Inday TrendingInday Trending
Inis ang Panganay sa Kaniyang Bunsong Kapatid Dahil Umuutang Pa Ito sa Kanilang Ina Kahit na Malaki Naman ang Sinusuweldo; Saan Nga Kaya Napupunta ang Pera Nito?

Inis ang Panganay sa Kaniyang Bunsong Kapatid Dahil Umuutang Pa Ito sa Kanilang Ina Kahit na Malaki Naman ang Sinusuweldo; Saan Nga Kaya Napupunta ang Pera Nito?

Inis na inis si Brenan sa kaniyang nakababatang kapatid na si Bryan dahil naririnig niya ang pangungutang nito sa kanilang inang si Aling Mylene.

“Eh Ma, medyo kinapos po ako ngayon eh… ibabalik ko naman po,” sabi ni Bryan.

“Hindi na anak. Okay na ‘yan. Ikaw naman, para kang ibang tao. Pero matanong ko lang, saan mo ba gagamitin? Wala ka bang naiipon, anak?” untag ni Aling Mylene sa anak.

Ngingiti-ngiting napakamot sa ulo si Bryan.

“Eh Ma… medyo marami akong gastusin eh kaya wala akong naiipon.”

Hindi na nakatiis si Brenan. Sumabat na siya sa usapan.

“Paano ka naman mawawalan ng pera eh hindi ba malaki ang suweldo mo sa kompanyang pinagtatrabahuhan mo? Ipinagmamayabang mo na tumaas ang posisyon mo. Isa pa, binata ka pa at wala ka namang asawa. Baka puro good time lang ang ginagawa mo?” sabi ni Brenan.

Napamaang naman si Bryan sa sinabi ng kaniyang kuya. Talagang malaki ang kanilang mga pagkakaiba, bata pa lamang sila. Mas seryoso at responsable sa buhay si Brenan, palibhasa ay panganay, at nahulma talaga siya ng kanilang sumakabilang-buhay na ama, habang si Bryan naman ay tinatawag na ‘easy-go-lucky,’ palibhasa ay bahagyang napalaki sa layaw ng kanilang ina.

Kagaya ng dati, kumamot lamang sa ulo si Bryan.

“Eh… marami akong bayarin, Kuya. Pasensya na kayo ni Mama. Babawi naman ako sa inyo.”

“Ganyan ka naman Bryan eh. Kahit noong maliliit pa tayo, lagi kang ganyan. Imbes na ikaw ang magbigay kay Mama, ikaw pa ang may ganang manghingi sa kaniya. Minsan mahiya-hiya ka nga…”

“Brenan, tama na iyan. Hindi mo dapat pinagsasalitaan nang ganyan ang kapatid mo. Hindi porke’t ikaw ang nagbibigay sa akin ng pera, na iniaabot ko sa kaniya, gaganyanin mo na siya. Magkakapamilya tayo. Dapat nagtutulungan at nagdadamayan,” mariing sansala ni Aling Mylene sa kaniyang panganay na anak, kung saan siya nakikipisan.

“Ma, huwag na po ninyong sisihin ang Kuya. Tama naman po. Iresponsable naman po talaga ako noon pa man. Hayaan mo Ma, ibabalik ko rin ito sa iyong hiniram ko kapag nagkapera na ako. Pasensya na talaga. Kuya, pasensya na sa istorbo sa inyo ni Mama. Mauuna na po ako,” paghingi ng dispensa at pagpapaalam na ni Bryan sa kanila.

“Hindi mo dapat pinagsalitaan nang masasakit na salita ang kapatid mo! Hindi namin kayo pinalaking bastos!” naiiyak na untag ni Aling Mylene kay Brenan, nang makaalis na si Bryan.

“Hindi naman kabastusan iyon, Ma. Ang sa akin lang, dapat matuto siyang mag-ipon ng pera niya. Malaki ang kinikita niya. Kung marunong sana siyang mag-ipon at magsinop ng pera niya, eh di sana may nahuhugot siya ngayon,” mahinahong paliwanag ni Brenan sa kaniyang ina.

Hindi na lamang kumibo si Aling Mylene. Ayaw na niyang makipagtalo sa anak. Isa pa, may punto naman talaga ito.

Makalipas ang dalawang buwan, isang nakagugulat na balita ang nakarating sa kanila: sumakabilang-buhay si Bryan dahil raw sa isang aksidente. Ganoon na lamang ang paghihinagpis ni Aling Mylene sa pagkawala ng kaniyang pinakamamahal na bunso.

Makalipas ang tatlong araw na lamay, inihatid na sa huling hantungan si Bryan. Nagulat sila sa pagdagsa ng mga nakipaglibing. Napakaraming nagmamahal kay Bryan. Hindi raw matatawaran ang kaaya-ayang personalidad nito. Napakahusay makisama. Kenkoy. Galante at mapagbigay.

Makalipas ang dalawang araw, hindi nila inasahan ang pagdating ng iba’t ibang mga ahente ng insurance policy sa kanilang bahay.

Apat na insurance policy pala ang kinuha ng kaniyang kapatid, kaya wala nang naiipon na pera. At dahil binata naman at walang asawa, ang nailagay na benepisyaryo ng naturang mga insurance ay si Aling Mylene, gayundin si Brenan.

Hindi makapaniwala sina Aling Mylene at Brenan na makatatanggap sila ng malaking halaga na halos umabot ng milyong piso, kapag pinagsama-sama ang kaniyang mga insurance.

Nakaramdam ng pagsisisi si Brenan. Mali pala ang mga paratang niya sa nakababatang kapatid. Naging responsable at wais pala ito sa kinapuntahan ng kaniyang mga suweldo. Hindi siya natutuwa na natanggap nila ang mga iyon dahil nangangahulugang wala na talaga ang kaniyang kapatid.

“Maraming salamat… inalala mo kami…” ang naibulong na lamang ni Brenan habang itinutulos ang kandila at inilalapag ang bulaklak sa puntod nito.

“Huwag kang mag-alala, gagamitin namin sa tama ang iyong pera, anak. Hindi namin sasayangin ang iyong mga pagpapagal,” pangako naman ni Aling Mylene sa anak.

Advertisement