Inday TrendingInday Trending
Inaalagaan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Biyenan kahit Wala na ang Kaniyang Asawa, Pinagtawanan Siya ng Ilan Dahil Dito

Inaalagaan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Biyenan kahit Wala na ang Kaniyang Asawa, Pinagtawanan Siya ng Ilan Dahil Dito

“Ate, ilang taon ka pa bang magsisilbi sa biyenan mo, ha? Wala na ang asawa mo, ate, hindi mo na obligasyon ang nanay niya! Kita mo ang itsura mo ngayon, napakapayat mo na!” sambit ni Jona sa kaniyang nakatatandang kapatid, isang umaga nang makita niya itong nagwawalis sa palengke.

“Bunso, bago mawala ang asawa ko, pinangako ko sa kaniya na hindi ko iiwan ang nanay niya. Wala naman kasing ibang anak ‘yon na maaasahan. Bukod pa roon, mahina na ‘yon at may karamdaman pa,” sagot ni Gina habang patuloy sa pagwawalis ng mga nakakalat na bulok na prutas at gulay.

“Hanggang saan ka dadalhin niyang kabaitan mo, ate? Hahayaan mo bang ikaw ang manghina at magkasakit bago ka magising sa katotohanang nagpapakahirap ka sa taong hindi mo naman kadugo?” inis pang wika nito habang pilit siyang pinapatigil na magwalis.

“Tama naman itong ginagawa ko, bunso, at masaya ako sa ginagawa kong pagtulong at pag-aalaga sa kaniya. Salamat sa pag-aalala mo,” nakangiti niyang tugon saka hinawakan ang kamay ng kapatid.

“Hindi ako nag-aalala, ate, naiinis ako sa kat*ngahan mo! Ang ganda-ganda ng buhay mo sa atin, aalis ka para magbanat ng buto sa initan!” sigaw nito saka agad na inalis ang kamay niya’t siya’y iniwan doon. Napabuntong hininga na lang siya habang pinagmamasdan papalayo ang kapatid.

Laki sa maalwang buhay si Gina. Isang inhinyero ang kaniyang ama habang isa namang negosiyante ang kaniyang ina dahilan para simula pagkabata niya, ni hindi niya nagawang magbuhat ng balde ng tubig o kahit humawak ng maruruming damit.

Ito ang rason kaya ganoon na lang siya labis na tinakwil ng kaniyang pamilya nang siya’y magpasiyang magpakasal sa isang lalaking taga-probinsya at tanging isang kalabaw lamang ang pagmamay-ari.

Dahil nga siya’y nakaramdam ng wagas na pagmamahal sa lalaking ito kahit walang maibigay sa kaniyang masarap na ulam sa hapag-kainan, kaniya itong pinakasalan. Lingid man ito sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang dahil nga walang maipagmamalaki ang lalaking napili niya, hindi niya ito iniintindi at ginawa niya kung anong tinitibok ng kaniyang puso.

At nang siya’y makasal na sa lalaking iyon, wala nang mas sasaya pa sa kaniya ngunit ilang buwan lang ang lumipas, bigla naman itong binawian ng buhay nang minsang atakihin habang nagtatanim ng palay sa initan.

Bago tuluyang bumitaw sa buhay ang kaniyang asawa, nag-aalala ito sa maiiwang inang may karamdaman kaya ganoon siya na lang mangakong hindi niya pababayaan ang nanay nito na hanggang ngayo’y ala-alaga niya kahit mahigit kumulong limang taon na ang nakalipas.

Ito ang mas nakapagpagalit sa kaniyang pamilya. Katwiran nila, lalo na ng bunso niyang kapatid na sinasadya siya sa palengke upang paliwanagan, hindi niya naman ito kadugo at nagsasayang lamang siya ng panahon at pagod dito na lalong nagpabigat sa kaniyang nararamdaman.

Kahit pa ganoon, patuloy pa rin siya sa pag-aalaga sa matanda at pagtataguyod dito sa pamamagitan ng pagwawalis sa palengke.

Nang araw na ‘yon, maraming tindera ang nakarinig sa usapan nila ng kaniyang kapatid dahilan para makiusisa ang mga ito habang siya’y nagwawalis-walis doon.

Napakamot ulo na lang siya dahil sa kakulitan ng mga ito na sabihin niya ang totoo niyang sitwasyon at nang ikwento niya ang kalagayan ng buhay niya kasama ang biyenang may sakit, katulad ng kaniyang pamilya, sinabihan siya ng ilan na siya’y t*nga sa pagpili ng buhay na mahirap. Wika pa ng isang tindera, “Nasa kama ka na, mas pinili mo pang matulog sa papag!” na labis niyang ikinalungkot dahilan para siya’y umalis sa pwesto na iyon.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makaalis doon, may isang ginang na lumapit sa kaniya.

“Napakabait mong manugang, hija. Gusto mo bang magsimula muli kasama ang biyenan mo?” alok nito na ikinagulat niya.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” tanong niya.

“May pwesto kasi ako roon sa bandang gitna ng palengke. Hindi ko mabuksan dahil wala akong makuhang tindera, gusto mo bang maging tindera ko? Ibibigay ko sa’yo ang kalahati ng kita ng tindahan. Gusto ko lang ‘yong buksan para malibang ako sa buhay, eh,” sambit nito na ikinalaki ng mata niya.

“Naku, sigurado po ba kayo?” paninigurado niya.

“Oo naman! Ang mga taong katulad mo, madalang na lang sa mundong ito! Kaya, ipagpatuloy mo lang ‘yan, ha?” payo nito saka siya niyaya sa naturang pwesto.

Doon niya nalamang isa pala ang ginang na ito sa pinakamayamang negosiyante sa kanilang palengke. Sakto namang napadaan ito nang siya’y pinagtatawanan ng mga tindera.

Iyon na ang naging simula nang muling pag-alwan ng buhay niya kasabay nang unti-unting paggaling ng kaniyang biyenan na labis niyang ikinasaya.

“Sana ngayon, mahal, napapangiti rin kita. Gagaling si mama, pangako ‘yan!” wika niya habang pinapakain sa ospital ang kaniyang biyenan.

Nabalitaan ito ng kaniyang pamilya at labis na naging masaya para sa buhay na kaniyang ipinaglaban. Simula rin noon, muli siyang tinanggap ng pamilya at sila’y tinulungang magbiyenan sa buhay na kanilang kinahaharap.

Advertisement