Mapili sa Pasahero ang Drayber na Ito, Maling Tao ang Nakabangga Niya Isang Araw

“O, ‘yong mga amoy imburnal d’yan, baka pwedeng bumaba na muna kayo at maligo sa bahay niyo. Alam niyo namang aircon bus ang sinakyan niyo, hindi man lang kayo naligo at naglagay ng tawas! Ang sakit sa ilong ng amoy!” sigaw ni Mang Jason sa kaniyang mga pasahero, isang umaga nang bigla niyang maamoy ang isang masangsang na amoy habang siya’y nagmamaneho.

“Ako ba ang pinariringgan mo?” tanong ng pasaherong tinutukoy niya.

“Aba, eh, kung natatamaan po kayo sir, bumaba ka na. Amuyin mo rin ang sarili mo para malaman mo kung anong klaseng amoy mayroon ka,” sagot niya habang patuloy pa rin sa pagmamaneho dahilan upang bahagyang matawa ang ibang pasahero.

“Ah, ibigsabihin, ako talaga ang pinagsasabihan mo? Pupwede mo namang sabihin ng direkta sa akin, tutal ako ang pinakalamapit sa’yo. Hindi ‘yong ipapahiya mo pa ako sa ibang pasahero,” tugon nito, bakas na sa mausing na mukha nito ang pagkainis.

“Eh, bakit ba kasi nabiyahe ka ng ganyan ang amoy at itsura mo? Nakakadiri na ang sagwa pa ng amoy!” sigaw niya habang patawa-tawa pa dahilan upang lalo itong mainis sa kaniya.

“Ah, ganoon ba? Ibaba mo na ako riyan sa tabi,” mahinahong sambit nito.

“Iyon naman! Babango na ulit ang bus ko!” sarkastiko niya pang sambit saka niya itinigil sa tabi ang sasakyan.

Drayber ng isang aircon bus na may rutang Bulacan hanggang Pasay ang ginoong si Mang Jason. Ito ang trabahong bumuhay at nagpaaral sa kaniyang dalawang anak sa kolehiyo dahilan upang labis niyang mahalin ang trabaho niyang ito. 

Advertisement

Ngunit, sa lahat ng drayber sa kanilang lugar, siya lamang ang namumukod tanging maarte sa pasahero. Ayaw niya ng pasaherong mukhang gusgusin, mga pasaherong may dalagang panindang isda o alamang at lalo’t higit, ayaw niya ng mga pasaherong mababaho. Katwiran niya, kumakalat ag amoy ng mga ito sa buong bus at nakakaperwisyo sa ibang pasahero. 

May punto naman siya kung tutuusin. Kaya lang, kapag may sumakay na pasahero sa kaniyang mabaho, pinapahiya niya pa ito at ginagawang katatawanan dahilan upang marami ang mainis sa kaniya.

Sabi nga ng kaniyang asawa, “Kung hindi ka lang siguro namimili ng mga isasakay mong pasahero, siguro may sarili na tayong negosyo!”

Kahit pa ganoon, hindi niya ito iniintindi dahil may sapat pa rin naman siyang kita kahit pa siya’y namimili ng pasahero.

Noong araw na ‘yon, tuwang-tuwa siya sa lalaking mabahong pinaringgan niya dahil kitang-kita niya mula sa salamin ang inis sa mukha nito. Labis pa siyang natuwa nang agad itong nagpara matapos niya itong ipahiya.

Katulad ng sinabi ng pasahero, agad niyang tinabi ang minamaneho niyang bus.

“Ito, o, bayad,” sambit nito sa kaniya dahilan upang ibigay niya rito ang kamay niya nang hindi tumitingin dito.

Ngunit, bigla siyang nagtaka dahil mabigat ang inabot nito at tila hindi pera dahilan upang agad niya itong tignan. Labis siyang nanlamig nang makitang granada ito at tila wala na ang takip nito!

Advertisement

Tinignan niya ang lalaking nag-abot nito sa kaniya, nakangisi ito at tila kumakaway dahilan upang agad na siyang lumabas ng bus at itapon sa katapat na bakanteng lote ang naturang granada.

Agad siyang napadapa nang sumabog ito habang nanginginig sa takot at kaba.

Nakita niya mula sa salamin ng bus ang mga pasahero niyang nag-iiyakan din dahil sa takot dahilan upang mapabuntong hininga na lamang siya.

Ilang saglit pa, dumating na ang mga pulis na tinawagan ng isa sa kaniyang mga pasahero at doon niya nalamang ang lalaking iyon pala ay pinaghahanap ng batas dahil sa pagtakas nito sa kulungan dahilan upang mapagtanto niyang tila mali ang nakabangga niyang tao dahil wala itong takot bumawi ng buhay ng sinumang tao.

Dumating na rin ang asawa niyang ganoon na lang labis na nag-aalala sa kaniya. Wika nito, “Ngayong nakaranas ka na ng ganiyang pangyayari, sana naman maging maingat ka sa pagsasalita at pamimili ng mga pasaherong isasakay mo dahil hindi lahat, magpapakumbaba sa iyo at papalampasin ang mga biro mo. Ang iba’y walang takot kahit kanino at handa kang gantihan kahit buhay mo at ng mga pasahero mo ang kapalit,” saka siya nito mahigpit na niyakap. 

Simula noon, agad na binago ni Jason ang kaniyang pag-uugali. Ayaw na niyang muling malagay sa alanganin ang buhay niya at ng kaniyang mga pasahero dahil lang sa kaartehan niya sa marurusing na pasahero.