Inday TrendingInday Trending
Minamata-Mata ng Ginang na Ito ang Kaniyang Kapitbahay na Tagawalis sa Kalsada; Gumanti Kaya ang Kapitbahay sa Kaniya?

Minamata-Mata ng Ginang na Ito ang Kaniyang Kapitbahay na Tagawalis sa Kalsada; Gumanti Kaya ang Kapitbahay sa Kaniya?

Masayang-masaya si Aling Mameng habang naglalakad siya pauwi mula sa pamamalengke. Parehong may hawak na bayong ang magkabila niyang mga kamay. Nag-intrega na kasi ang kaniyang mister na si Mang Dado sa kaniya na isang maestro karpintero, kaya naman namili na siya nang marami upang makita ng kaniyang mga kapitbahay, at makapagpasikat siya.

Iyon ang isa sa mga kapintasan ni Aling Mameng. Mainggitin siya sa mga taong sa palagay niya ay nakaaangat sa kaniya, at kung sa tingin naman niya ay nakaaangat kaysa sa isang tao, nilalait niya ito.

Habang naglalakad ay nakasalubong niya ang kaniyang kapitbahay na si Aling Edna, na isang street sweeper o tagawalis sa kalsada. Lagi niya itong nilalait sa sarkastiko niyang paraan. Mabuti na lamang at hindi siya pinapatulan nito. Ngumingiti lamang at magalang na tumutugon sa kaniya.

“Oh Edna, kumusta? Magwawalis ka na naman pala sa kalsada,” sarkastikong pagbati ni Aling Mameng kay Aling Edna.

Ngumiti naman si Aling Edna kay Aling Mameng. “Ikaw naman, Mameng. Para ka namang bago nang bago. Alam mo namang ito lamang ang mapagkakakitaan ko. Hindi naman ako kagaya mo na may mister na malakas kumita. Isa pa, hindi naman masama ang trabaho kong ito. Marangal naman ito at kumikita naman ako nang maayos.”

“Oo nga kumikita ka nga nang maayos, kaya lang, hindi ba mahirap ang ginagawa mo? Hindi na tayo bumabata, Edna. Ako ang nahihirapan para sa iyo eh. Tingnan mo oh, marami na ang kulubot sa mukha mo. Tingnan mo ako, nagpapaganda pa rin ako para hindi masyadong halata ang edad ko,” pagbubuhat ni Aling Mameng sa sarili niyang bangko.

“Masuwerte ka, Mameng, dahil masipag at malakas kumita ang mister mo. Gustuhin ko mang gawin ang mga sinasabi mo, eh kulang pa ang sinusuweldo ko para maipambili ng mga pampaganda sa mukha. Huwag kang mag-aalala, maiaahon ko rin ang sarili ko sa kahirapang ito,” sagot naman ni Aling Edna.

“Bakit kasi hindi ka nag-aral noong bata-bata ka pa? Tingnan mo ako, kahit paano ay nakapag-aral ako ng vocational. Tapos ako ng dalawang taong kurso. Hindi nga lang ako makapagtrabaho dahil ayaw na akong pagtrabahuhin ng asawa ko. Malaki naman daw ang kinikita niya kaya hindi ko na raw kailangan,” pagmamalaki pa ni Aling Mameng.

“Mabuti ka pa Mameng at nakapagtapos ka ng pag-aaral, kahit vocational. Ako kasi, Grade 5 lamang ang natapos ko. Ayaw kasi kaming pag-aralin ng ama ko. Pero huwag kang mag-alala. Kahit siguro wala naman akong diploma, kaya kong maiahon ang pamilya sa kahirapan. Itaga mo iyan sa bato, Mameng.”

Makalipas ang dalawang linggo, napansin ni Aling Mameng na hindi na niya napagkikita si Aling Edna sa lansangan, kapag siya ay nagtutungo sa palengke. Naisip niya, baka naitalaga lamang ito sa ibang lugar ng pagwawalisan. Ipinagpasalamat niyang hindi siya katulad ni Aling Edna, na may mister siyang malakas kumita ng pera, at hindi naman pinababayaan ang kanilang sambahayan.

