa kaniya. Ang mahalaga, makapaglako siya at makapagbenta. Wala silang kakainin ng misis niya kapag hindi niya ginawa ito.
Nang siya ay pauwi na, isang lalaking nasa edad 25 hanggang 28 taong gulang ang lumapit sa kaniya. Inusisa siya nito.
“Manong, manong… bakit ho kayo ang humihila niyan? Hindi ba ho’t kalabaw o baka ang gumagawa niyan? Masyado ho yatang mabigat iyan para sa inyo?”
“Wala naman akong mapamimilian, iho. Nawala kasi yung kaisa-isang kalabaw ko na si Onse. Nilapa ng mabangis na hayop. Kaya ako ang humihila ngayon, para naman maipagpatuloy ang buhay,” sagot naman ni Mang Rogelio.
Hiningi ng naturang lalaki ang kaniyang buong pangalan at numero ng cellphone. Humingi rin ito ng permiso sa kaniya na makuhanan siya ng video at larawan habang hinihila niya ang mabigat na karitelang kinalalagyan ng mga gulay, na dapat sana’t malakas na kalabaw o baka ang gumagawa.
Kinabukasan, isang tawag ang natanggap ni Mang Rogelio mula sa naturang lalaki. Viral na raw sa social media ang kaniyang larawan at video habang hinihila niya ang karitela. Marami raw ang nagpapaabot ng tulong para sa kaniya, upang makabili siya ng panibagong kalabaw, at may maidagdag sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kaya naman bago siya makipagkita sa naturang lalaki upang kunin ang mga tulong na ibinigay ng iba’t ibang mga netizens at sagutin ang panayam mula sa mga reporters na nagnanais itampok ang kaniyang kuwento, nagtungo muna siya sa lupang pinaglibingan niya kay Onse.
“Salamat, Onse… hanggang sa huli, ako pa rin ang inisip mo. Kahit wala ka na, tinutulungan mo pa rin ako,” naiiyak na sabi ni Mang Rogelio habang inilalapag ang mga bulaklak na kaniyang pinitas.
At hindi naglaon, may bago na ngang kalabaw si Mang Rogelio, na pinangalanan niyang ‘Dose.’

Inis ang Panganay sa Kaniyang Bunsong Kapatid Dahil Umuutang Pa Ito sa Kanilang Ina Kahit na Malaki Naman ang Sinusuweldo; Saan Nga Kaya Napupunta ang Pera Nito?
