
Naiinis ang Guro sa Kaniyang mga Mag-aaral na Hindi Nagpapasa ng Modules; Sadya nga Bang mga Tamad Sila Kaya Hindi Nila Prayoridad ang Pag-aaral?
Bagong pasok lamang bilang guro sa pampublikong paaralan si Marco at nagkataon pang sa panahon ng pandemya nangyari ang kaniyang pagkakapasok dito. Naisip niya, dahil mahusay naman siya sa teknolohiya, tiyak na magagamay naman niya ang panibagong hamon ng pagtuturo: ang online teaching.
Kaya lang, nagulat siya nang sabihin sa kaniya ng punungguro, na ang ibibigay sa kaniyang advisory class ay modular ang napiling paraan ng pagtuturo at pagkatuto. Ibig sabihin, magiging obligasyon niyang mamahagi, magpaalala sa pagpapasa, at mangolekta ng mga sinagutang modules.
“Eh Ma’am, wala na po bang pagkakataon para umapila?” paglalakas-loob na tanong ni Marco sa punungguro. Mataman naman siyang tinitigan nito.
“Naku Sir, dapat po hindi tayo tumatanggi sa trabaho. Isa pa, kabago-bago mo pa lamang ay ganyan ka na,” saad nito.
Nagulat naman si Marco sa sinabi ng punugguro, hindi naman niya akalaing seseryosohin nito ang kaniyang pagbibiro. Tama nga ang sinabi ng isa sa kaniyang mga kasamahan. Kapag bago ka pa lamang sa sistema, wala kang magagawa kundi ang unti-unti itong yakapin, kung ayaw mong mapag-initan.
“Parang gusto ko na yatang magbitiw, Mahal. Ang sungit ng punungguro namin,” naibahagi ni Marco sa kaniyang kasintahang si Nelia na isa ring guro sa pampublikong paaralan, subalit magkaiba sila ng distritong kinabibilangan. “Magpalipat na lang kaya ako sa inyo?”
“Ano ka ba naman, ganyan lang talaga ang lahat sa simula. Kailangan mong makisama at makisabay sa agos. Pasok sa kaliwang tenga, labas sa kanan. Gawin mo lang ang trabaho mo, Mahal. Masaya naman ang pagiging guro. Marami kang mapagtatanto sa buhay,” payo ni Nelia sa kaniya.
Kaya wala na lamang nagawa si Marco kundi ang yakapin ang itinalagang seksyon sa kaniya. Mahusay naman niyang naipamahagi ang mga modules sa mga magulang ng kaniyang mga mag-aaral. Kahit paano ay nakilala niya ang mga mag-aaral niya.
Hanggang sa dumating na ang pinakamapanghamong bahagi ng pagiging isang guro: may ilan sa kaniyang mga mag-aaral na hindi nagpapasa ng modules, at kinakailangan niyang bisitahin ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay. Bahagi iyon ng tungkulin ng isang gurong tagapayo.
Kaya naman, inisa-isa niyang puntahan ang mga tirahan nila. Habang tinatalunton ang daan patungo sa mga eskini-eskinita, naisip niyang kay tatamad naman ng kaniyang mga mag-aaral na hindi nagagawang magsipasa ng kanilang mga modules, gayong ang iba naman ay nagagawa ito.
Ngunit hindi inaasahan ni Marco ang eksenang bubungad sa kaniya, pagdating sa bahay ng unang mag-aaral na dinalaw niya. Hindi nga niya matatawag na bahay iyon dahil maliit lamang, ang pader ay pinagdugtong-dugtong na mga sako, at ang pundasyon ay mga yayat na coco lumber. Nagulat pa ang kaniyang mag-aaral nang makita siya.
“S-Sir… magandang araw po. A-ano pong ginagawa ninyo rito?” nabubulol na tanong ng mag-aaral na ang pangalan ay Esmie. May tangan itong plastik na palangganan na nangigimalmal sa dumi, at sa loob nito ay may puting bimpo na nakasawak sa tubig na magitim-ngitim.
“Itatanong ko lamang sana kung kumusta ang modules mo? Hindi ka kasi nagpapasa, ‘nak. May problema ba?” tanong ni Marco. Gusto niyang pagalitan ang sarili sa huling tanong, dahil halatang-halata naman na may pinagdaraanan ang bata.
Napatungo si Esmie. Tila hiyang-hiya ito sa guro, lalo na sa kalunos-lunos na kalagayan nila na nasaksihan nito.
“May sakit po kasi ang Nanay ko kaya ako po ang nag-aalaga sa kaniya. Namamasura rin po ako para may pangkain kami. Hindi ko na po maharap ang pagmo-module, sir.”
Nabagbag ang damdamin ni Marco nang masilayan niya ang nakaaawang ina ni Esmie habang nakaratay sa banig ng karamdaman. Gustong pumatak ang luha sa kaniyang mga mata subalit pinigilan niya.
Kaya naman, pinagbigyan na lamang niya ang bata na makahabol ito, binigyan ng ekstensyon, upang kahit paano ay makahabol sa kaniyang mga kailangang ipasa. Pinayuhan niya ang mag-aaral na huwag na huwag mawawalan ng pag-asa, at tawagan lamang siya kung may kailangan. Inabutan din niya nang kaunting tulong-pinansyal ang mag-aaral, at tuwang-tuwa naman ito.
At marami pa siyang natuklasan sa tunay na pinagdaraanan ng kaniyang mga mag-aaral, na karamihan sa kanila ay pinipili na lamang magtrabaho dahil marami sila sa pamilya nila at hindi kaya ng mga magulang nila na matustusan nila ang kanilang mga anak.
Napagtanto ni Marco na hindi siya dapat maging mapanghusga sa kaniyang mga mag-aaral, at dito pumasok sa kaniyang isipan na hindi biro ang pinasok niyang propesyon; kailangan niyang yakapin ito at tumayong pangalawang magulang sa kaniyang mga mag-aaral.

Minamata-Mata ng Ginang na Ito ang Kaniyang Kapitbahay na Tagawalis sa Kalsada; Gumanti Kaya ang Kapitbahay sa Kaniya?