Ngunit doon siya nagkakamali. Makalipas lamang ang dalawang buwan, bigla na lamang umalis ang kaniyang mister at sumama sa ibang babae. Hindi malaman ni Aling Mameng kung ano ang gagawin niya. Hindi niya alam kung paano bubuhayin ang kaniyang mga anak. Wala siyang naipon sa mga ibinibigay sa kaniya ni Mang Dado dahil hindi niya inaasahang mangyayari ang mga bagay na ito.

Kailangan niyang humanap ng trabaho. Subalit saan naman siya maghahanap? Wala siyang alam na trabaho.

Kaya naman isang araw, sinuyod ni Aling Mameng ang buong bayan upang maghanap ng trabaho subalit bigo siya. Kung walang bakante, hindi na raw sila tumatanggap ng medyo may edad na.

Sa kaniyang bigong pag-uwi, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasalubong niya si Aling Edna. Ngunit hindi gaya ng dating hitsura nito, wala itong hawak na walis tingting o pandakot. Maayos ang hitsura nito, may ilang pahid pa ng lipstick sa mga labi nito.

“Aba Edna, kumusta ka na? Tagal nating hindi nagkita. Nakapostura ka yata? Mabuti’t nakasalubong kita. Nahihiya man ako sa iyo, magpapatulong sana ako. Maaari bang ipasok mo ako sa trabaho mo? Yung katulad ng ginagawa mong pagwawalis sa kalsada,” saad ni Aling Mameng.

“Ha? Bakit naman? Anong nangyari? Hindi ba’t maganda naman ang trabaho ng mister mo? Bakit naghahanap ka ng trabaho?” usisa ni Aling Edna. Ipinagtapat ni Aling Mameng ang ginawa ng mister at ang sitwasyong hinaharap ngayon.

“Naku, tamang-tama pala. Nagbitiw na kasi ako sa trabaho bilang tagawalis sa daan. Tamang-tama naman na nakita kita. Gusto mo, ikaw na lang ang i-refer ko sa munisipyo na siyang papalit sa akin?”

“Sige, sige! Maraming salamat, Edna. Pasensya ka na sa abala ha? Pero teka matanong ko lang, saan ka na magtatrabaho ngayon?” usisa ni Aling Mameng.

Ngumiti si Aling Edna.

“Hindi mo naitatanong, isa sa mga benepisyo ng pagiging tagawalis ng kalsada ay ang scholarship na ibinibigay ng munisipyo. Simula nang ako ay maging tagawalis, sinunggaban ko ang pagkakataon. Naipasa ko ang Alternative Learning System, kaya naman nakatawid kaagad ako sa kolehiyo. Nitong mga nagdaang araw, hindi ako masyadong nakakapasok dahil nagtatapos kami ng thesis. Awa ng Diyos, nakatapos na kami ngayon. Office Administration ang natapos naming kurso,” nakangiting paliwanag ni Aling Edna.

Natahimik si Aling Mameng. Hindi siya makapaniwala sa kuwento ni Aling Edna. Ang taong minamata-mata niya noon, palihim pa lang pinagsasabay ang pagtatrabaho at pag-aaral, at ngayon nga ay titulado na!

May programa pala ang munisipyo na kapag nakatapos na ang mga iskolar nilang tagalinis sa kalsada o street sweeper, kailangan itong magbigay ng serbisyo sa opisina ng munisipyo o sa iba pang mga kaugnay na opisina nito. Kaya naman may naghihintay na trabaho kaagad kay Aling Edna.

Natanggap naman bilang kapalit ni Aling Edna si Aling Mameng. Hindi siya makapaniwala na ginagawa na niya ngayon ang trabahong nilalait niya kay Aling Edna. Napagtanto niya na hindi dapat nangmamata ng kapwa dahil bilog ang mundo.

Advertisement