Pinalayas ng Ama ang Dalaga dahil Wala Raw Siyang Nagagawang Mabuti; Mapatunayan Niya Pa Kaya ang Sarili?

“Diyos ko, naman, Alisa! Pagsasaing lang, hindi mo pa magawa nang maayos! Paano kung hindi nakita ng nanay mo ang nagsisimulang apoy d’yan sa kalderong ‘yan, ha? Edi nasunog na ang buong bahay natin! Makakaperwisyo pa tayo ng mga kapitbahay!” bulyaw ni Edwardo sa kaniyang panganay na anak, isang tanghali matapos umapoy ang kalderong pinaglulutuan ng sinaing ng kaniyang anak.

“Pasensiya na po, papa, nawala sa isip ko. Hinehele ko po kasi si bunso, bigla po kasing nagising,” tugon ni Alisa habang patuloy pa rin sa paghehele sa umiiyak na kapatid dahil sa bulyaw ng kanilang ama. 

“Magdadahilan ka pa?” galit na tanong nito.

“Sinasabi ko lang po, papa, ‘yong dahilan kung bakit ko po nakaligtaang bantayan…” hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil agad na siya nitong inambaan ng hawak na fire extinguisher.

“Sumasagot ka pa talaga, ha?” sambit nito saka hinagis sa kaniyang ang naturang bahay dahilan upang agad na kunin ng kaniyang ina ang hawak niyang bata.

“Aray ko po, papa! Tama na po!” sigaw niya nang hagupitin pa siya nito ng sinturon. 

“Lumayas ka rito sa pamamahay ko! Tutal may trabaho ka na at sariling pera, bumukod ka na sa amin! Wala kang nagagawang mabuti sa pamilyang ‘to!” sigaw pa nito saka siya kinaladkad palabas.

Ang pangyayaring ito ang isa sa mga pinakamasakit na tagpo sa buhay ng dalagang si Alisa. Kahit siya, hindi niya mawari kung bakit palagi na lang mainit ang ulo ng kaniyang ama sa kaniya. Kada may magagawa siyang kapalpakan, maliit man ito o malaki, palagi siya nitong pinagbubuhatan ng kamay. 

Advertisement

Kahit pa siya’y nasa tamang gulang na, nakapagtapos na ng pag-aaral, may sarili nang trabaho, may sariling pera at nakatutulong na sa pamilya, nagagawa pa rin siya nitong saktan. 

Ngunit dahil sa kaniyang kabaitan, kahit kaya niya namang lumaban dito dahil marunong siya ng martial arts, iniinda at sinasangga niya lang ang mga hagupit nito.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos siya nitong kaladkarin palabas, sinunod nitong ilabas ang kaniyang mga gamit. Naririnig niyang inaawat ito ng kaniyang ina at nagmamakaawang huwag siyang paalisin dahilan upang lalo siyang mapaiyak. Pero dahil narinig niyang pinagbabantaan ito ng kaniyang ama na sasaktan kapag hindi tumahimik, minabuti niya nang agad na umalis upang huwag ito masaktan.

Dahil nga may sarili na siyang pera, agad siyang nakahanap ng matutuluyang apartment. Hindi man kasing ganda ng bahay nila, bahagya naman siyang naging komportable dahil sa katahimikang mayroon dito.

Tanging ang tunog lang ng lumang electric fan at mga mahihinang busina ng sasakyan mula sa kalapit na kalsada ang kaniyang naririnig dahilan upang labis niyang pagbulay-bulayan ang buhay na mayroon siya ngayon.

Labis siyang naaawa sa kaniyang sarili. Tinatanong niya ang Diyos kung bakit sa dinami-dami ng tao, siya pa ang makakaramdam na para bang wala siyang saysay sa mundong ito dahil sa pakikitungo at mga sinasabi ng kaniyang ama.

Ngunit habang siya’y humihikbi, may isang mahinang iyak ng sanggol ang kaniyang narinig.

Noong una’y binalewala niya lang ito at inakalang baka anak lang ng kaniyang kapitbahay, pero nang humigit kumulang labinglimang minuto na itong patuloy na umiiyak, nagpasiya na siyang hanapin kung saan nanggagaling ang naturang iyak.

Advertisement

Sinundan niya ang mahinang tunog na ito at hindi niya lubos na akalaing matatagpuan niya ito sa isang pader malapit sa kaniyang banyo.

“Te-teka, anong ibig sabihin nito? Nasa tubo ng banyo ang umiiyak na bata? O baka naman nasa kabilang silid lang?” sambit niya sa sarili saka niya agad na tinignan ang kabilang silid kasunod ng inuupahan niyang silid. 

Ngunit pagkatingin niya sa pintuan ng naturang silid ito’y bakante dahilan upang agad na siyang humangos papasok muli sa kaniyang silid at humanap ng bagay na makakasira sa pader na iyon habang tumatawag na siya ng tulong.

Tumigil na sa pag-iyak ang bata kaya siya’y kinakabahan baka ito’y wala nang buhay. Mabuti na lang at hindi kongreto ang naturang pader dahilan upang agad niyang makapa kung nasaan ang tubong pinaglalagyan ng naturang bata. 

Agad niyang binakbak ang pader nang masigurado niya ang lokasyon ng bata at laking pasasamalat niya dahil agad na dumating ang mga rescuer.

Ilang minuto pa ang lumipas, nasira na ng mga rescuer ang tubo at tumambad sa kanila ang isang bagong panganak na sanggol na agad namang nadala sa pinakamalapit na ospital.

Natuklasan ng mga pulis na ang ina nito’y nasa itaas lang ng silid na inuupahan niya at tagong nanganak dahil sa takot sa mga magulang.

Ganoon na lang ang pasasalamat ng mga awtoridad at magulang ng nanganak na iyon sa kaniya dahil sa kabayanihan niyang ito at doon niya napagtantong mayroon siyang nagawang mabuti sa buhay niya.