
Ipinagtatangol Palagi ng Binata ang Iyakin Niyang Kapatid, Isang Bata ang Binalibag at Pinaso Niya
“Hoy, ikaw, dayo ka lang dito kung tuksu-tuksuhin mo ang kapatid ko, sobra-sobra! Sino ka ba sa inaakala mo, ha? Kaya mo na ba ang buto mo?” sigaw ni Roel sa isang dayong bata sa kanilang lugar, isang umaga nang umuwing umiiyak ang kaniyang kapatid mula sa paglalaro.
“Siya ang nanguna manukso sa akin, eh. Sabi niya sa akin, amoy durian daw ako, eh, hindi naman! Kaya tinukso ko rin siya na mataba, totoo namang mataba siya, eh!” sagot ng bata habang patuloy sa paglalaro kasama ang ilan pang batang kalye.
“Aba, sinisigawan mo pa ako? Alam mo ba kung ilang taon na ako, ha? Kayang-kaya kitang ibalibag d’yan!” panakot niya rito saka niya ito hinawakan sa kwelyo.
“Bakit mo ako ibabalibag? Gusto mo ba isumbong kita sa daddy ko para ikaw ang ibalibag? Ang tapang-tapang mo, payatot ka naman! Hingi ka taba sa kapatid mong baboy!” wika nito na lalong nagpainis sa kaniya.
“Ah, ganoon? Hinahamon mo talaga ako, ha?” sambit niya saka niya ito itinaas at ibinalibag sa kalapit na sidecar. Hindi pa siya natapos roon at ito’y pinagpapapaso niya pa ng hawak niyang sigarilyo sa braso.
“Aray! Tama na po! Tama na po, hindi ko na tutuksuhin ang kapatid mo!” sigaw ng bata saka agad na tumakbo palayo na labis niyang ikinatawa.
“Duwag ka pala, eh!” sigaw niya.
Sobrang protektado ng binatang si Roel sa kaniyang bunsong kapatid. Ayaw na ayaw niyang uuwi itong malungkot o kung hindi nama’y umiiyak sa tuwing lalabas ito at makikipaglaro sa ibang batang nasa kanilang kalsada.
Sa katunayan, kapag ito’y umuuwing malungkot dahil sa pagkatalo sa isang laro, susugurin niya ang mga nakalaro nitong mga bata para manalo ang kapatid niya.
Bukod pa roon, ayaw na ayaw niya ring may nanunukso ritong mataba na magbubunga nang pagngalngal ng kaniyang kapatid. Sa tuwing nangyayari ito, kahit anong edad ng batang nanukso rito, gagawin niya ang lahat para mapaiyak din ito.
May pagkakataon pa ngang may nanukso ritong batang babae, kaya naman, ang ginawa niya, hinubaran niya ng pangbaba ang batang iyon at labis na pinagtawanan dahilan para ngumalngal din ito at mapatawa ang kaniyang kapatid na nanunuod.
Kaya naman, ngayong mayroon na namang nanunukso sa kaniyang kapatid, kahit na kakagising niya lamang, hindi siya nagdalawang isip na lumabas ng bahay at hanapin ang batang nagpaiyak dito.
Kahit na nakita niyang payat na payat ang batang ito, hindi siyang nagdalawang isip na gantihan ito.
Nang araw na ‘yon, matapos niyang saktan ang batang iyon, pinagmalaki niya pa sa kapatid niyang umiiyak ang ginawa niya.
“Kapag may nanukso pa sa’yo, suntukin mo sa mukha tapos tumakbo ka rito sa atin, akong bahala sa’yo!” payo niya pa sa kapatid habang pinupunasan niya ang mga luha nito.
Kaya lang, bago niya pa tuluyang mapatahan ang kapatid, nakarinig siya ng isang boses na naghahanap sa kaniya dahilan para lumabas siya ng bahay at ito’y tignan.
“Ikaw si Roel? Ang bumalibag at pumaso sa anak ko?” tanong ng isang mataas na lalaki, bahagya siyang nakaramdam ng takot at napalunok ng laway.
“Ah, eh, tarantado kasi ng anak niyo, eh. Tinutukso ang kapatid ko,” natataranta niyang sagot.
“Away bata ‘yan, nakikisali ka? Kung may problema ka sa anak ko, ako ang hanapin mo para ako ang magpangaral! Hindi mo ba alam na mas tarantado ako sa anak ko?” tanong nito sabay hila sa kwelyo niya na lalo niyang ikinatakot.
“Teka lang po, huwag niyo akong saktan!” sigaw niya.
“Huwag kang mag-alala, hindi kita sasaktan dahil sa kulungan kita ipapab*gbog. May kaukulang kaso ang ginawa mong pananakit sa anak ko!” sigaw nito saka siya padabog na ibinaba.
Mayamaya pa, may ilang pulis na ang sumundo sa kaniya at doon niya nalamang pulis pala ang tatay ng batang sinaktan niya.
Marami ring nakakita ng ginawa dahilan para siya’y agad na maikulong sa bilangguan.
“Patawarin niyo po ako, sir, pangako, hindi ko po muling sasaktan ang anak niyo!” pagmamakaawa niya.
“Anak naman ng iba ang sasaktan mo para sa kapatid mo? Kung may problema ka sa mga bata, ang mga magulang ang kausapin mo! Hindi ‘yong sasaktan mo sila! Walang kalaban-laban sa’yo ‘yan! Gayut ka na, utak merengge ka pa rin!” sigaw ng naturang pulis sa kaniya.
Doon niya labis na pinagsisihan ang ginawa niyang pagpatol sa away ng mga bata. Hindi niya lubos akalaing ang kagustuhan niyang protektahan ang kapatid ay ang magiging dahilan ng kaniyang pagkakulong at ang magiging rason sa patuloy na pag-iyak nito.