Ibinibintang ng Dalagang Ito sa Kasambahay ang Kaniyang mga Kalokohan, Bakit Siya Pa Rin ang Pinarusahan ng Ina Niya?

“Hershey! Nakita mo ba ang singsing ko? Kanina ko pa hinahanap, hindi ko makita! Huli na ako sa meeting ko!” sigaw ni Emma sa kaniyang anak, isang umaga nang bulabugin niya ito sa silid nito.

“Bakit sa akin mo tatanungin, mama? Hindi naman ako napasok sa kwarto mo. Saka, anong gagawin ko sa singsing mo? Eh, mas marami pa akong alahas kaysa sa’yo. Si yaya ang tanungin mo, siya lang naman ang pumapasok d’yan sa kwarto mo bukod sa’yo,” mahinahong sagot ni Hershey habang patuloy pa rin sa paggamit ng kaniyang laptop.

“Nagbakasyon siya, hindi ba? Tayong dalawa lang ang nasa bahay na ito, Hershey!” bulyaw pa nito sa kaniya dahilan upang padabog niyang tanggalin ang earphones na suot niya.

“Kanina lang siya umalis, hindi ba? Nakita ko pa nga siyang lumabas mula sa kwarto mo kaninang madaling araw nang kumuha ako ng tubig sa kusina. Hindi kaya…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad nang naglupasay ang kaniyang ina sa sahig dahil sa pagkadismaya. 

“Diyos ko, naman! Akala ko pa naman, nakahanap na ako ng mapagkakatiwalaang kasambahay!” iyak nito saka agad na nagtungo sa sariling silid.

Anak ng isa sa pinakamayamang negosiyante ang dalagang si Hershey. Lumaki siyang nakukuha lahat ng gusto niya. Kahit noong bata pa siya, basta’t humiling lang siya ng kahit anong bagay, mapabagong sasakyan man o alahas, agad na ibibigay ng kaniyang ina.

Ngunit, nang mapansin ng kaniyang ina na nagiging spoiled na siya, tinigil nito ang palaging pagbibigay sa kaniya. Bago niya makuha ang isang bagay, mayroon muna itong kondisyon kagaya ng dapat magkaroon siya ng mataas na marka sa eskwelahan, maglinis siya ng silid niya o magwalis siya ng bahay na labis niyang ikinaiinis.

Kaya naman, imbis na gawin ang mga kondisyong ito, minamabuti niya na lang na tanggihan ang alok ng ina at kumipit na lamang sa pitak nito o kung hindi naman, ibenta ang mga gamit nito upang magkaroon siya ng pera at mabili ang nais niya.

Advertisement

Humiling siya ng bagong selpon sa ina, isang araw bago mawala ang singsing nito. Sambit nito, “Hugasan mo muna ‘yong plato, tulungan mo si yaya maglinis ng bahay,” dahilan upang labis siyang mainis at agad na magtungo sa kwarto nito upang kumuha ng gamit na maibebenta.

Una niyang nakita ang singsing nito na may mamahaling diyamante sa tuktok. Agad niya itong sinilid sa bulsa niya at agad na nagpaalam sa ina na magpupunta lamang sa kaniyang kamag-aral.

Noong araw ding ‘yon, nabenta niya ang singsing na ito at bumili ng hinihingi niyang selpon. Bukod pa ro’n, niyaya niya rin ang kaniyang mga kaibigan na mag-inom sa isang sikat na bar dahilan upang sa isang iglap, maubos ang kaniyang pera.

Nang maghanap na ang kaniyang ina, agad niyang tinuro ang kanilang kasambahay. Sa katunayan, sa tuwing may nawawala, sa kasambahay niya agad ito sinisisi dahilan upang palagi na lamang sila mawalan ng kasambahay dahil agad itong tinatanggal ng kaniyang ina.

Pagkaalis ng kaniyang ina sa kwarto niya, napangisi na lang siya saka sinipat ang bago niyang selpon.

“Mukhang kailangan na naman namin ng bagong kasambahay,” biro niya saka tumawa nang tumawa.

Ngunit, nagulat siya sa mensaheng pinadala ng kaniyang ina, dahil imbis na paghanapin siya nito ng bagong kasambahay sa internet, pinahanap siya nito ng apartment dahilan upang usisain niya ito.

“Apartment para tirhan mo. Ayoko nang magnanakaw ka ng gamit ko at ibibintang sa ibang tao. Nakuhanan ni yaya ang ginagawa mo, hindi pala siya naglalaba noong mga oras na ‘yom, nasa silid ko pala siya at naghahanap ng maruruming damit ko. Kaya para magtino ka na, ihihiwalay na kita ng tirahan,” sambit nito na labis niyang ikinapanlumo.

Advertisement

Magmakaawa man siya sa ina at humingi ng tawad, hindi siya pinakinggan nito. Nang makahanap na ito ng matutuluyan niya, agad siya nitong pinalipat ng tirahan na may kakaunting gamit.

“Para sa’yo rin ito, anak, hindi maganda ang ugaling pinapakita mo ngayong mga nakaraang taon,” sambit nito, isang araw habang tinutulungan siya nitong maglipat ng gamit.

Sa pag-iisa niya sa apartment na iyon, napagtanto niya ang kahalagahan ng bawat sentimong mayroon siya. Matipid niyang ginagastos ang perang binibigay ng kaniyang ina. Maliit na halaga man ito, nagagawa niyang pagkasiyahin ito sa pang-araw-araw niyang pagkain at kaniyang pambaon sa paaralan.